Simula

2.7K 30 1
                                    

Dati, hindi ako naniniwala sa sinasabi ng mga tao na kahit ayaw mong gawin ang isang bagay, kahit na masama o maduming trabaho, gagawin mo pa rin dahil kailangan, kahit na labag sa loob mo. Malaki ang galit ko sa mga taong gumagawa ng krimen na kesyo ginawa lang daw nila yun para sa pamilya nila. Kalokohan. Isang malaking kalokohan lang iyon. Dahil kung gusto mo talagang iahon sa hirap ang pamilya mo, maghahanap ka ng marangal na trabaho.

Kapag nakakarinig ako ng mga babaeng handang ibenta ang katawan nila para magkapera dahil may binubuhay daw silang pamilya, naiinis ako. Ang unang pumapasok sa isip ko ang dumi nilang mga babae! Mga walang delikadesa! Mga bayaring babae! Mga walang kwenta!

Pero tingnan mo nga naman ngayon, kinain ko rin ang mga salitang ibinato ko sa kanila. Isa na rin ako sa mga marumi at bayaring babae. Tulad na ko nila ngayon. Parang kailan lang ang laki ng galit ko sa kanila hangang sa hindi ko namalayan na, narito na rin pala ako sa loob nitong nakakasulasok na lugar na ito kung saan madilim ngunit makikita mo ang pagliwanag ng mga mata ng mga lalaking narito kapag nagsimula ka nang sumayaw.

Haplos dito, haplos doon. Nandidiri ako sa sarili ko sa tuwing ginagawa nila iyon. Hanggang haplos lang ang kaya kong ibigay. Kahit na bayarin akong babae, hindi ako pumapayag na ibigay ng buo ang sarili ko. Hindi ko pa rin hahayaang mawala iyon sa akin. Dahil kahit na imposible, umaasa ako na may lalaking magmamahal sa akin sa kabila ng gawain kong ito. Umaasa ako na may lalaking magmamahal sa akin ng buong-buo.

Nang matapos sa pagsayaw sa harapan ay agad na akong pumunta sa dressing room ng bar na ito upang makapagpalit ng damit. Sa wakas ay makakahinga na rin ako ng maluwag dahil natapos na ang trabaho ko ngayon dito sa lugar na ito. Tinitigan ko ang sarili sa salamin.

Halos hindi ko makilala ang aking sarili dahil sa kapal ng kolerete ko sa mukha. Lagi ko iyong ginagawa para hindi ako makilala ng mga lalaking nagpupunta rito sa bar. At sa lahat ng nagiging interesado sa akin, iba't-ibang pangalan ang aking sinasabi upang hindi nila ako mahabol.

Dahan-dahan kong binura ang kolerete na nagmimistulang maskara sa totoong ako. Hanggang sa tuluyan ay nakita ko rin ang totong ako na nakaharap sa salamin. Isang simpleng babae na may malaking pangarap sa buhay at para sa kapatid niya ngunit malas ngang maituturing dahil hindi na iyon mangyayari pa. Dahil di hamak lamang siyang isang bayaring babae. Walang mararating sa buhay.

"Aia!" para bang bigla akong bumalik sa kasalukuyan ng marinig ang pagtawag sa akin ng isa kong kasamahan dito na naging kaibigan ko rin.

"B-bakit, Lorie?" tanong ko. Humahangos siyang lumapit sa akin. Mukhang itong kabado.

"Aia! Kailangan na nating tumakas! Ngayon na!" saad niya at hinila ako sa kamay. Hihilahin niya na sana ako palabas ngunit pinigilan ko siya.

"Lorie, ano bang nangyayari? Bakit parang kinakabahan ka? May nangyari bang masama?" magkaka-sunod kong tanong. Pati tuloy ako ay kinakabahan na rin dahil sa nakikita kong reaksyon niya ngayon.

"Papunta na ang NBI dito! Ire-raid nila itong bar! Huhulihin nila tayo! Kailangan na nating umalis dito bago pa sila dumating! Nasa labas na rin si Penny, iniintay ka! Tara na!" natatarantang sabi niya at saka ako hinila palabas ng dressing room.

"Paano mo naman nalaman na padating na dito ang NBI?!" pasigaw kong tanong kahit na hinihingal na ako sa pagtakbo.

Malapit na kami sa exit ng biglang may narinig kaming putok ng baril. Napasigaw ako sa takot at biglang napatakip ng tainga. Nagkagulo ang mga tao. Ang iba'y nagsisitakbuhan na at naghahanap ng malalabasan. Hindi ko namalayan na nabitawan na pala ako ni Lorie. Tatakbo sana muli ako nang masagi ako ng mga taong sunod-sunod na nagtatakbuhan. Ininda ko ang sakit ng paa ko dahil sa pagkakatapak. Muli akong nakarinig ng magkasunod na pagputok ng baril kaya mas lalo akong nakaramdam ng takot.

Sunod-sunod na pumasok ang mga armadong lalaki sa loob nitong bar. Agad akong naghanap ng matataguan. Bigla kong naalala ang pinto sa may likuran nitong bar kaya agad akong naglakad papunta doon. Hindi na ako makatakbo dahil iika-ika na ako.

"Aia!" napatigil ako sa paglalakad ng marinig ang pagtawag sa akin. Lumingon ako sa paligid at nakita ko si Penny na nasa gitna ng dagat ng mga tao.

"Penny! Nandito ako!" sigaw ko. Hindi niya ako narinig kaya patuloy lang siya sa pagsigaw.

"Aia! Nasan ka ba?!" sigaw nito.

"Penny!" sigaw ko. Lalapit na lang ako sana sa kanya ng mabunggo ako ng nagtatakbuhang mga tao kaya natumba ako at napaupo sa sahig. Patuloy lang sila sa pagtakbo at tila ba hindi nila ako nakikita na nasa daan nila. Natatapakan na nila ang paa at kamay ko pero wala silang pakialam.

Pilit kong binubuhat ang sarili ko patayo at nang magawa ay agad hinanap ng mga mata ko si Penny pero hindi ko siya makita.

Isisgaw ko sana muli ang pangalan ni Penny nang may maramdaman akong braso na pumulupot sa bewang ko at tinakpan ang aking ilong at bibig gamit ang isang panyo na may matapang na amoy ngunit hindi ko matukoy kung ano ito.

Nilingon ko ito. Ang una kong napansin ay ang suot niyang may nakatatak na NBI at ang dala niyang baril. Tila ba biglang bumagal ang pag-ikot ng mundo. Sa gitna ng dilim, nakikita ko ang kanyang mala-kulay abong mga mata na nakatutok sa akin. Ang kanyang matangos na ilong, ang perpektong pagkakahubog ng kanyang panga, ang kanyang manipis at mapang-akit na labi ay saktong-sakto para sa kanya na para bang isinisigaw na sa kanya lang nababagay ang ganun katipunong mukha.

Saka lang ako nabalik sa ulirat ng buhatin niya ako at saka nagsimulang maglakad papunta sa pintong nasa likuran nitong bar na dapat kong pupuntahan kanina.

Kahit na nanghihina dahil sa amoy ng panyo na itnakip niya sa akin ay pinilit ko pa rin ang sariling magpumiglas.

"Bitawan mo ko!" sigaw ko sa kabila ng pagkakatakip sa aking ilong at bibig. Hindi niya pinansin ang pagsigaw ko. Pinagpapalo ko na siya sa likod ngunit hindi niya pa rin ako pinansin hanggang sa makarating kami sa parking lot at agad niya akong isinakay sa isang kulay itim na kotse at tinaggal ang panyong nakatakip sa akin kanina. Isinakay niya ako sa backseat at saka naupo sa tabi ko. Bumungad sa akin ang dalawa pang lalaki na naka-uniporme din na katulad ng suot niya.

"Natagalan ka ata, Ali?" tanong ng lalaking nasa may driver's seat.

Isang buntong-hininga ang pinakawalan niya bago sumagot.

"Just drive." malamig na saad nito. Nakasandal ito sa backrest ng kotse habang nakapikit na tila ba ito'y pagod na pagod.

"Baka naman nambabae ka pa sa loob?" natatawang sabi ng isa pang lalaki na nasa passenger's seat. Parehas silang natawa ng katabi niyang lalaki sa unahan.

Ano ba talagang nangyayari? Bakit nila ako kinidnap?!

"Saan niyo ko dadalhin?!" kahit na natatakot ay naglakas-loob pa rin akong magtanong. Biglang napalingon ang dalawa sa akin. Ngayon lang ata nila naalala na may kasama pa silang iba.

"Hi, Ms. Thraia Grabriella Fortunato."

Napakunot-noo ako. Paano nila nalaman ang pangalan ko? Pero, bakit Fortunato? Hindi yun ang apelyido ko!

"H-hindi Fortunato ang apilyido ko? Saka paaano niyo nalaman ang pangalan ko?!"

"Malalaman mo rin, Ms. Fortunato." nakangising sagot ng nasa driver's seat bago pinaandar ang sasakyan.

Ano bang pinagsasabi nila?! Paano ako naging Fortunato?

Pero bago pa ulit ako makapagtanong ay unti-unti nang nagdilim ang aking paningin. 

The Light in the DarknessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon