Day 56.3

11.8K 463 39
                                    

TCWDM : Poem is my original composition.

(A poem recited at the poetry event)

KUNG ALAM KO LANG

Kung alam ko lang no'ng una pa na mahal kita
Hindi ko na sana isinara
ang puso ko sa'yo
Hindi ko na sana tinanggap pa siya
o umasa ako
sa isang milagro ng 'Pwede pa'.
Hindi ko na sana siya hinintay para pagbuksan uli
Hindi ko na sana isinantabi
ang lahat ng sakit
na iniyakan ko na dahil sa kanya.
Hindi ko na sana inilingon pa
ang mga mata ko
sa gawi niya.
Hindi na sana ako tumalikod sayo.

Sorry.
Sa katulad ko kasi na hindi pa pala
talaga
nahuhulog nang tuluyan
banyaga sa akin ang tunog, tibok, at dagundong
ng pagkahulog
hindi ko alam
ang pakiramdam ng paglipad
at kaibahan ng pagngiti
sa tuwing nandiyan ka.

Hindi ko pa alam ang bilis
ng pitik ng puso kong
hinahabol ang mga titig at ngiti mo.

Hindi ko pa alam ang gulo
ng isip kong umaalala
at naghahanap sa'yo.

Akala ko kasi ang pag-ibig,
depende sa pagpili natin.
Akala ko, kung saan tayo komportable
at kung alin
ang tanggap ng isipan
at ng mga nanonood
sa kwentong ating sinisimulan,
'yun ang daan
na dapat tunguhin.

Akala ko kasi ang pag-ibig,
depende sa nakasanayan na natin.
Akala ko, sapat na
kapag may pag-aalala at minsang ligaya
akala ko iyon na
ang lungkot at balisa
kapag nawawala sa tabi ng isa't isa.
Akala ko iyon na ang sakit at pag-iyak.

Akala ko lang pala.

Kung nalaman ko lang agad na mahal pala kita
hindi kita itutulak palayo.
Sa halip
yayakapin ko ang lahat ng tibok, pitik, at dagundong
sa dibdib ko
at kikilalanin ang bawat tibok, pitik, at dagundong ng puso mo.
Ingingiti ko lang
ang bawat panahon
na naguguluhan ako
sa mga bagong pakiramdam,
saya, lungkot, balisa, iyak,
na dala mo.
Ihihinga ko lang sa hangin
ang bawat hinaing sa bigla mong pagdating.

Ang kaso,
hindi ko nalaman agad ang pag-ibig na dala mo
hindi mo rin nakilala agad ang pag-ibig na dinatnan mo.
Umiyak ka
at umiiyak ako.
Nasaktan ka
at nasasaktan ako.

Ayoko nang ipabahala sa akala
ang kwento nating dalawa
na matagal nang nagsimula.
Kapag hindi na natin kaya
ang tulakan at taguan
mahulog na lang tayo nang tuluyan.

Pangako, hindi na kita bibitawan. #

Fallback Girl (Chat MD Series #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon