Genre: Mystery
Archetypes: The Wrathful Father | The Dandy
Theme: Rescue* * *
Dalawang taon na ang lumipas nang magwakas ang paghahari ng tao sa mundo. Kaunti na lamang ang mga natitirang nabubuhay. Walang bagyo, walang malaking alon, at lalo nang walang naganap na pagkabiyak ng kalupaan. Sadyang isang karaniwang araw lamang nang magsimula ang kailanman ay hindi inaasahan ng sinuman.
Halos lahat ay nagpatiwakal. Nasa tamang katinuan man ay kaniya-kaniyang inilibing ng mga tao ang kanilang mga sarili. Naghukay, ibinaon ang kanikanilang mga katawan, at doon na panghabambuhay na humimlay. Tila sinapian ang mundo ng bilyun-bilyong masasamang espirito.
Simula nang maganap ang hindi maipaliwanag, sinubukan ng lahat na iligtas ang ibang mga tao sa hukay, ngunit ilang minuto lamang ang itinatagal ng mga ito. Mabilis na naaagnas ang mga katawan hanggang sa maging mga buto na lamang. Subalit kahit na ganito ang mga pangyayari, hindi tumigil ang ilan sa pagsagip sa mga nagpapatiwakal.
Isang ginang ang naghihikahos na kumatok sa bahay ni Elias. "Buhay si Mario! Buhay ang anak mo, Elias. Nailigtas siya mula sa hukay!"
Hindi na nag-isip pa ng sasabihin si Elias at kaagad siyang lumabas ng bahay. Pinagkaguluhan ng mga tao ang kaniyang anak. Masangsang ang amoy nito at halos mawalan na ng pagkakakilanlan sa pagkakabalot sa putik. Nakita ni Mario ang kaniyang ama, ngunit katulad nang masilayan siya ng mga tao ay hindi siya umimik at patuloy pa ring nakatulala. Niyakap ni Elias ang kaniyang anak. Isang palaisipan para sa lahat ang muling pagbabalik ni Mario, gayong dalawang araw na itong nakalibing.
Ilang araw ang dumaan nang magsalita nang muli si Mario. "Pa, ibinalik nila ako. Hindi ako kinain ng lupa." Sunud-sunod ang pagbuhos ng mga luha nito sa dinaramdam.
Sa sobrang pagtataka ay huminto si Elias sa paghuhukay ng lupa na magsisilbing basurahan. "Anak, ano ba ang sinasabi mo? Sino ang tinutukoy mo?"
"Hind ako sinaniban, Pa." Nakipagtitigan ang kaniyang anak. "Ako ang nagkusang ibaon ang sarili ko sa hukay."
"Ano? Nahihibang ka na ba? Paano mo nagawa sa 'kin 'yon?" pasigaw na tanong ni Elias.
Bigla na lamang gumalaw nang mabilis ang mga mata ni Mario, paiba-iba ng direksiyon na tila hindi nito mapigilan ang ginagawa. "Pa, tulungan mo 'ko."
Tumakbo palabas si Mario at napaluhod. Mabilis itong naghukay gamit ang mga kamay. Humahagulgol siya habang isinusubo at nginunguya ang lupa. Pinigilan ni Elias ang kaniyang anak at patuloy na niyakap. Natatakot siya sa mga nangyayari at hindi niya na alam ang gagawin. Pinagpahinga niya lamang muna si Mario upang makapag-isip ito nang matino.
Isang araw ay lumabas si Mario sa kaniyang kuwarto at hindi inaasahan ni Elias na makita ang kaniyang anak na suot ang damit nitong ginaya sa isang anime. Napakunot ang noo ng matanda. Hindi niya malaman kung ano ang mali sa pag-iisip ng kaniyang anak.
"Wala na tayong mapagkukunan ng pagkain, tapos 'yan ang inaatupag mo? Kailan ka magtitino?" bulyaw ni Elias.
Isang malawak na ngiti ang iginanti ni Mario. Pinanlakihan nito ng mga mata si Elias, at hindi ito nag-iwas ng pagkakatitig sa ama habang dahan-dahang naglakad patungo sa sarili nitong kuwarto. Bagaman ay kinilabutan sa tinuran ng anak, sinundan pa rin ito ni Elias.
Nang pumasok si Elias sa kuwarto ay bumungad sa kaniya ang sahig at higaan kung saan nagkalat ang lupa. Nakaupo sa isang sulok si Mario at hindi nawalay sa mga labi ang ngiti nito. Gamit ang mga kamay ay sinandok niya ang lupa at dahan-dahang isinubo.
Binalot ng takot ang buong pagkatao ni Elias. "Mario, ano ba'ng nangyayari sa 'yo?"
Tinawanan lamang ni Mario ang ama habang paunti-unting nahuhulog ang isinubo nitong lupa. Iniluwa nito ang inginunguya. "Nakakaawa ang anak mo, Elias."
"Anak, sabihin mo kung ano ang problema."
Pinandilatan ng binata si Elias. "Hindi mo ako anak!" Napatawa ito nang malakas. Ilang saglit lamang ay bigla itong umiyak. "Pa, kalian mo ba ako sinuportahan sa mga gusto ko? Parati mo akong ginagapos sa mga kagustuhan mo. Kaya naiingit ako sa mga nakalibing, kasi pakiramdam ko, mas maganda ang naghihintay sa akin sa kabilang-buhay."
Sa kataka-takang mga nangyayari ngayon sa mundo, hindi na malaman ni Elias kung ano ang kaniyang paniniwalaan. "Sino ka? Umalis ka sa katawan ng anak ko!"
"Tama, hindi nga ako si Mario, Elias, pero sa kaniya nanggaling ang mga salitang 'yon na ilang taon nang nakabaon sa lalamunan ng anak mo," natatawang pahayag ni Mario. "Kami ang Inang Kalikasan, at ito na ang panahon upang mahugasan ang kasalanan sa mundo. Inililigtas lamang namin ang kinabukasan ng mga taong hindi katulad mo. Katulad ng mga puno, kailangan n'yo ring maranasang maitanim sa lupa at hindi mabigyan ng karapatang mabuhay. Isa lamang ang iyong anak sa mga napili naming magpapasimula sa makabagong panahon. Ang gintong mundo."
Sinulyapan ng mga suntok ni Mario si Elias. Hindi nakasalag ang matanda at nawalan ng malay. Kasama ng mga basura sa hukay, ibinaon ng binata ang kaniyang ama.