Chapter 10
[Sari's POV]
"Ang aga mo naman. Mamaya pang 5 p.m. ang pasok mo," sabi ni Queeny nang makasalubong ko. Isa sa siya mga waitress ng Navillera.
"Maaaga kasing na-dismiss ang klase namin ngayong hapon," paliwanag ko.
Wala ang last subject professor namin, kaya imbes na maglakwatsa sa labas ay tumuloy na ako rito.
"Oh siya maiwan na kita. Marami pa akong aasikasuhing customer," paalam niya bago umalis.
Ako naman ay dumiretso na lang sa resting area. May nakalaan na lounge para sa aming mga empleyado. Dito ay pwede kaming magpahinga at tumambay habang 'di pa oras ng trabaho.
Habang hinihintay ang pagpatak ng alas-singko ay inabala ko na lang ang sarili ko sa panonood ng pelikula sa malaking flatscreen TV na ginagawa ring libangan ng ibang mga kasamahan ko sa trabaho. Foreign film ang palabas at ipinakita rito nang mapadpad ang bidang magkakabarkada sa Bali, Indonesia. Infairness, maganda ang scenery ng lugar.
Sa panonood nito ay may naisip tuloy akong eksena na pwede kong idugtong sa sinusulat kong nobela.
Ano kaya kung magbakasyon din kunwari ang mga bida ng istorya ko? Kailangan kasi sa plot na magkaroon ng intimate moment ang dalawa.
Tama! Gagawin kong sa Coron Palawan. Taga-roon si Tammy at lagi niyang ipinagmamalaki sa akin na maganda ang lugar nila.
Dali-dali kong kinuha ang notebook sa aking back pack. 'Di ko pinapalagpas kapag ganitong gumagana ang imahinasyon ko. Kailangan ko nang isulat bago ko pa makalimutan ang tagpong nasa isip ko.
Pagkakuha ng notebook at ballpen ay lumipat ako sa pinakadulong puwesto ng mga silya at naupo ako rito. Gusto ko kasing mapag-isa at malayo sa istorbo kapag nagsusulat.
"Ate Sari!"
Kakasimula ko pa lang sa pinakaunang letra ay narinig ko nang may tumawag sa pangalan ko.
Lumingon ako at nakita kong papalapit sa akin si Yehana.
Mabilis kong itinago ang notebook sa likod ko. Sobrang kulit pa naman ng batang 'to. Gustong pakialaman maski anong gamit na makakuha ng atensyon niya.
Naalala ko noong nakaraang linggo, napagdiskitahan niyang hiramin ang cell phone ko. Ibinigay ko naman. Ang kaso pagsauli niya, puno na ng sandamakmak na selfie. Naubos pa 'yong natitirang twenty pesos na load ko matapos niyang sendan ng blank messages ang mga numero sa phonebook ko.
"Hi! Kumusta?" nakangiti kong bati. Hinila ko ang silya sa harap ko at pinaupo siya.
Pinagmasdan kong mabuti ang kanyang mukha. Kahit makulit siya ay sobra naman akong naaaliw kay Yehana. Ang cute kasi ng dimples niya, tapos medyo singkit pa ang mga mata.
