Sa Pagtakas ni Maxine

248 8 5
                                    

Genre: Romance
Archetypes: The Ingenue | The Monstrous Adolescent
Theme: Escape

* * *

Matapos makawala ng ibon sa kaniyang hawla, niyakap siya ng isang kakaibang pakiramdam─isang pakiramdam ng tunay na paglaya. Paulit-ulit niyang sinasabi sa sarili na kahit kailanman, hindi na siya magpapahuli pa.

Nakatitig si Nanay sa loob ng dilim. Ang eskinita ay nababalot ng bughaw na gabi na natatalsikan lamang ng kakarampot na ilaw ng buwan.

Lumapit ako sa kaniya. "Inay," saad ko. Umupo ako sa sahig.

Tumingin siya sa akin nang matalim. "Iyong ayos mo!" puna nito.

"Bakit, Inay? Ano ang mayroon sa ayos ko?"

"Nakabukaka kang bata ka," irita nitong sambit.

"Bata pa naman talaga ako."

"Sa isip mo lang. Paano sa isip at mata ng ibang tao?"

Hindi ko alam kung ano ang ibig niyang sabihin. "Wala akong pakialam. Basta, bata pa ako."

"Iyon 'yong panahon na mayroong darating sa 'yo."

Natuwa ako sa kaniyang sinabi. "Ano ang darating, Inay? Regalo?"

"Gaga!" natatawa nitong sagot. "Mayroong darating sa 'yo na. . . kakaibang bagay. Magkakaregla ka. Sa panahong iyon, hindi ka na bata."

"Paano 'yon, Inay?"

"Mayroong lalabas sa 'yo na dugo. Katulad noong nakita mo sa akin noong nakaraang buwan. Iyon ang palatandaan."

"At pagkatapos?"

"Hindi ka na bata. Mimithiin ka na ng mga kalalakihan. Gugustuhin ka nila. Kapag dalaga na ang isang babae, aayos na ang kilos niya. Magsisisimula nang maging mayumi. "

Tiningnan ko ang kalangitan na puno ng bituin. Ang bubong ng mga bahay ay animo'y maruruming mukha. Naroon ang marurungis na yero, iba-iba ang sukat, kalawangin

Nagpalayang-layang siya sa kalangitan. Dinama ang hangin, dinama ang matamis na pakiramdam ng pagtakas.

"Inay," pagbasag ko sa katahimikan. "Alam ninyo, mayroong isang fourth year na nagsabing maganda raw ako."

Matamang tiningnan ako ni Inay. Tila sinusuri. "Babae?"

"Lalaki."

"Lalaki?"

"Si Pochollo po."

"Mag-ingat ka sa mga katulad nila, anak. Mga lalaki."

"Mabait si Pochollo, Inay. Tuwang-tuwa siya sa akin. Kyut daw ako."

Piningot ako ni Inay. Napakausisera ko raw. Ang sabi ng mga kasamahan namin sa bangketa, magiging abugada raw ako pagtanda dahil sa aking kadaldalan.

Tumayo si Inay at naglakad papunta sa aming bahay. Sumunod ako sa kaniya.

Inihanda ni Inay ang dalawang plato.

Tiningnan ko siya. "Bakit dalawang plato lang? Paano si Itay?"

"Kung hihintayin mo pa ang Itay mo, mamamatay kang dilat. Kakain na tayo. Hindi naman niya dala ang kakainin natin."

Inilagay ni Inay ang pagkain sa mesa. Gulay na samot-saring talbos ng kalabasa, ginayat na sitaw at talong. Sa isang maliit na pinggan, inilagay niya ang kapirasong isda na pinaasim sa dahon ng sampalok.

Nagsimula na siyang kumain. Ngunit habang tinitingnan ko ang kaniyang mga mata, tila mayroon itong hinahanap. Marahil, gusto niya ring makasama si Itay sa pagkain. Gusto niyang maramdaman na kumpleto kami. Ngunit dahil lagi siyang nagsusugal, lagi silang nag-aaway ni Inay. Narinig ko minsan na gusto na raw nilang maghiwalay.

Hindi na ako nagtataka kung bakit iba ang pagtingin ni Inay sa mga lalaki. Pero, naniniwala pa rin ako na hindi magiging ganoon si Pochollo.

Kinabukasan, nilapitan ako ni Pochollo habang kumakain akong mag-isa.

Bigla niyang hinawakan ang aking kamay. Mayumi ang pisil nito, mayroong halong pagmamahal.

"Pochollo?"

"Maxine?"

Namagitna ang katahimikan sa aming dalawa.

"Mahal kita, Maxine."

Muling lumagom ang katahimikan.

"Bata pa ako. Magagalit si Inay."

Walang lumabas na kataga mula sa kaniya matapos kong sabihin iyon.

"Tara sa bahay namin, Maxine."

"Ano ang gagawin natin?"

Tumingin siya sa akin nang kakaiba. "Tatakas."

Hindi ko alam ang kaniyang ibig sabihin. Nakita ko na lamang ang aking sarili na nasa kanilang bahay. Walang tao rito.

Muling kinuha ni Pochollo ang aking kamay. Tinangka ko itong alisin, ngunit, nadama kong ang pagpisil niya ay umaalab, nag-aapoy, nang-aalipin.

"Ano ba?" tumututol kong sambit.

"Mahal kita, e."

Tinangka ko muling umiwas ngunit tulayan na akong nabigo. Si Pochollo ay isang makapangyarihan, matatag, puno ng pagmamahal. Unti-unti, ang masuyong pisil ay naging mapusok sa paglalakbay. Ilang saglit pa ay naging maalab na aming tagpo. Pilit niya akong hinahalikan sa labi.

Ngunit, nanaig ang aking takot. "Tama na, Pochollo!"

Hindi niya ako pinapakinggan. Tuloy-tuloy ang pag-agos ng luha sa aking mukha. Pilit ko siyang nilalabanan. Gusto ko nang tumakas.

"Putang-ina naman, Maxine! Tigang na tigang na ako. Puta ka!"

Hindi siya ang Pochollo na aking nakilala. Ngayon, isa na siyang halimaw.

Sa paglalakbay ng ibon, naramdaman niya ang pagbigat ng pakiramdam. At unti-unti, nagdurugo na ang kaniyang mga pakpak. Bumulusok siya paibaba. Doon, nakita niya ang tuwang-tuwang mukha ng lalaking bumaril sa kaniya.

Hindi ko napigilan si Pochollo sa kaniyang ginagawa. Mayroon siyang itinurok sa akin na nagpahina ng aking pagkatao. Ang alam ko lang, mayroon siyang ginagawa sa akin na sadyang nakapagpapasaya sa kaniya.

Sa tuluyang pagpikit ng aking mga mata, doon ko nalaman ang kahulugan ng mga sinasabi ni Inay.

Bago tuluyang pumikit ang mata ng ibon, doon niya naisip na hindi sa lahat ng pagkakataon, kailangan niyang tumakas. 

Catharsis III: Unveiling of the Last Man StandingWhere stories live. Discover now