Chapter 13
[Sari's POV]
Kakapasok pa lang ni Steffi sa entrance door ng Navillera ay ako agad ang masayang binati niya "Ate Sari!"
Simula nang malaman niya na ako ang writer ng paborito niyang wattpad story ay gumanda ang pakikitungo niya sa akin. Hindi naman sa sinasabi kong masama ang ugali niya. Minsan kasi parang hindi niya pansin ang presensiya ko sa paligid niya. Kung dati hanggang pagbati ng good morning at good afternoon lang ako sa kanya. Ngayon, parang isang malapit na kaibigan na ang turing niya sa akin.
"Hi, Steffi!" Naasiwa pa ako nang maalalang may hawak nga pala akong floor mop. Itinabi ko muna ito saglit sa isang sulok.
Akmang hahawakan niya ang kamay ko, kaya ipinahid ko ang mga palad ko sa suot kong apron.
Masayang ginagap niya ang kamay ko. "I read your announcement in wattpad. I'm so happy for you! Finally, mapa-publish na rin ang book mo. Congrats, Ate!" tuwang-tuwa niyang sabi.
"Thank you," sagot ko sa kanya. Utang na loob ko sa mga readers na gaya niya ang tagumpay ng story ko.
"Ate, kumusta ang contract n'yo? Binili ba nila ang copyright ng story mo? I heard from other authors na dapat printing rights lang ang ibenta kapag magpa-publish ng books," paalala niya sa akin.
"Printing rights lang ang binayaran nila. Pinapapunta nga ako sa Biyernes para mag-claim ng tseke,"tugon ko.
"You're going to Neon Publishing? I know where their office is located. Gusto mong samahan kita? Pagkatapos, kain tayo sa labas. Ilibre mo ako," yaya sa akin ni Steffi.
Nagsalubong tuloy ang mga kilay ko. Kung sino pa ang anak-mayaman, siya pa ang magpapalibre. Porke, nabanggit kong may kukunin akong paycheck.
"Just kidding," bawi ni Steffi sa sinabi. Napansin niya sigurong nakasimangot ako.
"Punta tayo sa favorite kong restaurant. My treat," dagdag niya. Buti naman, nagbibiro lang pala.
"Okay, sige," pagpayag ko. Masamang tumanggi sa grasya. "Magkita na lang tayo ng Biyernes ng hapon."
"Sure. Text na lang kita, Ate." Kinuha niya sa loob ng bag ang cellphone at hiningi ang number ko.
Mayamaya pa, napadaan sa kinaroroonan namin ang supervisor kong si Ma'am Agnes at nakita nitong nakikipag-usap ako kay Steffi. Hala! Baka isipin nito na nakikipagtsismisan lang ako sa oras ng trabaho.
"Sige na. May trabaho pa ako," pasimple kong itinaboy papalayo si Steffi.
"Oh, I forgot." Saka niya lang naalala na naka-duty pa ako.
"I'll get going." Habang naglalakad siya paalis ay nakasalubong pa niya ang supervisor ko na papalapit sa akin.
