PANAHON: nitong umaga.
LUGAR: isang tulay, malapit sa bayan at hindi malayo sa isang Perya.
ANG MANGGIGILING
ANG KANYANG ANAK NA LALAKI.
UNANG DALAGA.
PANGALAWANG DALAGA.
PANGATLONG DALAGA.
UNANG MATANDANG LALAKI.
PANGALAWANG MATANDANG LALAKI.
PANGATLONG MATANDANG LALAKI.
UNANG GINANG.
PANGALAWANG GINANG.
PANGATLONG GINANG.
ANG ALKALDE.
ANG KANYANG UNANG KAWANI.
ANG KANYANG PANGALAWANG KAWANI.
(Pinapalakad ng MANGGIGILING at ng kanyang ANAK NA LALAKI ang kanilang asno patawid ng tulay. Papunta sila sa Perya.)
ANAK: Inaasahan po ba ninyong makakakuha tayo ng magandang presyo para sa ating asno, itay?
MANGGIGILING: (tatango) Oo, anak; ang Perya ang lugar kung saan dinadala ang iyong mga ipagbebenta.
ANAK: Pero hindi na gayon kabata ang ating asno.
MANGGIGILING: Pero hindi naman siya gayon katanda.
ANAK: Pero hindi siya gayon kataba.
MANGGIGILING: Pero hindi naman siya gayon kapayat.
ANAK: Sa katotohanan, baka mas masama pa ang kanyang lagay.
MANGGIGILING: Mas mabuti o mas masama, kailangan siyang maibenta.
(Papasok ang TATLONG DALAGA sa tulay. Papunta sila sa Perya.)
UNANG DALAGA: (sesenyas para ituro ang Manggigiling at ang kanyang Anak) Tingnan ninyo! Nakakita na ba kayo ng mga gayong kahangal na tao?
PANGALAWANG DALAGA: Diyos ko! Naglalakad sila kung pwede naman silang sumakay!
PANGATLONG DALAGA: (sa Manggigiling) Tatawanan ka sa Perya, tanda!
(Mauuna na ang Mga Dalaga.)
MANGGIGILING: Baka totoo ito. Sumakay ka sa hayop, anak.
(Sumakay ang bata sa asno. Papasok ang TATLONG MATATANDANG LALAKI. Nag-uusap sila nang seryoso. Papunta sila sa Perya.)
UNANG MATANDA: (sesenyas para ituro ang Manggigiling at ang kanyang Anak) Tumingin kayo doon! Pinapatunayan niyon ang aking sinasabi.
PANGALAWANG MATANDA: (tatango) Oo! Wala nang paggalang na ipanapakita ngayon sa matatanda.
PANGATLONG MATANDA: (tatango) Oo! Ayun ang pilyong bata na nakasakay sa asno habang ang kanyang matandang ama ay naglalakad!
(Mauuna na ang Matatandang Lalaki.)
MANGGIGILING: Bumaba ka, anak. Mas magmumukha ngang maganda kung ako ang sasakay.
(Bababa ang bata; sasakay ang Manggigiling. Papasok ang TATLONG GINANG; papunta sila sa Perya.)
UNANG GINANG: (magagalit at sesenyas para ituro ang Manggigiling at ang kanyang Anak) Tingnan ninyo, mga ginang, tingnan ninyo! Nakakita na ba kayo ng bagay na gayon kalupit?
PANGALAWANG GINANG: (sa Manggigiling) Tamad na matanda! Paano ka nakakasakay diyan habang naglalakad sa alabok ang iyo mismong anak?
PANGATLONG GINANG: (sa bata) Kawawa ka namang bata!
(Mauuna na ang Mga Ginang, na umiiling at galit na nagwawasiwas ng mga baston.)
MANGGIGILING: Halika, anak, sumakay ka sa likod ko.
ANAK: Bakit, itay, hindi pa ako pagod!
MANGGIGILING: Alam ko, pero kailangan natin silang subukang pasayahin. Halika.
(Sasakay ang bata, uupo sa likod ng kanyang ama. Papasok ang ALKALDE at ang kanyang MGA KAWANI. Papunta sila sa Perya.)
ALKALDE: (lilingon sa kanyang mga Kawani; sesenyas para ituro ang Manggigiling at ang kanyang Anak) Tingyan ninyo!
(Haharap siya sa Manggigiling.)
Isang sandali, mabuting kaibigan; sa iyo ba ang hayop na iyan?
MANGGIGILING: Opo, panginoong Alkalde.
ALKALDE: Hindi maiisip ang gayon sa pagpapahirap mo sa kanya sa pagpasan sa inyo. Hindi ba, mga Kawani?
UNANG KAWANI: (yuyuko) Gayon nga po, panginoong Alkalde.
PANGALAWANG KAWANI: (yuyuko) Ganoon nga po, panginoong Alkalde.
ALKALDE: (sa Manggigiling at sa kanyang Anak) Aba, mukhang mas mabuti pang kayo ang magbuhat sa asno kaysa siya ang magbuhat sa inyo! Hindi ba tama iyon, mga Kawani?
UNANG KAWANI: (yuyuko) Gayon nga po, panginoong Alkalde.
PANGALAWANG KAWANI: (yuyuko) Ganoon nga po, panginoong Alkalde.
MANGGIGILING: Halika, anak, para mapasaya sila, buhatin natin ang asno.
(Bababa sila at susubukan nilang buhatin ang asno. Matatakot dito ang kawawang hayop. Susubukan niyang tumakas; at mahuhulog siya mula sa tulay papunta sa malalim na ilog.)
MANGGIGILING: (iiyak) Sinubukan kong pasayahin ang lahat! Wala akong napasaya!
ANAK: (iiyak) At nawalan pa tayo ng asno!
BINABASA MO ANG
Mga Dulang Pambata
Ficción GeneralSalin sa Tagalog ng unang libro ng Children's Classics in Dramatic Form ni Augusta Stevenson, na nasa public domain na ngayon. Naglalaman ito ng koleksyon ng mga klasikong kwento ni Aesop, ni Hans Christian Anderson, ng Brothers Grimm, at ng marami...