Genre: Mystery
Archetypes: The Competent Man | The Tomboy
Theme: Transformation* * *
"Sino ka?"
Matindig na nakatayo noon si Detective Arjay "Conan" Santiago sa harapan ng white board na halos mapuno na ng mga litrato. Sampung mukha ng mga inosenteng tao na natapos na ang papel sa mundo. Sampung mukhang literal na binura ng hindi kilalang nilalang na halang ang bituka.
"..."
Kilala siya sa pagiging matinik pagdating sa kaniyang propesyon. Ginagalang rin ang kaniyang mga opinyon. At pagdating sa mga baguhan ay isa siyang inspirasyon. Gayon pa man, kahit sa galing niya'y maaari na siyang ituring na isang alamat, hindi niya pa rin madakip ang serial killer na tumatanggal sa mukha ng mga kawawang biktima.
"Bakit ka naparito?"
Hawak niya ang isang folder na naglalaman ng mga detalye tungkol sa mga suspect. Binuksan niya ito at tumambad sa kaniya ang bangungot ng nakaraan. Isang sketch na lumalarawan kay Juliette Santiago. Ang kaniyang kakambal. Hanggang balikat ang pantay nitong buhok, bilugan ang mga mata, maliit ang ilong at manipis ang mga labi. Mga katangiang katulad ng sa kaniya.
"Tinangka niya akong patayin."
Ang kakambal niyang wala nang ginawa kundi ibaba ang noon niyang walang kwentang buhay. Ang kakambal niyang iba ang pagkatao sa harap niya kaysa sa harap ng iba. Ang karugtong-pusod niyang matagal nang pumanaw. Ang kauna-unahang biktima ng kasong limang taon na niyang nireresolba.
"Sino?"
Kuha ang sketch mula sa paglalarawan ng isang lalaking pinaanyayahan niya para tumestigo. Dalawang beses nakuha sa CCTV ang babaeng main suspect sa kaso na kasama ang limang kalalakihan. Isang kainuman na bihira lamang magpakita ang pahayag na nakuha nila mula rito. Bukod sa pangalan at itsura, wala na itong hatid na iba pang impormasyon.
"Si Juliette."
Hindi niya malaman kung ano ang mas angkop na tanong. Paano papatay ang patay na? Paanong nabuhay ang nailibing na? Kinilabutan siya sa pag-iisip sa kaniyang yumaong kapatid. Matagal na niya itong gustong kalimutan, pero hanggang sa mga oras na 'yon ay tila ba ito pa rin ang dahilan upang siya'y hindi magtagumpay.
"Sigurado ka ba?"
Napahilot siya sa kaniyang sentido. Maghahating gabi na at pagod na siya. Akala niya'y mahuhuli na niya ang demonyong matagal na niyang hinahanap, pero mas lalo lamang siyang nawalan ng lead. Ang dating pinanghahawakan na ebidensya ay bigla na lamang nawalan ng silbi.
"Hindi."
Napagpasyahan na lamang niyang umuwi na para magpahinga. Tumayo ang lahat ng balahibo niya sa katawan sa paglabas niya ng building kung saan siya nagtratrabago. Pakiramdam niya'y palaging may nakamasid sa kaniya. Hindi nawala 'yon hanggang sa makauwi siya ng bahay, pero pinilit niyang huwag iyong pansinin.
"May iba pa?"
Sa pagpasok niya sa kaniyang malaking kwarto na binabalot ng katahimikan ay bumungad sa kaniya ang isang malaking salamin na kita ang buo niyang pangangatawan. Tiningnan niya ang sarili at halos mapatid ang paghinga niya nang biglang magbago ang imaheng nakita. Naging mukha ito ni Juliette. Napaupo siya't mabilis na napaatras hanggang sa bumangga sa kama.
"..."
Nagdadalawang-isip man kung guni-guni lang o hindi, nangapa siya ng maaaring gamitin para ipanlaban sa kaniyang kakambal. Gusto niyang isipin na pagod lamang siya kaya kung ano-ano na ang nakikita niya, pero mas gusto niyang paniwalaan na nababaliw na siya. Isang madulas na bagay ang nakapa niya na kaagad naman niyang inilabas. Napaawang ang bibig niya sa nakita. Isang wig na pambabae. Ganoon ang buhok ng Juliette na nasa sketch.
"Sino pa?"
Tumayo siya at muling tiningnan ang kaniyang repleksyon. Wala na roon si Juliette. Marahan niyang inangat ang hawak na wig at ipinatong niya iyon sa kaniyang ulo. Hindi na siya nagulat na maging kamukha si Juliette, pero hindi siya makapaniwala sa ideyang maaaring siya rin ang kriminal na matagal na niyang hinahabol.
"Si Arjay."
Binaha ng mga alaala ang magulo nang isipan ni Arjay. Nasaksihan niyang muli kung paano niya paulit-ulit na pinadaanan ng patalim ang mukha ng kaniyang kakambal. Kung gaano niya ito kagustong patayin dahil sa nakakainis nitong ugali. Tulad ng pagpatay pa ni "Juliette" sa siyam pang biktima.
"Imposible."
Naitapon niya ang wig sa kama at napaluhod nang mawalan ng lakas ang mga tuhod. Napatingin siya sa naginginig na mga kamay.
"At ako."
Nawala na siya sa sariling bait. Makalipas ang ilang sandali ay muli niyang kinuuha ang wig. Tumatawa siya habang pailing-iling. Tila hindi matanggap ang pagbalik ng nakalimutang katotohanan. Sa isang iglap ay naging sobrang tahimik. Itinutok niya ang paningin sa sariling mga mata gamit ang salamin. Pagkatapos ay binasag niya ito gamit ang kamao at kinuha ang isang matalim na tipak.
"Ikaw? Sino ka?"
Sa pagtanggap ng sitwasyon, isang bagong katauhan ang nagkaroon ng buhay. Ang katauhan na siyang nakakaalam ng lahat. Na siyang galit kay Arjay sa pagiging mahina nito at kay Juliette na dahilan ng pagiging miserable nito. Na siyang nagligtas rito mula sa kabaliwan.
"Andrei Santiago, the third identity. Nice to meet you, Doc."