Chapter 1

24 1 0
                                    

NAPABUGA ng hangin si Czarina nang sa wakas ay natapos na niya ang mga trabahong kailangan niyang asikasuhin para sa buwang iyon. Magkaganoon man, ayaw pa niyang magpahinga dahil marami pa siyang kailangang asikasuhin lalo pa't malapit na ang peak season sa cake and pastry shop na pinamamahalaan niya.

"Wala ka talagang planong magpahinga, 'no?"

Napaangat siya ng tingin at napangiti nang pumasok sa opisina ang kaibigan at manager ng shop na si Carlyn.

"Ah... So ngingitian mo na lang ako. Ganoon?" nakataas ang kilay na tanong ni Carlyn.

Ikinatawa na lang niya iyon. "Ano nama'ng gusto mong gawin ko? Simangutan ka? Para namang kakausapin mo ako nang matino kapag ginawa ko iyon." Muli niyang itinuon ang atensiyon sa kanyang trabaho.

Buntong-hininga ni Carlyn ang sumalubong sa pandinig niya. "Alam mo, sa lahat naman ng nagka-amnesia, ikaw yata ang wala pa ring ipinagbago. Are you sure you still can't remember everything?"

"You mean other than my parents who died in a car crash and my cousin who never left my side until I remembered her? Not really."

Pero kahit kaswal ang pagkakasabi niya roon, hindi maitatangging nakakaramdam pa rin siya na tila may kulang sa pagkatao niya. Na sa kabila ng kawalan niya ng napakaraming alaala, may udyok sa puso niya na may dapat siyang alalahanin na isang mahalagang pangyayari.

Isang mahalagang tao...

"Hey," untag ni Carlyn. "Sorry. I didn't mean to remind you of your situation."

Napangiti siya. "It's okay. Wala namang kaso sa akin iyon. At saka tatlong taon na akong walang maalala. Siguro, hindi ko pa rin nakikita 'yong puwedeng magsilbing trigger para bumalik ang lahat sa isipan ko. I'm just glad you never left me kahit na hindi kita matandaan."

"Nag-drama ka na naman. I told you, even if you don't remember me, I'll always be your best friend," ani Carlyn na nagpatibay sa nararamdaman niyang pasasalamat sa pagkakaroon niya ng kaibigang tulad nito.

"Ikaw naman ngayon ang ma-drama."

Tama lang ang mga sinabi niya rito. May tatlong taon na rin ang nakalilipas mula nang sapitin niya ang aksidenteng tinangay hindi lang ang buhay ng kanyang mga magulang kundi pati na rin ang kanyang mga alaala. Sa loob ng tatlong taon na iyon, hindi nawala si Carlyn sa buhay niya kahit na wala talaga siyang maalala tungkol dito. Noong una, hindi siya sigurado kung totoo ang sinasabi ng dalaga na magkaibigan nga sila nito. Subalit ang mga litrato sa kanyang silid at mga testimonya ng mga taong di-umano'y nakakakilala sa kanya ang nagpatunay ng mga iyon. Pati ang pinsan niya, hindi itinanggi iyon.

"By the way, tumawag si Chris kanina. Dadaanan ka na lang daw niya rito para sunduin dahil on the way rin lang naman ang location para sa next photoshoot na kailangan niyang asikasuhin."

Kumunot ang noo niya. "Bakit ikaw ang tinawagan?"

"Have you even checked your phone?" balik-tanong nito.

Pagkasabi niyon ni Carlyn, agad niyang kinuha ang cell phone na nakalagay sa drawer ng office table niya. Lihim siyang napangiwi nang makita ang nag-aakusang notifications tungkol sa pitong miscalls at sampung text messages galing kay Chris. Oo nga pala, naka-silent ang cell phone niya dahil ayaw niyang magpaistorbo sa dami na rin ng trabaho niya.

"Sige na. Ako na ang bahala rito. Katukin mo na lang ako kung sakaling dumating na si Chris," bilin niya kay Carlyn na tumango na lang at umalis na sa opisina niya.

Bumuntong-hininga na lamang siya at inilapat ang likod sa backrest ng swivel chair. Muli siyang napatingin sa notifications sa screen ng kanyang cellphone. Hindi niya alam kung bakit kahit alam niyang patuloy si Chris sa panliligaw sa kanya, hindi niya mahagilap sa puso ang kagustuhang tugunan ang nararamdaman nito.

✔ | HERE'S MY HEART BOOK 1: Finding A Special HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon