Chapter 3
[Sari's POV]
"Pangalan?"
"Sari..."
"Anong kumpleto mong pangalan?"
"Rosario Sagrado po," nakayukong sagot ko.
"Ang banal pala ng pangalan mo. Rosario Sagrado, sa Ingles sacred rosary. Ang dapat sa 'yo, mag-madre at pumasok sa kumbento. Hindi 'yong nagiging problema ka ng lipunan," mahabang sermon ng tanod na si Mang Pablo. Napag-alaman ko kaninang siya pala ang lider ng mga tanod sa barangay Commonwealth.
Kakatapos lang nilang panoorin ang video na galing sa dashboard camera ng lalaking ninakawan ko. Nakunan nga rito ang eksaktong pangyayari — nakatayo ang lalaki sa harap ng kotse, bigla akong lumapit at hinablot ko ang cell phone niya.
"Ilang taon ka na ba? tanong sa akin ni Mang Pablo.
"Twenty years old po." Nakaupo ako sa tapat ng mesa nito habang kinukunan ng salaysay.
"Saan ka ba nakatira?"
"Sa Batasan Hills, Quezon City." Isinulat niya sa logbook ang naging sagot ko.
"May mga kasabwat ka ba sa pagnanakaw? Miyembro ka ng mas malaking sindikato?"
"May mga kakilala po ako, pero kanya-kanya kami ng diskarte. Ayaw ko po kasi ng may kahati sa komisyon," pag-amin ko.
"Tsk! Tsk! Alam ba ng mga magulang mong nasasangkot ka sa ganitong krimen?"
"Nasa Riyadh, Saudi Arabia po ang tatay ko. Ang mama ko, namatay noong maliit pa lang ako. Madrasta at anak niyang babae lang ang kasama ko sa bahay. Wala naman silang pakialam sa 'kin."
"Sige, doon ka muna at kukunan ko rin ng salaysay ang biktima mo." Inutusan ako nitong umalis muna sandali sa harap nito.
Saka lang ako tumayo at nag-angat ng mukha. "Ay, sorry po..." Muntik ko pang mabunggo ang lalaking inagawan ko ng cell phone.
"Sari, halika rito." Tinawag ako ni Kagawad Linda, kaya agad akong lumapit sa kanya.
Nakatayo siya at nakadungaw sa labas ng bintana.
"Wala ka ba talagang ideya kung sino ang lalaking ninakawan mo?" nakakunot-noo niyang sabi.
