10: Getting to Know Each Other ang Peg!

70 1 0
                                    

                                            Chapter 10

                  Getting to Know Each Other ang Peg!

Walang anumang bakas ng guilt sa mukha nina Rico at Elena matapos sabihin ni Sabine sa mga ito ang natuklasan niya.

Pakiramdam ni Sabine ay pinagsakluban siya ng langit at lupa sa ginawang panloloko sa kanya ng dalawa. Inis na inis siya! Pero hindi naman niya masabunutan ang dalawa. Kaibigan pa rin nya ang dalawa!

Kaya heto, nagpakalasing na lang siya.

“Alam naming hindi ka matutuwa pag nalaman mo, Sab, kaya...” napakamot na lang sa ulo Rico. Nasa batchoy-an sila ni Aling Kiring na sa gabi ay nagiging inumin at karaoke-han.

Kinuha ni Sabine ang isang bote ng beer sa table at ininom iyon nang tuluy-tuloy. Pilit na inagaw nina Elena at Rico ang bote sa kanya.

“Ano ka ba naman, Sab! Hindi maganda iyang ginagawa mo! Sabi ko sa’yo Rico, dapat doon tayo sa sagingan ni Aling Mameng nagpunta, walang beer doon!” sabi ni Elena.

“Una, pinagdesisyunan ninyong magpanggap akong highschooler nang hindi sinasabi sa akin. Tapos ngayon, hindi ninyo sinabi sa akin ang totoo tungkol sa Ayesha na iyon!” reklamo ni Sabine.

“Sabine naman, hindi na mahalaga iyon. We figured out na malalaman mo rin naman kapag nandoon ka na...” paliwanag ni Rico.

“Mahalaga iyon, Rico! Alam mo bang dahil hindi ko alam na siya iyong emo na iyon, at inaway ko pa siya? Paano ko ngayon siya kakaibiganin? Ha? Ha?” Uminom uli siya ng beer. Nagkatinginan na lang sina Elena at Rico at parehong sumuko na.

Nagulat si Sabine nang may umagaw ng bote sa kanya.

“Anong- sinong pakialamero ang-” nang makita niyang si Marco ang kumuha ng beer ay napatayo si Sabine. “Sir!” sumaludo pa siya sa lalaki. “Anong-hik- ginagawa-hik­-ninyo rito?”

Huminga ng malalim si Marco. “Magre-relax sana pero mukhang hindi ko na iyon magagawa ngayon. Iuuwi na kita, Sabine. May pasok ka pa sa eskuwelahan bukas.” Serosong sabi nito.

“Ako?” Itinuro niya ang sarili. “May pasok sa eskuwelahan? Bilang ano, teacher?” tumawa siya ng malakas at tiningnan ang tatlo niyang kasama. “Ay mali pala... student pala ako doon! Isang 24 year old na highschooler!”  tawa siya ng tawa sa kalasingan.

Kinuha ni Sabine ang dalawang walang laman na bote sa table. Pumito siya para kunin ang atensyon ng lahat. Tamang-tama na walang kumakanta kaya narinig siya ng lahat ng customer doon.

“Makinig kayong lahat, ako, si Miss Sabine Morgan, isang pulis ay isa nang certified 24 year old high school student sa araw na ito. At bukas! Bukas ang second day ko sa paaralan. Wish me luck!” Itinaas ni Sabine ang dalawang bote at pinagpingki ang dalawa. Nag-cheer ang lahat ng naroon.

Sina Rico at Elena ay halos itago ang kanilang mga mukha sa kahihiyan. Si Marco ay pinagkrus lang ang dalawang braso at seryosong pinanonood ang ginagawa ni Sabine.

Samantala, masyadong napalakas ang pagkakapukpok ni Sabine sa dalawang bote kaya pareho iyong nabasag. Natahimik ang lahat ng naroon.

“Sabine, eh!” Hinila ni Elena si Sabine para umupo. “Sira ka talaga!”

“Sabine, iuuwi na kita.” Hinila ni Marco si Sabine pero dahil sa gulat ay natumba si Sabine. Mabuti na lang dahil nandoon si Marco kaya napasandal lang si Sabine sa dibdib nito.

Nawala ang kalasingan ni Sabine. Naramdaman kasi niya ang pag-ikot ng mga braso ni Marco sa katawan niya. Hindi siya makapagsalita nang buhatin siya nito.

HS Cutie-SpyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon