Chapter 22

164K 8K 3.1K
                                    

Chapter 22


Diary ni Corazon, Nilalaman:

"Magandang araw po, Doña Soler," ito ang bungad ko sa matandang nakaupo sa wheelchair na sumalubong sa amin mula sa pinto.

Sa likuran ko ay naroon si Rogelio, ang aking asawa. Bahagya itong yumuko nang lumapit sa amin si Doña Soler. "Maganda araw po, Doña Soler."

Ngumiti sa amin ang doñang may lahing Kastila. "Ikaw ba si Corazon Candelaria?"

"Opo." Bagamat hindi nalalayo ang edad naming dalawa ay pinili ko na lang na igalang siya. Hindi naman kasi lingid sa aming kaalaman, kasama ng aking mga kababayan, na ang mga Castellano ay isang maharlikang angkan. Ilag sila sa mga tao dahil masyado silang mga metikuloso, alta at ang mayayaman talaga ay may mga sariling mundo.

"Good. Halika't tumuloy kayo," anyaya niya sa amin matapos pagulungin ang gulong ng kanyang wheelchair papasok sa sala. 

Kapwa kami napangiti ni Rogelio nang matanggap namin ang paunlak ng doña.

"Have a seat," anang doña nang makalapit kami sa bagama't mukhang antique ay pihadong mamahaling sofa.

Mabait naman pala siya, hindi kagaya ng usap-usapan  sa bayan na suplada si Doña Soler. Siguro ay nabuo lang talaga ang chismis na iyon dahil nga sa napakabihira nilang makita ang  doña dahil may kalayuan sa kabihasnan ang kinaroroonan nitong casa. 

"Salamat po." Maingat ako umupo doon na para bang ayaw kong magasgasan kahit konti ang magandang sofa.

"Napakaganda po ng mansin niyo, Doña Soler." Nakangiti si Rogelio habang napapalingap sa paligid.

"Salamat." Biglang sumeryoso ang mukha ng ginang. "Alam niyo na siguro kung ano ang dahilan kung bakit kayo narito?"

Magkapanabay kaming tumango ni Rogelio.

"Kailangan din po namin ng trabaho, Doña Soler, kaya po kami nandito. Huwag kayong mag-alala, kahit kami'y may edad na, masisipag pa rin kaming mag-asawa."

Kinuha ng matanda ang aking kamay. "Handa akong magbayad ng malaki." May sigla sa tinig niya.

Mahina kaming napahalakhak ng asawa ko. Hindi naman talaga namin kailangan ang malaking pera, wala naman na kasi kaming binubuhay na pamilya. Kami na lamang ni Rogelio ang magkatuwang sa buhay, at ang tanging nais na lang namin ngayon ay kumita para sa aming pangangailangan.

"Oh, paano. Halika na para makilala niyo na si Klay, ang apo naming mag-asawa. Narito siya ngayon sa amin," ani Doña Soler sa amin.

Halos sabay pa kaming tumango ni Rogelio. "Sige po."

"Saul!" Sigaw ni Doña Soler.

Mayamaya lang ay sumulpot si Don Saul mula sa kusina. Nagpupunas ng kanyang kamay ang don. Ngumiti ang matandang lalaki nang makita kami. "Oh, you're here already."

Lumapit agad siya sa amin at kinamayan kami.

"Magandag araw po, Don Saul," bati sa kanya ng aking asawang si Rogelio.

"Hmm... ang laking tao pala nitong si Rogelio." Tiningala ni Don Saul ang asawa ko.

Ngumiti si Rogelio matapos mapayuko. Kahit kasi malaking tao itong asawa ko, mahiyain talaga ito.

"Hindi naman siguro nalalayo ang edad natin, ano?" sabi pa ni Don Saul bago napahalakhak.

"Oh, siya, halika na. Dalhin na natin sila kay Klay," singit ni Doña Soler.

"Mabuti pa nga." Lumapit si Don Saul sa wheelchair ni Doña Soler at itinulak ito.

Sumunod kami sa dalawa.

Casa Inferno (The heart's home)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon