Chapter 5
[Sari's POV]
—After One Week—
Lunes ngayon at unang araw ng klase. Maaga akong gumising gaya ng nakasanayan, dahil ako ang nagluluto at gumagawa ng iba pang gawaing-bahay tuwing umaga.
Pagkatapos ihanda ang almusal sa kusina, nagtungo naman ako sa sala para yayaing kumain si Auntie Rebecca.
Nadatnan ko siyang nakaupo sa sofa habang nagkakape at nagbabasa ng diyaryo.
"Nakahanda na po ang almusal," magalang kong sabi sa kanya.
"Mauna na kayo ni Renren. Mamaya pa ako kakain." Hindi man lang siya nag-angat ng tingin at nakatutok lang sa binabasang pahayagan. "Si Gwen, gising na ba?"
"Tulog pa po," maikling sagot ko.
First year college na sana ngayong pasukan si Gwenneth. Kaya lang, inabot na naman ng aburido matapos 'di masunod ng magulang namin ang luho nito. Gusto kasi nitong sa Southern Yale University mag-aral. Eh hindi namin kaya ang mahal ng tution sa private school na 'yon.
"Aalis ako mayamaya. Inimbitahan ako ng kumare kong mag-majong sa kanila," saad niya.
"Sige po." Tatalikod na sana ako nang muli siyang nagsalita.
"Siya nga pala..." Seryoso siyang tumingin sa akin. "Uuwi ang tatay mo galing Riyadh sa susunod na buwan. Pinayagan siya ng amo niyang magbakasyon."
Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman sa ibinalita niyang iyon. Mahigit tatlong taon na ang nakakalipas nang huling umuwi si Papa.
"Alam mo na ang kailangan mong gawin kapag nandito siya," nakataas ang kilay na sabi niya.
"Opo." Tumango ako.
"May mga bagay na dapat at hindi dapat malaman ni Ysmael," makahulugan niyang pahayag bago humigop ng mainit na kape.
Hindi ko na siya sinagot sa puntong iyon ng aming pag-uusap. Mas gugustuhin niya pang talikuran ko na lang siya kaysa isumbat ko pa sa kanya ang mga kasinungalingang pinaggagawa nilang mag-ina.
***
Pagkatapos naming mag-agahan, hinatid ko na si Renren papunta sa bahay ni Nay Carlota. Sa kanila ko ipinagkakatiwala ang bata kapag wala ako sa bahay.
"Magandang umaga po," nakangiti kong sabi.
