Chapter 3

219K 10K 5.3K
                                    


TINANGHALI yata ako ng gising. Mataas na ang sikat ng araw nang magmulat ako.


Patakbo akong lumabas ng kwarto. Nadatnan ko si Lola Soler na nakatanghod sa isang larawan na nakasabit sa pader. "G-good morning po."


Hindi niya ako tinapunan ng tingin nang magsalita siya. "Tanghali na."


Napatingin ako sa bintana. Masyado ng maliwanag para sa umaga ang sikat ng araw. "S-sorry po, na-late ako ng gising."


"Puyat ka?" Nakabaling pa rin ang tingin niya sa picture.


"A-ah..." Hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag ang dahilan. Hindi kasi ako nakatulog sa nabasa ko sa aking notebook na isinulat ni Klay.


Tinalikuran ako ng matanda. "Ako na ang nagpakain sa asawa ko."


"P-po? Eh, si Klay po?"


"Napakain ko na rin."


"P-pupuntahan ko po ba iyong ika-anim na kwarto?" nag-aalangan kong tanong.


"Wag na. Inasikaso ko na rin iyon kanina."


"A-ano po ang pwede ko pang gawin?"


"Magpahinga ka na lang ngayong araw na ito."


"P-po?" Buong araw na wala akong gagawin?


Nilingon niya ako. "Iyong bilin ko sa'yo. Wag na wag kang lalabas ng kwarto mo kapag madilim na."


Pagkasabi'y naglakad na siya palayo.


Napailing ako. Gusto ko pa naman sanang kausapin si Klay ngayong araw na ito. Marami pa akong tanong sa kanya. Bakit ba ganun ang isinulat niya?


'Mamamatay ka.'


Ipinilig ko ang aking ulo. Dahil sa isinulat niyang iyon ay hindi ako nakatulog. Natatakot ako. O baka naman pinagti-tripan niya lang ako. Minsan na kasing nasabi sa akin ni Green na maloko raw ang kuya niya.


Pero ano nga ba iyong picture na ito na nakasabit sa pader? Bakit naabutan kong pinakatititigan ito ni Lola Soler?


Larawan iyon ng dalawang matanda. Isang matandang lalaki na nakatayo, at isang matandang babae na nakaupo. Magkahawak kamay ang dalawa.


Sino kaya ang mga ito?


Ang matandang lalaki ay may puting bigote at balbas. Nakasuot ito ng barong na puti. Ang matandang babae naman ay may glasses. Kulay puti ang buhok at may manipis na mga labi.


Sa hitsura nila ay ka-edaran nila sila Lola Soler at Lolo Saul. Tiyak na mga kabigan nila ang dalawang ito. Dahil sa tabi ng larawan nila ay naroon naman ang picture nilang dalawa na halos hindi nagkakaiba ng pwesto. Ang kaibahan lang sa larawan nila ay nakaupo si Lolo Saul, at si Lola Soler naman ang nakatayo.

Casa Inferno (The heart's home)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon