"Tignan mo nga iyang sarili mo! Ang dungis-dungis mo!"
"Francis, tama na ang laro! Kakain na tayo!"
"Iyang kompyuter na naman ang katapat mo! Matulog ka na, Francis!"
Tandang-tanda ko pa ang mga sermon mo. Tandang-tanda ko rin kung paano kumunot lalo ang iyong noo at ang pagtaas ng iyong boses.
Ang pagpalit mo ng madumi kong damit at ang paghila sa akin papuntang kwarto upang matulog. Ang pilit mong pagpapakain sa akin ng gulay. At ang pag-awat sa akin sa paglalaro kapag inaabot ako ng hapon.
Naaalala ko pa lahat hanggang ngayon. Ngayong dalawang dekada na ang nakakalipas simula ng makasama kita.
At ituring na pangalawang ina.
Simula ng isilang ako, kasama ka sa aking unang nakapiling. Tanda mo pa ba? Madalas mo daw ako kargahin at ihele sa pagtulog. Minsan pa nga, ikaw daw ang naglalaro sa akin. Pinipilit mo pa sila Mama na ikaw na ang magpapalit ng lampin ko. Tuwang-tuwa ka sa akin noon. Sa sobrang saya mo, gusto mo na nga daw ako iuwi sa inyo.
Lumipas ang ilang taon, lumaki ako. Naging malikot, maingay at makalat. Nasisiyahan kayo sa napapanood ninyong pagtawa ko. Sa bawat hakbang ko, nag-aabang kayo sa aking pagtumba at agad na pagtayo. Sa bawat magulong salita na ibinibigkas, hinihintay ang pagtawag ko sa inyo.
Sabi ninyo, ang unang nasabi ko ay 'la' hanggang sa nadugtungan at naging 'lala.' Ikaw pa rin pala ang hinanap ko noon. Natuwa ka sa narinig. Nagtampo pa nga sila Mama na ikaw ang una kong nabanggit. Pero iba rin ang naging kasiyahan na dulot nito sa akin.
Lumipas ulit ang mga taon, mag-aaral na ako. Ikaw ang naghatid sa akin sa paaralan. Madaming inaasikaso ang magulang ko sa trabaho kaya ikaw ang sumama sa una kong araw ng pagpasok. Umiyak pa ako dahilan para mabahala ka. Pilit kong hinahanap si Mama dahil natatakot ako. Ayaw kong mag-aral. Ayaw ko sa mga bagong mukha na nakikita ko sa paligid. Ayaw kong malayo sa inyo.
Binigyan mo ako noon ng ice candy para mapatahan. Hanggang sa nakasanayan natin araw-araw na bumili niyon tuwing papasok. Sabi mo, iyon ang reward ko kapag pumasok ako. Natuwa ako sa simpleng bagay na ginagawa mo para sa akin. Nakilala ko ang ilan sa mga kaklase ko. Naging kalaro ko sila at kaibigan. Nasiyahan akong mag-aral.
Pero sa paglipas ng panahon, madaming nagbabago.
Simula ng magkaroon ako ng kaibigan, lagi akong naglalaro sa labas ng bahay. Umaabot pa sa puntong hanggang hapon kami sa kalye. Madalas mo akong pagalitan. Bukod sa amoy akong pawis, nakakalimutan ko ng kumain ng agahan o tanghalian. Idagdag pa ang teknolohiya. Bumili sila Mama ng laptop para sa akin. Kaya sa mura kong edad, natuto akong magpipindot at maglaro doon. Lalong nadagdagan ang sermon mo sa akin dahil hindi na ako natutulog ng maaga.
Nagsumbong ka pa kay Mama kaya wala akong nagawa kundi sumunod. Nagtampo ako sa iyo noon dahil lagi mo akong pinapakialaman. Lagi kang galit sa akin kapag ginagawa ko ang gusto ko. Hindi ka na ba natutuwa sa akin?
BINABASA MO ANG
Kwento? Meron Ako!
De TodoA mushroom's compilation of short stories and one-shots. ٩(^ᴗ^)۶ Just my random thoughts. ☆ヘ(^_^ヘ)