"BAKASYON? At ngayon mo pa talaga naisipang gawin iyan kung kailan naman peak season na sa Cherry Blossoms?"
Kulang na lang talaga ay ilayo ni Czarina sa tainga ang cell phone dahil sa komentong iyon ni Carlyn nang gabing iyon. Ang "Cherry Blossoms" na tinutukoy nito ay ang pangalan ng cake shop na pinamamahalaan nilang magkaibigan.
"Kaya nga ako nagpapaalam, 'di ba? Alam kong hindi ako basta nakakapagbakasyon lalo na kapag kasagsagan ng dami ng customers na nagsisidatingan sa shop," aniya habang ibinabalabal ang lavender na shawl sa balikat at saka nagtungo sa veranda ng kanyang silid. She looked at the starry night sky in melancholy.
"Alam mo naman pala. So why decide something like this now?"
Ilang sandali rin siyang hindi nakaimik. Ano nga ba ang rason at bigla niyang naisipang magbakasyon? Biglang sumagi sa isipan niya ang nangyari ilang araw na rin ang nakararaan sa kotse ni Chris. Hanggang ngayon ay hindi pa rin talaga niya maintindihan kung bakit niya nakita ang ganoong eksena sa isipan niya. At sa 'di malamang dahilan, naramdaman din niya ang tila walang kapantay na pangungulila para sa taong pinapatungkulan ng kantang iyon. Pero para kanino kaya iyon?
"Uy! Nandiyan ka pa naman siguro, 'no?" untag ni Carlyn sa kabilang linya.
Napapitlag siya subalit hindi pa rin inaalis ang tingin sa madilim na langit. "Carlyn, when was the last time I went to my hometown?"
"You mean after the crash? Never. But before that, madalas kang magpunta sa Altiera. Once a month pa nga kung gawin mo iyon, eh, kahit busy ka rito sa office. Every third week of the month."
"Talaga?" Bakit hindi niya alam ang tungkol doon? "Bakit hindi mo yata sinasabi sa akin 'yan?"
"It was your cousin's orders. Mas maganda raw na kusa mong maisipang bumalik doon dahil baka nakakalimutan mo rin, pauwi kayo ng Altiera ng parents mo nang mangyari ang aksidente," ani Carlyn.
Si AJ? Sinabi talaga ng pinsan niya ang mga iyon? Muli siyang napatingin sa langit. Kasabay niyon ay ang pagdama sa malamig na ihip ng hanging hatid ng gabing iyon. Wala sa loob na ipinalibot niya nang husto sa sarili ang shawl na nakabalabal sa kanya.
Sa hindi malamang rason, nagbigay sa kanya iyon ng seguridad sa kabila ng pag-aalinlangang nararamdaman. Gaya na lang ng madalas mangyari sa tuwing ibinabalabal niya sa sarili ang lavender shawl na iyon. Hindi niya alam kung sino ang nasa likod ng pagkakaroon niya ng ganoong gamit. Isang araw kasi nang magising siya sa ospital, nakita niya na nakapatong sa kanya ang shawl na iyon.
She felt a sense of nostalgia and indescribable longing as she touched it. Lalo na nang mabasa niya ang nakaburdang mga kataga roon.
To the one special in my heart, C.A.
Initials niya ang naroon. Ayon kay AJ na nagbalabal niyon sa kanya, childhood friend daw niya ang nagbigay niyon bago ito umalis sa Altiera 13 years ago. Hindi niya alam kung sino ang childhood friend niyang iyon dahil hindi naman sinabi ni AJ sa kanya ang anumang dagdag na impormasyon patungkol doon. Gayunpaman, hindi na nawala sa tabi niya ang shawl na iyon. Para bang hindi kumpleto ang araw niya na hindi naisusuot iyon kahit na ilang oras lang.
Ganoon siya ka-attached sa shawl na iyon na alam niyang higit pa ang dahilan maliban sa ibinigay iyon ng misteryosong childhood friend niya.
"Does that mean sa Altiera ang punta mo kaya ka magbabakasyon?" tanong ng kaibigan na nagpatigil sa pagmumuni-muni niya.
"Yes. Baka kaya hindi pa rin nagbabalik ang alaala ko ay dahil wala rito ang mga bagay o lugar na makakatulong sa akin para mangyari iyon. Gaya nga ng sinabi mo, tatlong taon na akong hindi nagpupunta sa hometown ko. Tatlong taon na rin akong patuloy na nangangapa." Hindi na niya naitago ang frustrations sa tinig niya.
Matapos niyon ay bumuntong-hininga siya. Ilang sandaling katahimikan din ang namayani sa kanila. Pero sa huli ay hindi na siya pinigilan pa ni Carlyn sa gusto niya. Nagpasalamat siya rito at tinapos na niya ang pag-uusap nilang iyon.
Kaya lang, sa ginawa niya ay muling nagbalik sa isipan ang mga imaheng nakita niya. Nasapo na lang niya ang ulo nang sumigid ang sakit. Kailangan talaga niyang magtungo sa Altiera. Lalo pa't ilan sa mga imaheng nakita niya sa kanyang isipan ay alam niyang nangyari sa veranda ng silid niya sa bahay nila sa bayang iyon. Tanging ang bayan ng Altiera ang may hawak ng mga sagot na talaga namang kailangan niya.
========
WALANG pagmamadaling tinahak ng kotse ni Czarina ang daan patungo sa bahay niya sa Altiera. Matapos ang mahigit tatlong oras na biyahe ay narating na rin niya sa wakas ang bayang iyon. Natural, pinagtitinginan siya ng mga ilang naroon subalit nagpatuloy lang siya. Inaasahan na niya iyon lalo pa't banyaga talaga siyang maituturing doon.
Hindi pamilyar sa kanya ang mga nakikita't nadaraanan subalit hindi maitatangging may sundot na kung ano sa kanyang dibdib ang ilang lugar doon. Mukhang tama lang pala na bumalik siya sa lugar na iyon. Naroon kasi sa dibdib niya ang pakiramdam na nakita na nga niya ang mga iyon noon. Bakit nga ba ngayon lang niya naisipang bumalik sa lugar na iyon? Pinalipas pa niya ang tatlong taon bago pa siya nagdesisyon nang ganoon.
Pero gaya ng dati, wala siyang mahanap na sagot sa tanong niyang iyon. Napabuntong-hininga na lang siya. Bagaman inaasahan na niya iyon, hindi pa rin niya naiwasang makaramdam ng pagkadismaya. Kailan ba talaga niya mahahanap ang mga sagot na kailangan niya?
Nangunot ang noo niya nang may mapansin siyang nakaparadang puting SUV ilang hakbang lang ang layo sa bahay niya. Nakasandal sa gilid ng kotse ang isang lalaki na naka-corporate attire pa at matamang nakatingin sa bahay. Iyon talaga ang dahilan ng pagkunot-noo niya. At kahit side view lang ang nakikita niya rito, hindi niya maitatangging malakas ang dating ng lalaking iyon. Dala na rin siguro ng aura na ipinapakita nito sa kung anumang posisyon meron ang lalaking ito sa corporate world.
Was it her or that guy was actually familiar? Parang nakita na niya ito sa kung saan. Pero sa malas, hindi na naman niya matandaan. Pumupurol na naman ba ang utak niya at nagkakaganoon siya?
Mukhang wala pa yatang planong umalis ang estrangherong iyon sa pinagpaparadahan nito. Ano ba'ng meron sa bahay niya at tila ayaw nitong alisin ang tingin nito roon? Wala namang espesyal sa bahay na iyon, kung tutuusin.
Ipinarada na lang niya ang sasakyan sa tapat ng gate ng bahay niya. Napansin niyang ikinakunot iyon ng noo ng lalaki. Sa kaba at pagtataka niya, umalis ito sa pagkakasandal nito sa sasakyan at nakaibis na siya sa kotse bago niya ito nakitang lumapit sa kinatatayuan niya.
"Dito ka nakatira, Miss?" nananantiyang tanong nito.
Tumango siya. "Are you waiting for someone to come out of that house?"
Napahawak ito sa batok nito, tila nag-aalinlangan. "Actually, I am. Are you perhaps—"
"Czari! Nandiyan ka na pala!"
Napalingon siya sa direksiyong pinagmulan ng tawag na iyon. Lumabas mula sa bahay ang pinsan niyang si AJ bitbit ang gitara nito.
"Czarina? Ikaw si Czarina Almendarez?"
Sa estrangherong kausap naman siya sumunod na napalingon. "Kilala mo ako?" Weird... May kilala ba siyang lalaking kasingguwapo ng kausap niya nang mga sandaling iyon?
Pero sa halip na sagutin nito ang tanong niya, laking-gulat niya nang bigla siya nitong hilain at mahigpit na niyakap. Para bang na-miss siya nito sa higpit niyon. Naroon din ang biglang pagbilis ng kabog ng dibdib niya kahit para siyang tuod doon dahil sa pagkagulat. Hindi niya alam kung para saan ang damdaming iyon.
"I miss you so much, Czarina," bulong ng lalaking yakap-yakap siya sa tapat ng tainga niya. Nagdulot iyon ng kakaibang sensasyon sa kanya. Batid din niya ang katotohanan sa pahayag nitong iyon. "Akala ko hindi na kita makikitang muli."
Pero sa kabila ng kakaibang damdaming dulot ng mahigpit na yakap nito sa kanya, may isang katanungang naglalaro sa kanyang isipan.
"Who are you?"
BINABASA MO ANG
✔ | HERE'S MY HEART BOOK 1: Finding A Special Heart
Romance『COMPLETE』 Malaking bahagi ng buhay ni Seth ang iginugol niya sa paghahanap sa isang babaeng bumago sa buhay niya may labing-tatlong taon na ang nakararaan. Hindi siya tumigil dahil hindi pumayag ang puso niya na gawin iyon. At alam niya na hindi m...