Sa Pagluha

8 0 0
                                    

Naghari ang ingay sa loob ng kwarto. Nagpapalitan ng masasakit na salita, nagpapalakasan ng sigaw ang mag-asawa. Ang babae ay pinipigilan ang kanyang paghikbi samantalang pinipigilan ng lalaki ang kanyang galit. Karaniwan ng eksena, paulit-ulit na nagaganap ngunit hindi pa rin lumilipas ang sakit. Sa mga araw na sila'y nagtatalo, laging mayroong saksi.

Si John, ang kanilang anak, ay pitong taong gulang. Nakasilip ang bata sa pinto, pinipilit na hindi makagawa ng ingay. Nakatutok ang mga mata at tainga sa dalawang taong halos hindi na niya makilala. Gusto niyang lumapit ngunit natatakot, gusto niyang sabayan ang pagsigaw ngunit napupuno ng lungkot. Sa bawat hiyaw ay pagpintig ng tainga at sa bawat salita ay sugat ng lahat.

Kasabay ng pagluha ng dalawa, ang pagtulo ng mga luha ni John.

Nanatili sa kinatatayuan ang bata, nanatiling tikom ang mga salita.

Sa paglipas ng panahon, tuluyang naging tahimik ang kwarto. Ang dating puno ng ingay ng pagtatalo na ngayo'y binabalot ng katahimikan ng pangungulila. Pinagmasdan ni John mula sa pinto ang ina na tahimik na humihikbi mag-isa. Ang dati niyang maliit na katawan ay binago ng panahon kasabay ng pagbabago sa kanyang pamilya. Lumisan na ang kanyang ama kasama ang binuo niyang pangarap sa mag-ina.

Sa pagtawag ng ina sa kanyang pangalan, ay ang pagpiling samahan at magpatuloy kasama siya. Magkasamang hihilumin ang sugat, pagbuo muli ng tiwalang nasira.

At sa pagkakataong iyon, hindi siya nag-atubiling yakapin ito pabalik.

Kwento? Meron Ako!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon