Genre: Horror
Archetypes: The Wrathful Father | The Rake
Theme: Forbidden Love* * *
Kasing init ng impyerno ang bayan no'ng mga oras na hindi mapakali si Roger, hindi alam kung saang direksyon patungo. Kung saan maghahanap ng nawawala nang hindi nagwawala.
Nagsususuot ang ingay ng paligid sa tainga niya, nakakadagdag sa init ng ulo.
Tiim-bagang niyang inalala ang iniwang sulat ng anak nang makauwi galing Sitio Pagatpat.
Papuntang bayan, Itay. Magagabihan pag-uwi.
Kinuyom niya ang mga palad at saka galit na dumura sa maduming kalsada. Hindi niya lubos na maisip kung bakit malimit nang sinusuway ng anak ang mga bilin niya. Nadadala marahil sa sulsol ng lalaking kasa-kasama nito.
Mas lalong uminit ang ulo niya nang maisip ang lalaking 'yun.
Naglakad siya nang naglakad nang naglakad.
"Hoy, gusto mo na bang mamatay, ha?! Pwes, 'wag kang mandamay! Tabi!"
Nakalimutan niyang kalsada na ang nilalakaran niya. Matalim niyang tinitigan ang drayber na suminghal sa kanya. Mainit ang ulo niya pero hindi niya papatulan ito. Magsasayang lang siya ng oras.
Sa gitna ng ingay, alinsangan, at gulo ng paligid, natagpuan ng mata niya ang lalaking 'yun. Sa isang mamahaling kainan. Sa likod ng malilinis at makikintab na salamin. May kahalikan. Babae, ibang babae.
Pansamantalang nagdilim ang paningin niya.
Ilang sandali pa'y pumasok siya sa loob, sinugod ang lalaki at hinablot ang kuwelyo ng damit.
Nagkikiskisan ang mga ngipin niya sa galit.
Nagulantang ang babae matapos biglang maghiwalay ang mga labi nila.
"Whoah! Easy, Mang Roger, easy," sabi nito habang sinusubukang tanggalin ang pagkakakapit niya sa kuwelyo nito.
'Di nagtagal, nakialam ang guwardiya.
"Nasa'n ang anak ko?! Nasa'n si Kristabel?!"
"'Wag kang gumawa ng eksena dito. Sasama ako," bulong nito sa kanya. Pumayag siya.
***
Pinagpawisan nang malagkit ang lalaki nang dalhin ito ni Roger sa madilim na silid. Pinagsisihan nitong sumama sa kanya.
Katahimikan.
Nanginginig ang kalamnan nito. Kahit ang malamig na pag-ihip ng hangin, nagdadala ng kilabot.
Nakarinig ito ng mga mabibigat na yabag.
Sobrang hilakbot ang nadarama nito nang, matapos buksan ang ilaw, bumulaga ang mga nakahigang bangkay, lahat lalaki. Lahat binawasan ng parte ng katawan.
"Hindi na pala kita tatanungin kung nasaan ang anak ko. Nasa bahay na siya, umiiyak. Sinaktan mo raw!" Kutsilyo sa kaliwang kamay, baril sa kanan. Inangat niya ang kanan at binaril ang balikat nito.
"Matatagpuan mo dito ang katapusan mo kasama ang mga bangkay na 'yan! Putangina, mamatay na kayong lahat! Lahat ng nagugustuhan ni Kristabel!"
Humiyaw ang lalaki. "Sira ka pala, e! Dalaga ang anak mo!"
"Akin lang siya."
Sumilay ang ngiti sa mga labi niya at kasabay no'n ang pagbaril niya sa sentido ng lalaki. "Matagal ko nang isinangla ang kaluluwa ko sa demonyo. Buhay niyo ang ipantutubos niyo."
Hiniwa niya ang bibig nito gamit ang hawak na kutsilyo. Nang makitang maluwang na, ipinasok niya ang tubong nasa tabi. Tinuhog niya nito hanggang sa kaloob-looban ng lalaki.
"Tanga kung umibig si Kristabel."