Nasa backseat ako ng sasakyan at katabi ang mama ni Rustin habang ang driver naman nito ang nagmamaneho.
Hindi niya sinabi sa akin kung saan kami pupunta ngunit hindi katagalan ay naging pamilyar sa akin ang daan na tinatahak ng sasakyan. At kung hindi ako nagkakamali ay sa bahay-ampunan na pinagdalhan sa akin noon ni Rustin kami pupunta.
"Alam mo, Zareen, yang si Jeorgy ko ay mahilig sa manggang hinog. Naalala ko nung minsan na dinala ko siya sa probinsya namin sa Pampanga nung bata pa siya ay walang ginawa 'yan kundi sumama sa tiyuhin niya sa pagkuha dun sa manggahan." Natatawang kwento ni tita.
Habang nasa byahe ay marami kaming napagkwentuhan tungkol sa kanyang anak. Marami rin akong nalaman na kabalastugan niya nung kabataan. Naging magaan na ang loob ko kay tita at nawala na ang kaba na naramdaman ko kanina, mabait at masiyahin kasi siya at madaling makagaanan ng loob. Hindi rin siya yung mapagmataas na mayaman at napaka-simple lang na tao.
Nakwento niya kung paano niya nalaman na kami ng anak niya. Pinilit niya pala itong magsalita nang malaman niyang nag-back out si Rustin sa kasal sana nila ni Isabel. Sabi niya ay lahat ng lalaki ay nagiging matapang lang sa pagdedesisyon para suwayin ang utos ng magulang pag ang pinag-uusapan ay puso na.
Masaya raw siya at sa wakas ay nakita niyang umiibig ang anak ng kasing tindi at lalim ng pagmamahal ng kanyang asawa sa kanya. At sa totoo lang, masaya rin akong malaman na okay ako para sa kanya.
"Kaya pala tuwing naggo-grocery ako ay lagi niyang sinasali sa pinamimili ko ang dried mangoes." Kwento ko kay tita.
"Ganun talaga siya kahilig sa mangga. Mabuti nalang at hindi siya mahilig sa mga hilaw at baka mapagkamalan ko pang nagdadalang-tao siya." Sa sinabi niyang yun ay tuluyan na kaming napatawa nang malakas.
Hindi naman nagtagal ay narating na namin ang bahay-ampunan. Hindi namin gaanong napansin ang katagalan ng byahe dahil na rin sa aming pagkukwentuhan.
Agad na bumaba si tita at ganun na rin ako. Napangiti ako sa nalaman na hindi siya kagaya ng ilang mayayaman na kailangan pa talagang pagbuksan ng pinto dahil siya na mismo ang nagbukas at hindi ang driver.
Napangiti ako nang malawak nang matanaw ang lugar, matagal-tagal na rin nung dinala ako ni Rustin dito. Nakapangako ako sa sarili na babalik ako rito ngunit hindi ko na nagawa dahil naging abala sa trabaho at naging abala rin ako mula ng maging kami ni Rustin. Mahirap din kasi ang sitwasyon dahil patago ang relasyon namin kaya lahat ng pagkakataon na wala kami sa trabaho ay nilalaan namin dalawa kasama ang isa't-isa.
Pagdating namin sa harap ng gate ay agad kaming pinagbuksan na tila alam na nila na darating kami. Siguro nga ay ganun dahil sa buwan-buwan na dumadalaw dito ang mama ni Rustin base na rin sa naikwento nina sister nung nagpunta ako rito.
"Magandang araw po, ma'am Clara." Bati ni manong na nagbukas ng gate.
"Magandang araw din, Ruben." Bati pabalik ni tita.
Nagpaalam naman si manong Ruben na tutulungan ang driver para sa mga dala nitong pasalubong yata para sa mga bata. Pumasok na si tita kaya naman ay sumunod na ako sa kanya papasok.
Naabutan naming naghahanda na ng pananghalian sina sister para sa mga bata.
"Clara, napaaga yata ang dating mo." Bungad ni sister Anne nang makita si tita.
Nagkamustahan pa ang dalawa bago napatingin sa gawi ko si sister at napansin ako.
"Zareen? Mabuti naman at nakabalik ka rito, hija." Nakangiting turan ni sister.
"Kilala niyo po si Zareen, sister Anne?" Tanong niya.
Siguro ay nagtataka siya kung bakit kilala ako ni sister dahil ngayon pa naman niya ako dinala rito.
BINABASA MO ANG
Stay Away (COMPLETED)
General FictionShe's undeniably attracted with her new boss. Ang paghanga na hindi inaasahan ni Zareen na lalalim. Ngunit hindi siya pwedeng mahulog kay Rustin, hindi niya pwedeng mahalin ito. Kaya naman gagawin niya ang lahat para lumayo. Would she be able to sta...