Iba-ibang Damdamin

814 30 2
                                    


Pinagmamasdan ni Amihan ang mga kasamahan habang sila ay ginagamot. Sadyang kahit naging saglit lang ang laban ay malaki ang pinsalang naidulot nito lalo na sa kanilang bilang.

Ang ikinatataka ni Amihan ay bakit biglang umatras ang kanilang mga kalaban sa gitna ng digmaan. Batid niyang hindi pa tapos ang laban ngunit bigla na lamang nawala ang mga hathor at naiwan ang kanilang pangkat.

Binabalikan ni Amihan ang mga pangyayari ngunit wala talaga siyang makitang tanda na tapos na ang labanan. Sinundan niya sila Muros sa kagubatan ngunit ang kawal na lamang ang kaniyang natagpuan at hindi ang kanyang anak.

Sana talaga ay nasa mabuting kalagayan ang kanyang anak sapagkat hindi niya mawari ang kanyang gagawin kung may mangyaring masama dito.

Siya ay pupunta sana sa kanyang silid nang umihip ang malakas na hangin na tila nagbibigay tanda na may masamang nangyayari sa mga Mahal sa buhay ng Reyna.

Siya ay nagtungo sa may balkonahe upang tanawin ang kapaligiran at pinakikiramdaman ang hangin.

"Anong nangyayari Amihan?" Tanong ni Ybrahim na sumunod agad sa tabi ni Amihan. Hindi na pinapalayo pa ni Amihan si Ybrahim pagkat wala siyang nakikitang dahilan upang gawin pa niya ito.

Ipinakita sa kanya ni Ybrahim ang kanyang katapatan sa Reyna ng buong buo kung kaya't ibinibigay niya ang tiwala dito ng walang pagaalinlangan.

"Tila may babala ang hangin. May hindi magandang nangyayari. Kailangan kong hanapin si Lira." Muling tumindi ang pagaalala ni Amihan para sa kanyang anak.

Naramdaman ni Amihan na may humawak sa kanyang mga kamay at nang tinignan niya ito, magkalapat na kanilang kamay ni Ybrahim.

"Nais mo bang samahan kita?" Tanong ni Ybrahim sa kanya. Masaya si Amihan dahil tila pinagkakatiwalaan na din siya ni Ybrahim pagdating sa pag gawa ng desisyon pagdating sa kanilang anak.

"Hindi na. Ako na lamang ang maghahanap sa kanila. Dumito ka muna." Mahinahong sambit ni Amihan.

"Kung ganoon, ay mag-iingat ka." Mariing pinisil ni Ybrahim ang kamay ni Amihan at gumanti naman ng pagtango si Amihan bago ito naglaho.

Sa katunayan ay nais niyang isama si Ybrahim dahil isa siya sa pinaghuhugutan ng lakas upang magpatuloy. At tila nararamdaman na rin ni Amihan ang pagkahapo mula sa labanan na kaniyang sinuong. Ngunit kanyang naisip na kung babalik si Lira sa Sapiro ay dapat isa sa kanila ni Ybrahim ang sumalubong sa kanilang anak.

Siya ay bumalik sa dalampasigan kung saan naganap ang laban at nagbabakasakali na baka doon niya makita ang kanyang hinahanap.

------------------

Naiwan muli si Ybrahim sa mga kasamahan. Nais man niyang sumama kay Amihan ay batid niyang hindi maari sapagkat may mga kasama silang kailangan ng kanyang patnubay.

"Mahal na Prinsipe, magpahinga muna kayo. Alam kong kayo ay pagod..-"

"Hindi maaari pinunong Imaw. Kailangan ako ng mga kasamahan natin at hindi rin ang makakapagpahinga hanga't wala dito sa Sapiro ang aking mag-ina." Putol ni Ybrahim sa mungkahi ni Imaw.

"Poltre Mahal na Prinsipe." Umalis na si Imaw at iniwan siyang mag-isa.

Huminga ng malalim ang Prinsipe, batid niyang hindi maganda ang kaniyang ginawa ngunit hindi niya maiwasan ang mabalisa hangga't hindi niya pa nakakasama ang kanyang Mag-ina.

"Mahal na Emre, sana ay patnubayan ninyo si Amihan at Lira. Nawa'y makarating sila ng ligtas dito sa Sapiro at sa aking piling." Mahinang panalangin niya sa Bathala bago ito pumasok muli sa kanilang kuta upang asikasuhin ang kanyang mga kasama.

Mahiwagang PusoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon