Chapter 4

3.1K 196 24
                                    


Chapter 4


[Sari's POV]


Mabilis akong naglakad papunta sa gate ng bahay namin. Sampung minuto na makaraan ang alas-dose, pero magbabaka sakali pa rin akong nakabukas iyon.


Paglapit ko ay sumilip ako sa loob. Nakahinga ako ng maluwag nang makitang hindi pa ito naka-padlock. Salamat at umiral na naman ang katamaran ng stepsister kong si Gwenneth.


Dahan-dahan kong itinulak ang gate na gawa sa rehas na bakal. Nag-iingat na lumikha ito ng ingay at marinig ako ni Auntie Rebecca.


Dumiretso agad ako sa pintuan namin sa kusina at doon ako dumaan papasok sa bahay. Pagkatapos ay maingat ang bawat hakbang na tinungo ko na ang kwarto kong nasa ikalawang palapag.


Bago makapanhik sa taas ay nadaanan ko si Gwen na nakatalikod at nakahilata sa sofa. Hatinggabi na, nanonood pa rin siya ng TV. 


Nakapatay na ang ilaw sa buong bahay at tanging liwanag mula sa telebisyon ang nagsisilbing ilaw sa paligid.


Tiyempo namang lumabas ng master's bedroom ang madrasta ko. Karugtong lang ng sala ang kwarto nito, kaya si Gwenneth ang agad nitong nabungaran.


Pansamantala akong nagtago sa likod ng hagdan, dahil tiyak na makikita ako nito 'pag itinuloy ko ang pag-akyat.


"Si Sari ba umuwi pa?" Naka-damit pantulog na ito at halatang bumangon lang ulit para tanungin si Gwen. Iyon lang naman kasi ang pinaka-aabangan nila. Ang kusa na akong hindi umuwi at tumuntong ulit dito sa bahay.


"Si Renren?" dagdag na sabi ni Auntie.


"Hinatid siya ni Aling Carlota kaninang alas-nuwebe." Ang tinutukoy ni Gwen ay ang nanay ng kaibigan ko na siyang nag-aalaga kay Renren kapag wala ako.


"Kung hindi ba naman kasi maagang lumandi ang anak ni Ysmael. Dise-sais anyos pa lang, nagpabuntis na agad. Tapos ngayon, iaasa sa ibang tao ang pag-aalaga ng anak niya," kastigo ni Auntie Rebecca.


"I know, right? Kaya nga never akong gagaya do'n sa anak ni Daddy sa una niyang asawa," segunda naman ni Gwen.


Mas pinili kong balewalain na lang ang masasakit na salitang sinabi nila. Sanay na rin naman ako sa talas ng dila nilang mag-ina.


"Ang gate, sinara mo na?" kasunod na tanong ni Auntie Rebecca.


"Oo, Mommy, ni-lock ko na," pagsisinungaling ni Gwen. Sigurado kasing mapapagalitan siya ng nanay niya kapag nalaman nitong hindi niya pa talaga naisasara ang gate at nakapasok ako maski lagpas nang alas-dose.


"I-check mo nga ulit. Baka nakalimutan mong isara. Mamaya niyan, mapasok pa tayo dito ng magnanakaw," utos ni Auntie.

Taking ChancesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon