Snob Nga Ba Si Idol?
Ang daming readers na nagtatampo sa mga idol nila kasi hindi raw sila pinapansin. Napakasakit daw na matapos nilang mag-type ng napakahabang comment sa Wattpad na halos pwede na rin daw ipang-update ay ni smiley daw ay wala man lang reply ang kanilang paboritong author.
Ang mga authors na ito ay madalas na masabihang snob, malaki na ang ulo o mayabang. Pero minsan ba ay naisip din natin ang ilang mga dahilan kung bakit hindi sila nag-re-reply sa ating mga readers?
Ito ang ilan sa mga posibleng dahilan:
1) BUSY
Baka naman po kasi mas priority niya ang work o school activities nila kaysa sa Wattpad kaya hindi siya makapag-reply. Ang mga taong ito ay bihirang mag-wattpad pero dahil passion nila ang pagsusulat ay nagsusulat pa rin sila. Dahil mas lamang ang pagiging writer nila kaysa reader ay bihira rin silang magbasa ng ibang stories. Dadalaw lang sila sa Wattpad para tingnan ang status ng stories nila, o magbasa ng mga comments.
Pero siguradong kahit gaano pang kabusy ang isang wattpad writer ay binabasa pa rin niya at na-a-appreciate ng buong puso ang lahat ng komentong nababasa niya.
2) Walang Internet Connection
Hindi naman lahat ng nag-wa-wattpad ay mayaman. Karamihan pa nga sa mga nasa wattpad community ay nasa middle class lang. Hindi lahat may sariling computer o magarang android phone na pwedeng gamitin pang-update.
Ang iba ay kinakailangan pang mag-piso net para lang makapag-update ng stories kaya imbes na replayan ang mga readers eh nagta-type na lang ng stories para may mabasa ang mga readers.
Titingin din naman siya sa mga nagcomment sandali pero dahil ubos na ang piso niya ay hindi na niya magagawang mag-reply pa sa mga comment o sa chatbox ng facebook.
3) Super Slow
Sila naman iyong mga wattpad writers na may internet nga pero sing bagal naman ng pagong o kariton ang connection. Magki-click lang ng button na reply eh inabot na ng siyam-siyam bago mapunta ang mention sa comment box. Kaya sa sobrang bagal ng connection, minsan, ang reply nila ay nawawala pa. Kaya ang madalas na nangyayari ay tinatamad na silang umulit ulit kaya hindi na lang mag-re-reply.
4) Wala ng Tiwala
Let's say, sikat na author si idol. Maraming watty member ang gustong mapalapit sa kanya na may hidden agenda tulad ng pagpapabasa ng stories, pag-pa-follow back o promote ng kung ano-anong spam, etc.
Iisipin ni idol na gusto siyang kaibiganin ng mga ito pero sangkatutak na pagsasamantala lang pala ang habol ng iba kaya dahil dito ay nawawalan na tuloy siya ng tiwala
kaya hindi na siya masyadong nakikipag-close. Kung mag-reply man ay sobrang tipid naman. She thinks na karamihan sa mga watty member ay gagimitin lang siya o gustong maki-ride on sa popularity niya.
5) Snob talaga
Sila naman iyong mga authors na snob talaga at mga friends lang nila sa Wattpad ang kinakausap nila. Kadalasan sa kanila ay sikat talaga at sadyang wala na lang sa kanila ang comment, chat o pm na sine-send ng ibang readers kaya hindi na sila nagre-reply. Kumbaga, immune na sila sa kasikatan at hindi na sila uhaw sa atensyon.
6) Pihikan
Sila naman iyong mga authors na namimili. Re-replayan ka lang nila kapag may sense ang mga sinasabi mo. Bihira rin silang mag-comment sa story ng iba kasi para bang ayaw nilang bumaba sa level ng writer na mas konti ang followers kaysa sa kanila. Kadalasan din na ang mga binabasa nilang stories ay nagiging mabenta rin dahil sa kanilang komento.
7) User Friendly
Hindi naman yata mawawala ito. Iyong tipo bang akala mo close na kayo then all of a sudden, pagkatapos mong basahin ang mga stories niya, mag-comment at mag-vote eh no'ng sumikat lang siya ng kaunti ay hindi ka na niya kilala? Kumbaga, kung close kayo noon ay isa ka na lang sa mga fans niya ngayon.
8) Walang alam
Ito naman iyong mga authors na hindi aware na may mga comments na pala sa mga stories nila kasi hindi nila alam kung paanong tingnan. Karamihan sa kanila ay mga newbie na hindi alam ang pasikot-sikot sa Wattpad.
9) Tahimik lang talaga siya
Hindi naman sa snob ang author na ito. Wala lang talaga sa ugali niya ang makipag-usap sa hindi niya kilala. Nagbabasa siya ng mga comments at thankful sa mga iyon pero hindi siya nagrereply dahil talagang hindi lang siya sanay makipag-usap sa ibang tao.
10) Na-offend mo
Baka naman kaya hindi ka nire-replayan ay dahil baka may nasabi kang hindi maganda sa kanya? O kaya naman puro ka tanong ng assignment at paturo kung paano gamitin ang Wattpad kasi bago ka pa lang. Uso rin namang gamitin si Pareng Google. He-he-he...
Maraming readers ang hindi aware na kaya naman pala hindi sila pinapansin ng ibang authors ay dahil sila rin mismo ang dahilan.
11) Feeling close ka masyado
Nasa virtual world tayo pero hindi naman siguro ibig sabihin no'n na mawawala na rin ang kahihiyan natin sa katawan. Mag-set din ng limitation sa sarili at pakiramdaman ang idol mong author kung katulad mo ba ay itinuturing ka rin niyang kaibigan. Huwag ka agad hihingi ng pabor na kung ano-ano lalo at bagong kakakilala ninyo pa lang. Isa pang awkward moment ng isang author ay kapag tinatanong sila ng reader nila kung "pwede bang makipagkaibigan?" dahil ang pakikipagkaibigan ay hindi nasasagot ng isang tanong lang. May pinagdadaanan itong proseso para masabing totoo.
12) Nakakairita ka na
Ayos lang maging fan o followers pero huwag namang masyadong oa na tipong kung makasigaw ka kapag nakikita si idol ay para nang may nasunugan o para bang Diyos na ang kaharap mo at hindi tao.
Huwag masyadong hyper at kumalma ka lang.
13) Mabaho ka
Toothbrush at ligo din kapag may time.
Madalas na nangyayari ito kapag may mga Wattpad meet up na finally ay name-meet ng mga readers ang mga favorite authors nila ay nagkakaroon ng physical contact. Hindi lang masabi ni author pero sa totoo lang ay bahong-baho na siya sa 'yo. Kaya gagawin niya ang lahat maiwasan ka lamang. Ha-ha-ha!
Marahil ay marami pang ibang dahilan kung bakit hindi namamansin si idol pero kung anuman ang rason na iyon ay sana ay hindi iyon lang ang maging dahilan para hindi na tangkilikin ang mga gawa niya dahil ang ugali ng sinumang manunulat ay walang kinalaman sa obrang nililikha niya.
Huwag ding mag-jump to conclusion agad-agad kasi marami pa naman talaga tayong hindi alam na dahilan kung bakit hindi nag-re-reply o namamansin si author. Iyong ang iba roon ay mas mabigat pa pala na dahilan kaysa sa inaasahan natin kaya don't judge and call them snob dahil lang sa hindi ka pinansin.
Keep on reaching out and be patient. Anong malay ninyo, maging magkaibigan din kayo ng iniidolo mo?
l
BINABASA MO ANG
30. Cristina's Guide For Online Writing (PUBLISHED BY PSICOM)
Non-FictionMahilig ka bang magsulat pero hindi mo alam kung paano mo maipapakita sa buong mundo ang mga gawa mo? Gusto mo bang magkaroon ng publish book pero hindi mo alam kung paano mag-uumpisa? Sa librong ito ay marami kang malalamang iba't-ibang tips tungko...