PROLOGUE

26 2 2
                                    

PROLOGUE

Jamillah's Point of View




Dahan-dahan akong umkyat sa tatlong baitang papunta sa pinto ng bahay namin. Kadalasang walang tao kapag Sunday kaya baka wala si Manang Cecilia kasi day-off niya, at kung wala si Manang Cecilia wala rin siguro si Ate Terry na isa pang kasambahay. Ibig sabihin walang magbubukasng pinto para sa'kin. Sinilip ko ang katabing paso ng pinto. Doon ko nakita ang hinahanap ko, ang susi ng bahay.

Nang makapasok ako, agad kong binuksan ang switch ng ilaw na nagpakita sa'kin ng walang lamang bahay kundi ako. As usual, si Mommy, nagtatrabaho na naman. Nagtatrabaho na siya sa City Hall ngayon, dito sa bagong lugar na pinuntahan namin matapos ang insidenteng 'yon. Kung may malaking epekto man kay Mommy ang mga nangyari, iyon ay mas lalo siyang naging over protective sa akin. Naiintindihan ko naman siya pero nami-miss ko na rin kasi si Karlie minsan.

Kamusta na kaya ang isang 'yon? Mas matangkad na kaya siya sa akin? Nakikita ko lang ang mga pictures niya ngayon through facebook. Minsan nagkaka-chat kami pero puro kamustahan na lang. Wala nang kwento, tawanan, kulitan, takutan. Parang normal na lang sa amin 'yong gan'on ngayon kaya medyo nakakalungkot din. May mga bago naman akong mga kaibigan ngayon kaso nakaka-miss kasama si Karlie saka si Jonel.

Si Jonel...

Hanggang ngayon sinisisi ko pa rin ang sarili ko sa nangyari sa kanya. Paano kaya kung hindi ko ginawa ang ganito, ang ganyan? Buhay pa kaya siya hanggang ngayon? Minsan kapag matutulog ako sa gabi, naiisip ko siya at bigla na lang akong naiiyak sa sobrang pagka-miss sa kanya at sa sobrang guilt. Sinabi ko 'to sa mga kaibigan ko, pero hindi buong detalye, at ang payo nila ay patawarin ko na raw ang sarili ko dahil naging insrumento lang ako para mangyari ang mga 'yon.

Iniisip kong tama sila pero mahirap ialis ang gan'ong pangyayari sa utak ng isang tao. Hindi ko alam kung masasanay pa ba ko.

Dumiretso ako sa kusina at kumuha ng tubig sa ref. Grabe 'yong uhaw ko. Galing kasi ako sa practice namin sa volleyball. Active ako ngayon sa sports para ma-divert ang isipan ko sa mga bagay na gumugulo sa isip ko. Simula sa stress dahil sa mga thesis, exams, at mga pangyayaring hindi ko makalimutan, dapat lang sigurong maging busy ako para hindi ko maisip lagi.

Nang makakita rin ako ng makakain at mauulam, sumandok na rin ako ng maraming kanin. Siguro after nito magpapahinga ako saglit at matutulog. Wala pa naman si Mommy at baka may dala na siyang dinner mamaya kapag umuwi na siya.




BUSOG AT INAANTOK akong pumanhik papunta sa kwarto ko. May apat na kwarto sa bahay. 'yong dalawa ay nasa ibaba, ito 'yong maid's quarters at isang maliit na kwarto para sa mga bibisita. Ang dalawang kwarto naman ang para sa amin ni Mommy, sa kanya 'yong nasa tapat ng kwarto ko, ang Master's bedroom. Hindi naman kalakihan ang bahay kasi ayaw ni Mommy na aalog-alog kami sa kaunti ng tao pero malaki ang bahay. Kaya mas pinili niya na lang ang mas maliit pero mas kumportable.

May sarili rin akong susi sa kuwarto ko. Iniiwan kong laging naka-lock 'to kaya nagtaka ako nang makitang nakaawang ang pinto ng kwarto ko. Pinasok agad ng kaba ang sistema ko. Hindi kaya may nakapasok na magnanakaw sa bahay? Pero sarado ang pinto sa baba nang pumasok ako. Wala rin naman akong napansin na bukas na bintana.

Tatawagan ko ba si Mommy? O kaya 'yong mga pulis na? Pero hidi pa ko nakakasiguro kung magnanakaw nga ang nasa kwarto ko.

Kinakabahan man, unti-unti akong lumapit sa nakaawang na pinto. May narinig akong mga paggalaw na senyales na may tao nga sa loob. Pinakinggan kong mabuti ang ginagawa ng kung sinumang nasa loob. Tumutugtog nang mahina ang speaker sa apat na sulok ng kwarto ko.




Ba't 'di papatulan

Ang pagsuyong nagkulang

Tayong umaasang hilaga't kanluran




Shit. Kung magnanakaw 'to bakit pa niya maiisipang magpatugtog? Patuloy kong pinakinggan ang loob ng kwarto. Naririnig ko ang mga yapak niya, tila may kung anong ginagawa. Dahil sa kagustuhang makita kung anong ginagawa ng tresspasser sa kwarto ko, naglakad pa ako ng kaunti para makasilip sa uwang ng pinto.

Sa una'y kumunot ang noo ko dahil ang nakita ko ay isang maputing babae na halos kasing-tangkad ko, sumasayaw siya sa saliw ng tugtog habang sumasabay sa kanya ang hanggang bewang na itim na itim na buhok. Nakatalikod siya sa akin kaya hindi ko makita ang mukha niya. Iisipin ko na sana na may multo sa kwarto ko pero dahil nakasuot ang babae ng isang t-shirt na kulay maroon at isang maikling shorts, agad kong isinantabi ang posibilidad na 'yon. May multo ba kasing nakasuot ng gan'on?

Pero ang suot din ng babaeng nagsasayaw sa kwarto ko ang dahilan kung bakit bumalik ang kaba ko.

Bakit suot niya ang mga damit ko?

Tiningnan ko ang sarili ko at nakita ko nga ang mga damit ng babae na suot-suot ko rin! Basa pa ng pawis ang maroon kong t-shirt at lumilis ng kaunti paakyat ang shorts ko dahil sa paggalaw. Nang iangat ko ang mga mata ko para sumilip muli sa siwang ay nanlaki ito.

Dahil nakaharap na sa akin ang babaeng may katulad kong damit, at may katulad ko ring mukha. Kamukhang-kamukha, habang nakangising sumasabay sa kanta, gamit ang boses ko.




Ba't 'di papatulan

Ang pagsuyong nagkulang

Tayong umaasang hilaga't kanluran...




To be continued...

Note: Sorry sa mga madi-disappoint ngayon pa lang. After so many years ngayon lang po ulit ako susulat. Sana magustuhan n'yo ang bagong kabanata ng buhay ni Jam! Kampay!

Song used: Tadhana by Up Dharma Down <3

WEBCAM GHOST STORY (Book 1 and Book 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon