34
“Lord, sana po bigyan niyo ulit ako ng lalaki. Yung mayaman, pogi, matangkad, mestiso, mabait, gentleman, yung kunting reaksiyon lang po namumula na ang pisngi at ilong pati ang tenga. Kung pwede rin po yung may red-kissable lips. Yung hindi po manloloko. Yung hindi po sinungaling. Yung pasasayahin po ako. Sige na po Lord, hindi ka na ba naaawa sa akin? Nasasaktan na ako, brokenhearted ako, di mo ba nakikita? Sige na Lord please…” Natigil ang pagdadasal ko nang may kumatok sa pinto ng apartment ko. Atubili akong tumayo kasi mapuputol ang pinapanood kong landian ng tutubi sa Animal Planet kung tatayo ako. Inggit na inggit pa naman ako sa effort na ginagawa ng mga lalaking tutubi para lang makuha ang babaeng tutubi. At dahil sa sobrang inggit ko, napadasal tuloy ako kahit hindi naman ako religious. Pero lahat ng ginagawa ko natigil dahil lang sa kung sinong istorbo sa kumakatok ngayon sa pinto ko.
At kung sino man ang kumakatok na yan, manalangin na dapat siya kasi kung isa na naman ito sa mga sugo ni Gabriel na wala ng ginawa kundi ang magdala ng bulaklak at kung ano ano pang basura dito sa apartment ko, malilintikan na talaga sila sa akin. Isang linggo na nilang ginagawang basurahan ang apartment ko. Napapagod na ako sa pagpapalayas sa kanila.
Padabog akong tumayo mula sa sofa at naglakad sa pinto para buksan ito.
“Sabihin mo sa kung sino mang Poncio Pilato na nag utos sa iyo na magpakamatay na lang siya!” Singhal ko sabay sarado ng pinto kahit di ko pa nakikita ang kumakatok. Sino pa ba ang ineexpect kong kakatok dyan?
“Mira…please… talk to me.” Biglang nagwala ang traidor kong puso. Ito ang ayaw ko eh, kaya isang linggo na din akong umiiwas sa kanya kasi ayaw kong harapin siya. Lord, naman kasi, oo nga at nanalangin ako na bigyan mo ako ng lalaking kamukha ni Gabriel. Pero di ko naman sinabing siya mismo ang ibigay mo. Sinabi ko namang di manloloko di ba? At isa pa, alam mo naman na mahina ako sa temptation, tapos dinala mo pa siya dito. Sayang lang ang isang linggo kong pag iwas.
“Mira hindi ako aalis dito hangga’t di mo ako hinaharap. Pinalipas ko na ang isang linggo para lumamig ang ulo mo. Sana naman bigyan mo na ako ng chance na mag-explain.”
“Manghingi ka ng chance sa puri mong bulok! Hinding hindi kita kakausapin.” Sigaw ko pabalik sa kanya.
“Hindi ako aalis dito hangga’t di mo ako hinayaang mag explain.” Pagmamatigas pa niya. At ang kapal ng mukha ha! Siya pa ang may ganang mag threaten sa akin? Well…
“Manigas ka dyan!” Sabi ko at naglakad na pabalik ng sofa. Ha! Never ko siyang haharapin. Maya maya ipagkanulo pa ako ng sarili ko kapag kaharap ko na siya. Lalakasan ko na lang ang volume ng TV ko para di ko siya marinig.
“Mira, sige, kung ayaw mo na talaga sa akin, tatanggapin ko kahit na mabigat sa kalooban ko. Pero bigyan mo ako ng pagkakataon na mag explain. Everyone deserves to be heard. Rerespetuhin ko ang anumang desisyon mo, gusto ko lang talagang mag explain.” Napabuntonghininga ako. Nakakaasar pero in a way tama naman siya. Everyone is entitled to the due process of the law. Kung ang supreme court nga, nakikinig sa dalawang panig, ako pa kaya?
Napabuntunghininga ulit ako.
Sige na nga! Makikinig lang naman ako at hindi ibig sabihin nun ay patatwarin ko na siya at makikipagbalikan na ako sa kanya.