ANG BAWAT ISA SA KANYANG SARILING LUGAR

837 6 0
                                    

PANAHON: kahapon.

LUGAR: sa isang maliit na bahay.

ANG DAYAMI na nagdadala ng kahoy.

ANG ULING na gumagawa ng apoy.

ANG NIYEBE na umiigib ng tubig.

ANG ASUKAL na naghahanda ng mesa.

ANG LONGGANISA na nagluluto ng pagkain.

(Makikita ang maliit na kusina. Hinahalo ng LONGGANISA ang niluluto niya sa kaldero. Binabantayan ng ULING ang apoy. Hinahanda ng ASUKAL ang mesa. Papasok ang DAYAMI na may dalang mga kahoy.)

DAYAMI: (titigil para ibagsak ang mga kahoy) Sa tingin mo, Longganisa, mangangailangan ka pa ng mas maraming kahoy para sa tanghalian?

(Hindi sasagot ang Longganisa. Papasok siya sa kaldero para bigyan ng lasa ang mga gulay.)

ULING: (bubulong sa Dayami) Mainit ang ulo ni Longganisa.

DAYAMI: Ano'ng problema?

ULING: Walang nakakaalam.

(Papasok ang NIYEBE na may dalang isang timba ng tubig.)

NIYEBE: (titingin sa paligid) Nasaan si Longganisa?

DAYAMI: Binibigyan niya ng lasa ang mga gulay.

(Lalabas sa kaldero ang Longganisa.)

NIYEBE: Heto ang tubig, Longganisa.

(Hindi sasagot ang Longganisa.)

NIYEBE: (magsasalita nang mas malakas) Kukunin mo ba ang tubig, Longganisa?

LONGGANISA: (nang galit) Hindi po, hindi ko kukunin!

ANG MGA IBA: (magugulat) Longganisa!

LONGGANISA: Hindi na ako magpapaalipin dito!

ANG MGA IBA: (gayon pa din) Kapatid na Longganisa!

LONGGANISA: Seryoso ako sa sinasabi ko!

NIYEBE: Hindi ko ba ginawa ang aking bahagi sa trabaho?

ULING: Hindi ko ba ginawa ang sa akin?

DAYAMI: Hindi ko ba ginawa ang sa akin?

ASUKAL: At hindi ko ba ginawa ang sa akin?

LONGGANISA: Pakisabi nga sa akin kung ano ang ginagawa ninyo.

DAYAMI: kumukuwa ako ng kahoy para makagawa ng apoy si Uling.

ULING: Gumagawa ako ng apoy para kumulo ang tubig sa palayok.

NIYEBE: Nag-iigib ako at nagdadala ng tubig mula sa sapa.

ASUKAL: Hinahanda ko nang mainam ang mesa.

LONGGANISA: Ano ang ginagawa ko? Ha? Ano ang ginagawa ko? Kailangan kong tumayo sa ibabaw ng apoy. Hindi ko lang kailangang haluin ang pagkain, kailangan ko pa iyong bigyan ng lasa sa pamamagitan ng aking sarili. Para sa bawat isa sa inyo, may isang tungkulin. Para sa akin malinaw na may tatlo.

DAYAMI: Pero, kapatid--

LONGGANISA: (sasabat) Huwag mo akong makapa-kapatid!

NIYEBE: Longganisa, mahal, sisirain mo ba ang ating magandang tahanan?

ASUKAL: Ang saya-saya pa naman nating lahat dito!

LONGGANISA: Dapat magkaroon ng pagbabago! Iba naman ang tatayo sa ibabaw ng apoy--ang maghahalo ng pagkain sa kaldero--ang magpapalasa sa mga gulay.

ULING: Kung ako ang magpapalasa sa kanila, hindi sila makakain.

LONGGANISA: Iyan ang lagi mong sinasabi, pero hindi ako sigurado doon.

NIYEBE: Kung ako ang maghahalo sa kaldero, magiging katapusan ko na.

LONGGANISA: Oo, lagi mong sinasabi iyan, pero hindi ako siguradong totoo iyon.

DAYAMI: Kung tatayo ako sa ibabaw ng apoy, mawawala na ako.

LONGGANISA: (nang pauyam) Mga palusot! Mga palusot!

ASUKAL: Malinaw na hindi ako dapat pumasok sa kaldero.

LONGGANISA: At bakit hindi, Binibini? bakit hindi?

ASUKAL: Paalam na sa akin, kung gagawin ko iyon!

LONGGANISA: Mga palusot! Mga palusot! Sinasabi kong dapat magkaroon ng pagbabago! Ako naman ang kukuha ng kahoy o mag-iigib ng tubig.

ULING: Pero, Longganisa, kailangan mong manatili sa loob.

LONGGANISA: Hindi po! Lalabas ako sa kaldero at sa bahay, lalabas ako! Makikita ko ang mundo, makikita ko!

ASUKAL: (magbubuntong-hininga) Ay, kung gagawin niya, gagawin niya!

LONGGANISA: (kukuha ng mga piraso ng papel) Halikayo ngayon, at magbunutan tayo.

(Itataas niya ang mga piraso ng papel para bunutin ng mga iba.)

DAYAMI: (bubunot; magbabasa mula sa papel) "Ang makakakuha nito ay kailangang gumawa ng apoy."

ASUKAL: (bubunot; magbabasa mula sa papel) "Ang makakakuha nito ay kailangang umigib ng tubig."

NIYEBE: (bubunot; magbabasa mula sa papel) "Ang makakakuha nito ay kailangang maghalo ng pagkain sa kaldero at bigyan ng lasa iyon sa pamamagitan ng kanyang sarili."

ULING: (bubunot; magbabasa mula sa papel) "Ang makakakuha nito ay kailangang mainam na maghanda ng mesa."

LONGGANISA: (bubunot; magbabasa mula sa papel) "Ang makakakuha nito ay kailangang kumuha ng kahoy." Ay, gusto ko iyon! Dayami, tingnan mo kung kailangan ng apoy ng kahoy.

(Mag-aalangan ang Dayami.)

Sige na, sige na, gawin mo ang iyong tungkulin!

(Tatawid sa apuyan ang Dayami, at titingnan niya ang apoy. Mag-iingat siya nang lubha, pero maaabot siya ng apoy at mawawala sa isang iglap!)

NIYEBE: Kawawang Dayami! Ay, tungkulin kong maghalo ng pagkain sa kaldero at bigyan ng lasa  iyon sa pamamagitan ng aking sarili.

(Tatawid siya papunta sa apuyan, pero pagdating na pagdating niya doon, maglalaho siya nang walang kaingay-ingay.)

ASUKAL: Kawawang Niyebe! Ay, tungkulin kong mag-igib ng tubig.

(Makakalimutan niyang puno ang timba, mahuhulog siya doon, at hindi na siya makikita pa.)

ULING: Kawawang Asukal! Ay, tungkulin kong ihanda ang mesa nang mainam.

(Makakalimutan niyang nagbabaga pa din siya mula sa pagbabantay sa apoy kani-kanina lang. Habang inilalapag niya ang mga plato, masusunog ang mantel ng mesa at mababalot sa kanya.)

ULING: (mula sa loob ng nasusunog na tela) Ito na ang katapusan ko!

LONGGANISA: (iiyak) Diyos ko! Diyos ko! Sino ang makakaisip na mauuwi sa masama ang lahat! Ay, tungkulin kong kumuha ng kahoy.

(Bubuksan niya ang pinto, at may makakaharap siyang gutom na aso na nag-iikot-ikot sa labas.)

ASO: Ah, sabi ko na nga, lalabas ka din!

LONGGANISA: (malulugod) Gusto po ba ninyo akong makita?

ASO: Aba, oo, talagang hinihintay kita.

LONGGANISA: Kay sarap makalabas sa mundo! Lagi nilang sinasabi sa akin na ang aking lugar ay sa loob.

ASO: Talaga ba? Ay, para lang mapasaya sila, dadalhin kita doon.

(Lalamunin niya nang mabilis ang Longganisa, na siyang tatapos kay Kapatid na Longganisa at pati sa ating kwento.)

Mga Dulang PambataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon