Buhay si Amihan

3K 54 5
                                    

Nagkaroon ng pangamba si Ybarro nang makilala niya si Alira Aswen, ang mashna ng nasirang kaharian ng Sapiro. Nagkaroon siya ng pagaalinlangan ng kilalalin siya nito bilang Prinsipe. Hindi ba dapat may kaharian ang isang prinsepe na tulad niya? Para sa kanya isa lamang itong titulo na walang maitutulong sa kinakaharap nilang suliranin.

Sinisisi padin nito ang kanyang sarili sapagkat hindi niya natulungan ang Reyna ng Lireo. Para sa kanya walang silbi ang kanyang katayuan kung magisa lamang siya laban sa kapangyarihan ni Hagorn at Pirena.

Mabilis ang mga sumunod na pangyayari sapagkat sa isang iglap ay dumating ang inaakala nilang lahat na patay na. Lahat ay nagbigay pugay ngunit nanatiling nakatingin si Ybarro sa kadarating lamang na si Amihan. Marahil ay ayaw niyang lubayan ng tingin sapagkat baka mawala muli ito.

"Amihan.."

Hindi maipaliwanag ni Ybarro ang tuwang kanyang nadama nang makita niyang dumating ang Reyna ng mga Diwata kasama ang isang paslit. Ang buong akala niya ay nagtagumpay ang mga kaaway sa pagpaslang sa Reyna. Hindi mawala ang ngiti sa labi ng mandirigma nang makasama na niya muli ang Reyna.

Nabatid din ni Ybarro na siya ang unang pinansin ng Reyna sa kanyang pagdating. Hindi si Pinunong Imaw o ang iba pa, kundi Siya na isang mandirigma lamang. Paano nabatid ni Amihan ang kanyang pagaalinlangan ng basta-basta lamang?

Sa pagdampi ng palad ng Reyna sa kanyang balikat, hindi maipaliwanag ni Ybarro ang kakaibang naramdaman. May kakaibang saya at kapayapaan siyang nadama sa maliit na haplos mula sa Reyna.

"Huwag ka magalala Ybarro, narito na ako."

Mga simpleng salitang sinambit ng Reyna ngunit malaking epekto kay Ybarro, nakaramdam siya ng Tapang at kumpiyansa sa sarili ng marinig niya ito mula kay Amihan. Nawala nang tuluyan ang pagaalinlangan ni Ybarro at napalitan ito ng labis labis na saya.

Tinitigan lamang ni Ybarro ang diwata sa kanyang harapan na tila ito ang unang pagkakataon na nakita niya ito. Naramdaman din niyang bumilis ang pagtibok ng kanyang puso. Ano ang meron ang diwatang ito at nakakaramdam siya ng sari-saring emosyon sa bawat pagkilos lamang nito?

Hindi nilulubayan ng tingin ni Ybarro si Amihan at dito niya napansin ang maliliit ngunit matatamis na ngiti ng Reyna kapag kausap nito ang batang paslit. Sino nga kaya ang batang ito at napapangiti niya ang Reyna sa gitna ng kaguluhang kanilang kinakaharap.

"PaoPao" ang ngalan ng paslit at may mga kakaiba itong mga salitang sinasabmit. Hindi pangkaraniwang mga salita ngunit nakakatuwa. Ngunit isa lamang itong batang ligaw, paano niya maliligtas ang isang reyna? At siya na isang mandirigma na sanay sa labanan ay walang nagawa upang mailigtas ang Reyna. Kamangha-mangha nga ang batang ligaw kung kaya't siya ay nagpasalamat din dito.

Nakakaliw pagmasdan ang paslit at ibang tuwa nga ang hatid nito sa kanilang lahat. Narinig ni Ybarro na tinawag siya ng Reyna at bahagyang lumayo sila sa kanilang mga kasama.

Nang tanungin ng Diwata kung nasaan ang kanilang anak, hindi maiwasan ni Ybarro na mahiya sapagkat hindi nito nagawa ang isang bagay na ipinagkatiwala sa kanya. Ngunit hindi siya sinisi nito, bagkus ay tanging pagaalala lamang para sa anak ang inintindi ng Reyna. Wagas ang pag-ibig ni Amihan sa kanilang anak kahit na ito ay isang huwad, batid ni Ybarro na tunay siyang nagaalala sa bata.

Nang nagtangka ang Reyna na balikan ang anak, di naiwasan ni Ybarro na labis na magalala kaya pinigilan niya ito sa binabalak. Ayaw niyang masaktan muli si Amihan, ang Reyna. Hindi sa hindi nagaalala si Ybarro ngunit ang mas importante ngayon ay manatiling ligtas si Amihan.

Nais mang suportahan ni Ybarro si Amihan, mas nangibabaw padin ang pagaalala niya kung kaya't hindi niya hinayaan na umalis ito.

Di maipaliwanag ni Ybarro ang pangamba sa kanyang puso iisipin pa lamang na nais bumalik ni Amihan sa Lireo, kung saan muntik na siyang mapaslang. Hindi napigilan ni Ybarro ang sarili na lumapit at mangusap sa Reyna na huwag ng ituloy ang binabalak.

"Isipin mo naman ang iyong Sarili, Amihan." Sambit ng mandirigma sa kanyang sarili.

Hinawakan ng Prinsipe sa balikat ang Reyna upang siguraduhin na nakinig ito at hindi umalis. Ngunit habang tumatagal na nakadapo ang kanyang palad sa Reyna ay tila parang bumilis na naman ang pagtibok ng kanyang puso.

Bihira lamang bumilis ang tibok ng kanyang puso. At nang huli niya itong maramdaman ay noong huli niyang makita ang diwatang kanyang iniibig.

Mahiwagang PusoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon