Chapter 14
[Sari's POV]
"Ate!" Sinalubong ako ni Steffi sa lobby ng Neon Publishing.
"Pasensiya ka na kung natagalan ako. Kararating lang kasi ng editor," paghingi ko ng paumanhin. Halos isang oras din kasi siyang naghintay sa akin.
"It's okay," nakangiting tugon niya habang panay ang pindot ng cellphone.
Kapansin-pansin na hati ang atensyon niya sa pakikipag-usap sa akin at sa pag-reply sa ka-text.
"May problema ba?" tanong ko.
"Yung friend ko kasi ini-invite ako. May party raw sa kanila mamayang 7 p.m." Nalilito siya kung anong gagawin.
"Agahan na lang nating umuwi para makapunta ka," suhestiyon ko sa kanya.
"Oo nga, eh. Pero pwede mo ba akong samahan mag-shopping? I have to buy new dress," nag-aalangan niyang sabi.
"Sure, walang problema," pagpayag ko. Nagtiyaga siyang maghintay sa akin, kaya nakakahiya naman kung hindi ko siya sasamahan ngayong siya naman ang may kailangang gawin.
"Tara, nasa parking lot ang kotse ko," yaya sa akin ni Steffi. Pagkaraan ay magkasama na naming tinungo ang sasakyan niya.
"Isa-save mo ba sa bank 'yong mga kinita mo thru publishing your stories?" tanong niya habang nasa biyahe kami.
Kapwa kami nakaupo sa backseat, habang nagmamaneho ang drayber niyang si Mang Caloy.
"Pag may natira siguro ilalagay ko sa bangko. Pero nakalaan na talaga 'yon sa pagpapagamot ng anak ko," matapat kong saad.
"May anak ka na?" nanlulumo niyang reaksyon. Tila hindi niya inaasahan ang sinabi ko.
"So, may asawa ka na? I thought dalaga ka pa. Nasaan 'yong husband mo?" magkakasunod niya pang tanong sa akin.
"Ano... Ewan ko do'n, naglaho na parang bula. Pwede ba 'wag na natin siyang pag-usapan?" hiling ko sa kanya.
"Sorry, masyado akong pakialamera. Akala ko kasi may magagalit," pabitin niyang sabi.
Dahil doon ay nagtaka ako. "Magagalit saan?"
"Ah, wala! Wala!" Panay ang iling niya.
Bakit ba nagpa-panic siya? Tinatanong ko lang naman kung tungkol saan ang sinabi niya.
"Ikaw? Magkuwento ka naman ng tungkol sa iyo, sa pamilya o sa mga kapatid mo," paglilipat ko ng topic sa kanya.
