Chapter 14
PADASKOL kong binuksan ang pinto ng kwarto papasok. Nanginginig akong dumeretso sa aking aparador. Katatapos lang ng pakikipag-usap ko kay Green sa cell phone.
Sariwa pa sa isip ko ang mga sinabi niya. Si Lolo Saul daw ay hindi si Lolo Saul. Si Lola Soler ay hindi si Lola Soler. Kung ganon ay sino ang dalawang matandang ito na kasama namin?
Nasaan ang tunay na Lolo Saul at Lola Soler?
Dinampot ko ang aking damit at inihagis sa kama. Sa ilalim ng aparador ay hinila ko ang aking bag at marahas itong binuksan. Isinalampak ko sa loob nito ang lahat ng aking madampot. Sa sobrang takot ay hindi ko na alam ang aking ginagawa. Basta ay natatandaan ko lang ay kailangan kong mag-empake.
Kailangan kong makaalis dito, kailangan kong nakatakas dito!
Kulang na lang ay suntukin ko ang sarili ko. Bakit nga ba nag-stay pa ako dito gayung nararamdaman ko na parang may mali? Ang tanga ko! Sana noon pa lang ay nakinig na ako sa mga banta ni Klay sa akin!
Napakurap ako.
Si Klay?
Natutop ko ang aking bibig. Ipinilig ko ang aking ulo.
Bakit nga ba? Dahil hindi ko maiwan si Klay? Pero sino ba siya? Ilang linggo ko pa lang siyang kilala, di ba? Bakit ako mag-aalala sa kanya?
Nagpatuloy ako sa pag-e-empake. Kahit nanginginig ang mga kamay ko ay binilisan ko ang aking pagkilos. I have to go. I need to go home. Bahala na kung saan kami magkikita ni Green. Ang mahalaga ay makaalis ako dito bago magdilim.
Hindi na ako nag-abala na ligpitin ang ibang gamit ko. Sayang lang ang oras ko kung gagawin ko pa ito. Isa pa, wala na ako sa sarili. Wala akong ibang nasa isip kundi ang makaalis sa lugar na ito.
Hindi na ako nagpalit ng damit. Naihalo ko nga yata sa loob ng bag ang malinis at maruming damit. Bitbit ang aking bag ay patakbo akong lumabas ng pinto. Naibagsak ko lang ito sa sahig nang may bumungad sa harapan ko.
"Saan ka pupunta?" Tanong ni Lola Soler.
Napaatras ako.
Shit!
Napatingin siya sa bag. "Aalis ka?"
Umiling ako. "H-hindi po..." Tagaktak ang pawis ko.
"Bakit ka may dalang bag?"
Napalunok ako. Kalmado kuno na nilapitan ko ang bag ko. "I-inilagay ko po dito maruruming damit ko. P-plano ko pong labhan bukas." Ginalaw ko ang zipper ng bag matapos kong lumuhod sa haraan nito.
Nakatitig lang siya sa akin. Pormal na pormal ang kanyang itsura. Hindi ako makatingin sa kanya. Isang tanong niya pa ay bibigay na ako.
Narinig ko ang pagsikip ng kanyang paghinga. Lagot!
May inilabas siyang kutsilyo mula sa kanyang likuran!
Namanhid ang aking katawan kaya hindi ako makakilos. Parang tinakasan ako ng lahat ng pakiramdam. Tanging utak ko na lang ang gumagana. Tinitimbang ko ang kanyang galaw kung saan niya ako sasasaktan. Ang pinakamalapit na posibilidad ay sa ulo. O pwede ring sa leeg, o sa sentido.
Napapikit ako.
"Gamitin mo ito." Sabi niya.
Napadilat ako. "P-po?"
"Iyong laundry area dito ay iginapos ko ng tali ang pinto. Gamitin mo ito para mabuwal iyon."
Namutla akong inabot ang hawak niyang kutsilyo.
"Bilisan mo. Baka abutin ka ng dilim," pagkasabi'y tinalikuran na niya ako.
Halos hindi ako makatayo nang mawala siya sa aking paningin. Tinubuan ako ng butil-butil na pawis. Hinugot ko ang aking cell phone mula sa bulsa. Walang signal. Green needs to know na paalis na ako dito sa casa.
Maingat akong bumaba ng hagdan. Nakaamba itong hawak kong kutsilyo sa aking dinadaanan.
Kailangan kong mag-ingat. Pihadong halang ang kaluluwa ng dalawang matandang ito. Nagawa nga nilang patayin si Aling Belen nang hindi nakokonsensya. Ako pa kaya na bago lang dito?
Nang matanaw ko ang pinto ay mabilis akong lumabas. Nakahinga ako nang maluwag nang patakbo kong narating ang gate. Napalingon ako sa mansyon. Hindi sinasadyang napatingin ako sa bintana sa kwarto ni Klay.
"Klay..." Namilog ang mga mata ko. Naroon si Klay at kumakaway sa akin?!
Kinusot ko ang mga mata ko para alamin kung tama ba ang aking nakikita. Pero tama nga ang nakikita ko ngayon, si Klay nga ang nasa bintana at nakatingin sa akin. He looks happy to see me outside, escaping.
Iiwan ko siya... iiwan ko siyang nag-iisa. Pero masaya siya na aalis na ako... masaya siya na magiging ligtas na ako. Kaya nginitian ko na lang siya kahit bahagyang bumigat ang aking dibdib.
"Hanggang sa muling pagkikita... Klay." Bulong ko. Pagkuwan ay nanakbo na ako palayo.
Subalit ilang hakbang pa lang ang nagagawa ko ay pumreno ako. Damn it! Ano na naman ba itong iniiisip ko?
Bakit iiwan ko si Klay? Bakit napakamakasarili ko?
Pikit-mata na nanakbo ako pabalik sa lumang casa. Wala rin akong alam kung bakit nagdedesisyon nang mag-isa ang aking mga paa.
Dumerecho ako sa kwarto ni Klay pag-akyat ko ng hagdan. Nadatnan ko siya doon na bakas sa mukha ang pagtataka.
"Let's go!" Hinihingal kong sabi sa kanya. "Sumama ka sa akin!"
Nakatanga lang sa akin ang guwapo niyang mukha.
Binuksan ko ang kanyang aparador at dinakot ang kanyang mga damit. "Nakausap ko na si Green. Kailangan na nating umalis dito,"
Inawat ako ng mainit niyang mga kamay. Umiling siya.
"What do you mean?" Inis na lingon ko sa kanya. "Si Green na mismo ang nagsabi sa'kin! Hindi si Lolo Saul at Lola Soler ang kasama natin!"
Napayuko siya at nag-iwas ng tingin.
"We need to go, Klay. Sasama ka sa'kin sa ayaw at sa gusto mo. Hindi kita..." Natigilan ako nang bahagya. "Kayang pabayaan..."
Napaangat ang kanyang mukha. Lumapit siya sa akin at kinuha ang aking kamay. May isinulat siya sa aking palad gamit ang kanyang daliri.
'G-O'
Tumango siya.
Umiling ako. "P-paano ka?"
Malungkot lang siyang umiling.
"I don't understand? B-bakit mo pipiliin na manatili dito?" Nabasag na ang boses ko. "M-mamamatay tao ang mga iyon!" Ang tinutukoy ko ay ang dalawang matanda. "B-baka nga pinatay na nila ang lolo at lola mo..."
Hindi siya umimik. Pinakikinggan niya lang ang sinasabi ko.
"P-please... Klay... sumama ka sa akin. H-hindi kita pwedeng iwan..." Naglandas na ang aking mga luha. "Hindi ko kaya..."
Tumingin siya sa akin at iniangat ang aking mukha. Marahan niyang pinunasan ang aking mga luha.
"Klay... H-hindi ko kaya kapag may nangyari sa'yo na masama..."
Hinigit niya ang aking leeg nang marahan palapit sa kanya. Inilagay niya ang aking mukha sa kanyang matigas na dibdib. Niyakap niya ako nang mahigpit.
Mahigpit na mahigpit. Pinapawi ng init na nagmumula sa katawan niya ang pangamba ko.
"A-anong ginawa nila sa pamilya mo? A-anong ginawa nila sa'yo..."
Kumalas siya sa akin at tumitig. Nakangiti ang mapula niyang mga labi habang nakatingin sa akin.
"B-bakit ka nagkaganyan... a-anong ginawa nila sa'yo?"
Mayamaya ay ngumanga siya. Ibinuka niya ang kanyang bibig nang pagkalaki-laki.
Napaatras ako. "D-Diyos ko..." Natutop ko ang bibig ko.
Lalo akong napaluha sa nakita ko.
Ang kanyang dila –
tinahi pala ito kaya hindi siya nakapagsasalita!
JAMILLEFUMAH
@JFstories
BINABASA MO ANG
Casa Inferno (The heart's home)
Paranormal"...and the devil fell in love with you, the way he loves hell." This novel is inspired by real events. Highest rank in horror: Top 1 Highest rank in Paranormal: Top 1