Takbo

67 6 17
                                    

"KAT! TAKBO!!!"

Agad kaming kumaripas ng takbo kasabay ng paglakas ng tunog ng pito mula sa likod namin. Halos madapa na ako sa bilis naming dalawa. Hindi namin iniinda ang pagod at hingal hangga't hindi namin natatakasan ang mga humahabol sa amin.

"HOY! Tumigil kayong dalawa!!! Lagot kayo sa'min!!!"

Sigaw ng tanod ngunit hindi namin iyon pinakinggan at nagpatuloy lang. Pumasok pa kami sa maliit na eskinita para pahirapan sila. Wala nang gaanong tao dahil madilim na. Mabuti na lang at kabisado ni Kito ang pasikot-sikot dito.

"Dito tayo!"

Sabi ni Kito at hinila ako para magtago sa madilim at maliit na espasyo. Pinigilan pa namin ang paghinga dulot ng hingal para hindi nila kami marinig.

Rinig na rinig ko ang mga yabag ng mga taong kanina pa humahabol sa amin. Papalapit ito ng papalapit kaya mas lalo naming isiniksik ang sarili para magtago. Lalong bumilis ang pagtibok ng puso ko.

"Wala na sila... Ayos ka lang?"

Tanong ni Kito ng makalayo na ang mga tanod sa pinagtataguan namin. Tumango ako agad bilang sagot. Sobrang lapit pala namin sa isa't isa. Napadako ang tingin ko sa kamay naming dalawa na kanina pa magkahawak. Hindi ko napansing kanina pa niya ito hindi binibitawan. Dahil dito, nakakaramdam ako ng kapayapaan at kaligtasan kahit sa saglit na oras.

Katulad ngayon...

"Umalis na tayo dito. Baka bumalik sila agad," sabi niya at agad kaming umalis. Babalik na kami sa headquarters. Sa lugar kung saan inalis na ang aming kalayaan. Ang lugar na gusto ko ng takasan. Pero hindi ko magawa dahil sa isang dahilan.

"Aba! Nakabalik kayo agad... Nagawa nyo ba?"

Tanong ni Boss na prenteng-prente sa pagkakaupo. Napapalibutan siya ng mga kasamahan niya na masama ang tingin sa amin. Inilabas ni Kito ang bag kung saan namin nilagay ang mga nanakaw namin kanina. Napangiti naman agad ang demonyo.

"Akala ko wala kayong silbi. Ipagpatuloy nyo yan!"

Ilang taon na kaming nabubuhay sa kasamaan. Ilang taon na rin kaming nakatira sa mundo niya. Lumipas na ang ilang taon na nagtitiis kami sa mga pagpapahirap ng taong ito.

At hindi na yata ito matatapos...

Araw-araw. Araw-araw kaming nakikipagsapalaran at gumagawa ng krimen para mabuhay. Para maging ligtas. Pero kami rin mismo ang gumagawa ng kapahamakan ng ibang tao. Kami rin ang gumagawa ng sarili naming masamang mundo.

"Makakaalis na kayo at magpahinga. Dahil bukas na ang araw ng pinaghandaan natin," sabi ni Boss at binigay na ang porsyento sa nanakaw namin. Sumunod lang ako kay Kito na patuloy pa ring naglalakad hanggang sa nakalayo na kami sa HQ. Ramdam na ramdam ko ang mabibigat niyang paghinga. Hindi ko maiwasang mapatingin sa nakakuyom niyang kamao. Ang tensyon at galit sa kanya, unti-unti siyang binabalot.

Kwento? Meron Ako!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon