Genre: Romance
Archetypes: The Chosen One | The Coquette
Theme: Riddle* * *
Binagtas ko ang mga kabundukan upang hanapin ang kayamanang magsasalba raw sa aming lahi.
Si Beatrice ang yamang natagpuan ko—at sinubukan kong kamtan.
•••
Bakit ako?
'Yan ang tinatanong ko sa sarili nang mapili akong ipagpatuloy ang nasimulan daw ng aming angkan.
Gayunpaman, hindi ako nangahas na isatinig ito. Wala akong mahihita kung sakaling nakuha kong magtanong. Ni hindi nga nagpaliwanag ang sinuman sa kanila kung ano ang kayamanang aking hahanapin.
Kaya nga nang tanungin ako ni Tiyo Arman, ang kumpare raw ni Ama na siyang nagpatuloy sa akin sa pagtira sa Maynila, kung ano nga ba ang pakay ko sa lugar na ito, matapat akong sumagot. "Hindi ko po alam."
•••
Lumipas ang isang taon. Ni minsa'y hindi ako nakauwi sa baryo. Bago ko pa mahanap ang kayamanan, kinailangan kong maghanap ng trabaho. Kung hindi, baka ikamatay ko ang hirap ng buhay doon.
Lagi ko noong naririnig na paraiso raw ang Maynila. Paniguradong hindi nalalaman ng mga ka-baryo ko ang kanilang sinasabi. Ngayong dito ako nakapirme, mas gugustuhin ko yatang masunog na sa impyerno.
Habang nagtitiyaga akong maghanap-buhay bilang dyanitor sa City Hall, tila unti-unti akong namamatay dala ng matinding pangungulila... Para sa tunay kong tahanan at mga taong nilisan ko. Bihira lang kung makausap ko sila gamit ang cell phone. Mahirap ang signal, kuryente, at load sa lugar namin.
Sa Luneta ako bumabaling sa tuwing tumitindi ang pangungulila.
Sa minsang paglalagi ko sa parke, nakabanggaan ko ang isang dilag.
Literal na banggaan.
"Aray!" Tinulak ako nito. "Ano ba?"
Natameme ako nang magtagpo ang aming mga mata. Maging siya ay natigilan at nakipagtitigan.
Marami na akong nakitang babaeng kagaya niya kung mag-ayos: matingkad ang papula sa mukha, hapit ang damit. Hindi siya ang pinakamaganda... Pero kanya ang mukhang pumukaw nang husto sa paningin ko.
"Ba't ganyan ka makatingin? Tabingi ba kilay ko?!"
May ikaka-pula pa pala ang kanyang pisngi.
Madali kaming nawili sa pag-uusap bagaman may katarayan siya. Hindi namin namalayan ang oras. Nagpaalam na siya dahil kailangan na niyang pumasok sa pinagtatrabahuhang bar sa Pasay.
"Pwede ba tayong magkita ulit?" lakas-loob kong itinanong.
"Sa Miyerkules pagkatapos mo sa trabaho. Sa simbahan ng sikat na lugar na parang ipinangalan sa mga binabae."
Ha? "Paano ako makakasiguradong magkikita nga tayo roon?"
"Maniwala ka, andun ako. Sige." Naglakad na siya papalayo.
•••
Baclaran.
Ang lugar na parang ipinangalan sa mga binabae—bakla.
Nawala sa isip kong dagsa ang mga tao sa Baclaran kapag Miyerkules. Paano ko pa makikita ang babaeng 'yun?
Saka ko narinig ang isang pamilyar na boses. "Hoy, Carduino!"
Si Beatrice.
"Buti at nakita mo ako?" Hindi ko napigilang ang ngiti ko nang matanaw ko siya.
"Sa tangkad mo ba namang 'yan, Carding. Hindi ako makakapagtagal. Pero masaya ako at nakadating ka. Galing mo!"
Hindi ako makaimik. Nakahawak na pala siya sa kamay ko.
"Eto nga pala. Clue ng next meeting natin." Inabot niya sa'kin ang isang kapirasong papel. Laking gulat ko nang tumingkayad siya para yakapin ako at idampi ang kanyang pisngi sa'kin.
Kung paano siya sumulpot ay ganoon siya naglahong parang bula.
•••
Kagaya ng treasure hunting sa mga palabas at babasahin ang paghahanapan namin ni Beatrice. Magbibigay siya ng bugtong. Hahanapin ko ang kasagutan. Sa aming pagkikita, ginagantimpalaan niya ako ng mas mahigpit na yakap. Sa kalaunan, halik sa pisngi.
Parang walang boses kung bibigkasin sa ibang paraan ang pangalan nito. Malat, e. Malate.
"Ki lolo, ki lola", narinig kong sinasabi ng kilala kong Bicolano. Lolo, lola... Apo. Ki apo. Quiapo.
Ermitanyong napapaligiran ng mall at hotel. Robinson's Place. Hyatt Hotel... Ermita. Dito, nakuha na naming umupa ng silid sa mumurahing apartel upang magkasarilinan kami. Hinayaan niya akong mahalikan siya sa labi. Nagtuluy-tuloy na ang mga kaganapan. Halos maangkin ko na siya. Ngunit sa kasukdulan, tumanggi siyang tapusin ang aming nasimulan. Hindi ko magawang magalit kahit na nawiwindang na ako sa pagnanasang maging ganap ang aming pagtatalik.
Nananaginip na yata ako noong bigla kong sinabi sa kanya, "Magtanan na tayo. Doon tayo sa kabundukan manirahan at mamuhay nang matiwasay."
Kinabukasan, wala na si Beatrice. Nag-iwan uli siya ng bugtong para sa aming pagkikita.
First Friday next month. Kasing-liit ng pangalan ng lugar na ito ang kanilang patron.
•••
Sto. Niño de Pandacan.
Siya uli ang unang nakakita sa akin.
"Beatrice!" Gusto ko siyang yakapin. Ilang linggo kaming hindi nagkikita.
"Huwag, Carduino." Hinarang niya ang mga bisig ko. Naka-iwas na ang tingin niya. "Ito na ang last meeting natin. Hindi ako ang dapat mong pagtuunan ng panahon. Sorry."
Biglaan. Ganoon ang pagdating ni Beatrice sa buhay ko. Ganoon din iniwan.
Nanatiling palaisipan ang maraming bagay sa pagitan namin ni Beatrice. 'Yun nga lang, sa puntong ito, wala nang clue mula sa kanya.
•••
Siya lang ang kayamanang natagpuan ko.
Siya rin ang tanging hindi ko makakamtan kalian pa man.