Genre: Romance
Archetypes: The Coquette | The Chosen One
Theme: Pursuit* * *
Parang ibong nakawala sa hawla – pinapagaspas paitaas ang mga pakpak; nililibot ang kalangitan ng buong laya. Minsa'y sumasabay sa pagtangay ng hangin ngunit madalas ay kumakawala't sinasalubong ito – walang takot na sumusuong.
"Elisse, nariyan ka lang pala." Natigil siya sa pag-iisip ng dahil doon.
Nilingon niya ito't nakita niya ang paglapit nito sa kinaroroonan niya. Napaismid siya sa paglapit nito lalo na ng makita ang suot at ayos nito. Nakasikop sa kanang bahagi ang nangingintab na buhok gawa ng pomadang tila ipinaligo. Natatabunan ang mga mata ng makapal na salamin. At, tila isang reincarnation ni Pepe ang kasuotan nito.
"Peping," tawag pang-aasar niya. "Bakit mo naman ako hinahanap?" matamis ang tonong iminutawi niya ngunit sa likod ng ngiting ibinahagi niya'y ang pait na ikinubli nito.
"Pinapatawag ka ni Don Mariano, nariyan na ang modista upang sukatan ka sa gagawing traje." nahihiyang saad nito.
Lumapit siya rito't iniangkla ang braso sa braso nito. Dahan-dahan niyang inilapit ang mukha sa mukha nito't huminto bago pa man tuluyang maglapat ang mga labi nila. Narinig niya ang paghigit ng hininga ng lalaki, napangiti siya ngunit, mas lalo itong lumawak ng ipikit nito ang mga mata na tila naghihintay ng pagdampi nito.
Idinako niya ang bibig sa punong tainga nito't doo'y mas lalong pinanabik ang lalaki. Sinigurado niyang hahaplos ang mainit na hininga rito, "Halika't samahan mo ako. Ipakita nating totoong nagmamahalan tayo." Nang-aakit ang matamis niyang tinig.
Mulat na ang mga mata nito ngunit, tila wala pa ito sa huwisyo. Napuno ng tawa ang kaniyang kalooban ngunit, habang papalapit ang mga paa papasok sa totoong kaganapa'y hindi niya maikubli ang lungkot na pilit itinatago.
PARANG pahina ng librong hindi mapigilan ang bawat paglipas ng araw na hindi niya pinananabikan. Walang araw na hindi naging abala ang lahat lalo na ang kani-kanilang mga magulang. Palibhasa sa mga magaganap ay ang mga ito ang higit na makikinabang habang siya lang ang laruang nagiging sunod-sunodan.
Natapon ang alak sa kaniyang pang-itaas nang tabigin nito ang basong dumampi sa kaniyang bibig. Sa nanlalabong mata'y pinasadahan niya ito ng tingin. Pamilyar ang pigura't bulto ng katawan, ngunit ang itsura'y tila nagbago. Wala ang pomadang nagpapakintab ng buhok nito, ang salaming nagtatago sa magagandang mata nito, at ang kasuota'y tila umayon sa kanilang panahon.
"Tigilan mo na ang pag-inom, Elisse." Mahihimigan sa tono nito ang pag-aalalang bumabalot dito.
Umalis siya sa pagkaka-upo't hindi inalintana ang basang damit na lumukob sa kurba ng katawan. Nilapitan niya ang lalaki't hinarap sa kabila ng pagsasaliwa ng mga hakbang.
"Tapos ka na bang maging malaya? Malamang ay tapos ka na nga, kung kaya ngayon ang kalayaan ko naman ang puputulin mo?" muli siyang humakbang patungo sa lalaki't tumigil matapos ng isang dipa.
"Nagpupunyagi na siguro ang iyong kalooban. Paano ba naman kasi ikaw ang natatangi. Ikaw ang may kakayahan upang sagipin kami sa pagkakalugmok. Ikaw ang nagsilbing bituin na magbibigay liwanag sa nagdidilim kong pag-ibig," napatigil siya sa pagsasalita't napatawa ng pagak. "Mali, mali, ulitin natin," muli'y napatawa siya. "Ikaw ang nagsilbing bituin na magbibigay liwanag sa nagdidilim kong... buhay."
Inisang hakbang niya ang pagitang naghihiwalay sa kanila. Marahan niyang idinampi ang mainit na palad sa pisngi nito.
"Bakit ka nagagalit? Hindi ba't gusto mo ito? Bilang ang pamilya mo ang natatangi, ibig sabihin ikaw rin ang natatangi para sa akin." Madiing pagkakasabi niya sa pagitan ng naggigiritang ngipin.
Imbes na sumagot tila idinaan nito ang inis sa pagsunggab sa mga labi niyang pulang-pula. Nagulat siya't tila walang nagawa. Hindi siya nakagalaw ngunit kalauna'y naliyo siya sa tamis na dala ng magkadaop nilang labi hanggang sa tila nawala ang lasing niya't siya ang kusang pumutol sa tagpong iyon.
Nakita niya ang matiim nitong titig, "Sige na, ako na ang kontrabida sa buhay mo dahil ako ang natatangi. Kami na ang napiling mag-aahon sa inyo sa pagkakalugmok... pero hindi mo ba naisip na kaya nangyayari ito dahil baka ito ang nakatadhana? Ang hirap kasi sa'yo hindi mo napapansin iyong nasa paligid mo, masyado kang nakatuon sa sarili mo. Takbo ka nang takbo, takbo ka lang nang takbo't hindi mo naiisip na may mga taong humahabol sa'yo."
Napatulala siya rito't tuluyang nawala ang pagkalasing.
"Habang tumatakbo ka palayo, hinahabol kita, Elisse. Hindi mo lang siguro napapansin dahil nakatuon ka lang sa harap o sadyang ayaw mo lang lingunin kung sino ang humahabol sa'yo." napatigil ito't lumapit sa kaniya. Ginagap ang mga kamay niya't muling nagsalita, "Mahal kita, Elisse. Noon pa man mahal na kita."
Tumulo ang luha sa kaniyang mata. Hindi niya na maikubli, hindi niya na mapigilan ang pagsiklab ng nagtatagong damdamin. "Mahal din naman kita. Hindi ko lang gusto kung paano magiging tayo. Ayoko nang dahil may nakapagitan na, "kami ang may kailangan, kayo ang kasagutan". Maaari bang walang ganoong bagay? Maaari bang purong pag-ibig lang?"
Walang namutawing salita't isang matamis na halik lang.