35
“Mira, phone.” Napatingin ako sa officemate ko na may hawak ng telepono.
“Pa transfer.” Sabi ko tapos hinintay na magring ang extension na nasa table.
“Hello.” Maarte pang sagot ko. Ngumingiti pa ako habang sinasagot ko ang phone.
“Is this Miss Mira Dimasalang.” Sabi nung babae sa kabilang line. Kinilala ko ang boses pero mukhang first time kong marinig ang boses sa kabilang line.
“Yes speaking.”
“Miss Mira, I’m Che of the National Center for Mental Health.” Bigla akong kinabahan sa sinabi niya. Bakit tumatawag sa akin ang mental hospital? Kukunin na ba nila ako?
“I would like to talk to you about your husband.” Husband? My husband? Kelan pa ako nagkaroon ng asawa?
“Husband po?” Nagulo bigla ang utak ko. Una tumatawag ang Mental Hospital tapos ngayon may asawa ba ako? Nababaliw na ba itong si Che.
“Yes. Your husband, Gabriel. Miss Mira, bakit mo naman pinadala ang asawa mo dito? Hindi naman siya baliw. Pero dahil daw sa sinabi mong pumunta siya dito dahil nababaliw na siya kaya pumunta siya dito at dahil daw isa siyang masunuring asawa. Miss Mira, our institution is not a joke. If you have a marital problem, settle it in your home.” May pagtataray na sa boses ni Che. Then I realized something at nagpakulo ito sa dugo ko. Ano na naman ang ginawa ni Gabriel? Bakit pati ang Mental Hospital dinadamay niya? Ito ba ang resulta ng hindi ko pagpansin sa kanya nitong mga nakaraang araw?
“Miss Che, you must be mistaken. Hindi ko po siya asawa.” Pag nakita ko si Gabriel, sasabunutan ko talaga siya.
“Miss Mira, kung ayaw mo na siyang maging asawa, magpa annul na lang po kayo. Anyway, he’s here right now, at hinihintay ka. Hindi daw siya aalis hangga’t hindi ikaw ang sumusundo sa kanya at ikaw ang nagsabing hindi siya baliw. Sayo lang daw siya maniniwala.” Napapikit ako para kalmahin ang sarili ko. Gabriel, ano ba ang ginagawa mo sa buhay mo? Nababaliw ka na ata talaga at pati ako pinapahiya mo.
Nagpaalam na ako sa taga Mental at nag ayos. Tapos nagpaalam na ako sa boss ko.
“Bakit? Saan ka pupunta?”
“Susunduin ko po ang baliw na VP for Engineering.” Nakasimangot na sabi ko.
“Kausapin mo na kasi para hindi yung kung ano ano ang pinaggagawa. Sige umalis ka na. May magagawa pa ba ako?” Nanunuksong sabi niya na lalong kinainis ko. I swear, pag nakita ko talaga si Gabriel sasabunutan ko siya!
At ang mas nakakainis pa, para naman akong uto uto na sinunod ang gusto niya. Pwede ko namang pabayaan na lang siya doon sa Mental Hospital at ng tuluyan na siyang mabaliw pero eto ako ngayon at nanggagalaiti dito sa taxi papunta sa kanya. Pwedeng pwede ko siyang tiisin pero hindi ko magawa and worst, alam niyang hindi ko siya kayang tiisin. Dahil ang walanghiya, alam niyang may nararamdaman pa din ako sa kanya kaya sinasamantala niya ang damdamin kong yun na unti unti kong pinapatay.