ANG UWAK AT ANG SORO

1.9K 15 0
                                    


PANAHON: kahapon nang tanghali.

LUGAR: isang mataas na puno sa isang kakahuyan.

GINANG UWAK.

BINIBINING UWAK, ang kanyang Anak.

GINOONG SORO.

(Nakaupo sa puno si GINANG UWAK. Papasok si BINIBINING UWAK. May dala siyang malaking piraso ng keso sa kanyang bibig.)

GINANG: Oh kay saya! Oh kay saya! Halika, mahal na anak, halika! Maghahapunan tayo na parang reyna at prinsesa!

(Lilipad si Binibining Uwak papunta kay Ginang Uwak. Papasok si GINOONG SORO.)

SORO: Magandang umaga, mahal na ginang.

GINANG: Magandang umaga sa iyo, mahal na ginoo.

SORO: (uupo sa ilalim ng puno) Sa inyong pahintulot, kakausapin ko ang inyong anak.

GINANG: Malulugod siyang makinig, oo--napakatalino mo.

SORO: (nang mapagkumbaba) Hindi, ginang, hindi matalino, mapag-isip lang.

(Magbubuntong-hininga siya nang malalim nang dalawang beses.)

GINANG: Mayroon kang iniisip.

SORO: (pagkatapos magbuntong-hininga) Opo, mahal na ginang,--iniisip ko ang inyong anak.

GINANG: Kung gayon magsalita ka! Magsalita ka na, ginoo!--ngayon na, ginoo!

SORO: Magsasalita na ako. Oh giliw na Binibining Uwak, kay ganda ng iyong mga pakpak!

GINANG: (malulugod) Narinig mo iyon, anak?

(Tatango si Binibining Uwak at magbubuka ng mga pakpak bilang pagmamalaki.)

SORO: Magsasalita ulit ako. Kay tingkad ng iyong mata, mahal na dalaga! Kay lambot tingnan ng iyong leeg!

GINANG: Iyuko mo ang iyong leeg, anak! Ngayon, iyuko mo iyan nang mabuti para mas makita niya ang iyong kariktan.

(Iyuyuko ni Binibining Uwak ang kanyang leeg nang dalawang beses.)

SORO: Pero ay, nakapanghihinayang na ang ganyang karikit na ibon ay dapat maging pipi--isang ganap na pipi!

(Iiyak siya nang marahan sa kanyang maliit na panyo.)

GINANG: (nang galit) Iniisip mo ba, ginoo, na hindi siya marunong umuwak nang kasinghusay naming mga ibang ibon?

SORO: Gayon ang kailangan kong isipin, mahal na ginang. Sayang!

(Iiyak muli sa kanyang maliit na panyo.)

GINANG: Hindi mo na maiisip iyan, kung gayon! Umuwak ka, anak, umuwak ka nang buong husay!

BINIBINING UWAK: (magbubukas ng bibig; mahuhulog ang keso.) Uwak! Uwak!

(Mabilis na sasakmalin ng Soro ang keso.)

SORO: (paalis) Salamat, Binibining Uwak. Tandaan ninyo, mahal na ginang, ang anumang sinabi ko tungkol sa kanyang kagandahan, ay hindi ko sinabi tungkol sa kanyang katalinuhan.

(Aalis siya habang kumakaway ng paalam sa mga uwak sa pamamagitan ng kanyang maliit na panyo.)

Mga Dulang PambataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon