Chapter 11
BIGLANG bumukas ang pinto at hinablot agad ako ni Klay papasok. At mabilis niyang isinara ang pinto.
"Klay! Klay...!" Takot na takot akong napaiyak. Ni hindi ko namalayan na nakasiksik na pala ako sa matigas na dibdib ni Klay.
Lalayo sana ako dahil nakaramdam ako ng hiya sa kanya. Pero nakakulong na ako sa kanyang mga braso.
Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko. Bigla kasing nawala ang aking takot nang yakapin niya ako.
Kumawala ako sa kanya matapos kong pamulahan ng mukha. "T-thanks..." hinihingal na sambit ko. "Thank you..." maluha-luha ako.
Kalmado lang ang kanyang mukha habang nakatitig sa akin.
Napayuko ako bago ko siya tiningala. "M-may nakita akong tao dun..."
Nakatingin lang siya sa akin.
"H-hindi ko alam kung sino. P-pero wala siyang saplot sa katawan." Naluluha akong napakapit sa kanyang braso. "S-sino ang taong iyon? I-iyon ba yung laging kumakalampag sa pintuan ko? I-iyon ba yung dahilan kung bakit bawal akong lumabas ng gabi?"
Bumaba ang kanyang mga mata sa sahig. Mukha wala siyang maisasagot sa akin.
"H-hindi ko nakita ang mukha niya. H-hindi ko rin naaninagan kung babae ba siya o lalaki. Sino siya, Klay? A-anong kaya niyang gawin? N-nananakit ba siya?"
Humakbang siya at naglakad palampas sa akin. Bumalik siya sa kanyang kama.
Nilapitan ko siya. "Klay, ano ba?! Sino ang taong iyon?! Bakit siya nanggagambala tuwing gabi?"
Hindi niya ako inimik. Obviously ay wala na rin siyang balak sagutin pa ang mga tanong ko.
Naglakad ako gamit ang aking mabibigat na mga paa papunta sa pinto para buksan ito. Mabilis siyang nakalapit sa akin upang awatin ako.
"Please, sagutin mo ang mga tanong ko!" Tiningala ko muli siya. "Please..."
Umiling siya. Pagkatapos ay hinila niya ako sa kama. Napatanga lang ako sa kanya.
Saglit niya akong tinitigan saka niya ako biglang binuhat at inihiga ron.
"A-anong balak mo?" Napatanga ako sa ginawa niya.
Nakakapagtakang kinumutan niya ako. Kumuha siya ng bangko at umupo malapit sa akin.
Gusto niya ba akong patulugin? Gusto niya bang sabihin na matulog na ako at siya ang magbabantay sa akin?
Bumangon ako. "Ano ba, Klay?!"
Pero hindi niya ako pinansin.
Siguro sa pagod at takot ko ay hindi na ako nangulit pa. Ubos na yata ang lakas ko. Ang gusto ko na lang ngayon ay magpahinga.
Bakit ganon? Kanina ay parang mamamatay na ako... pero bakit ngayon ay bigla na lang naging safe ang pakiramdam ko?
Wala sa loob na napatingin ako kay Klay. Nakade-kuwatro siya sa upuan habang nakahalukipkip ang mga braso niya sa tapat ng kanyang dibdib.
Nakatingin lang siya sa akin at mukhang wala siyang balak kumurap. Pero hindi siya creepy. Ang totoo niyan ay ang amo-amo ng mukha niya kahit pa wala iyong kaemo-emosyon.
Black shirt at gray pajama ang suot niya. Nakayapak lang siya pero malinis ang mga paa niya, maging ang mga kuko niya sa kanyang mahahabang daliri.
Safe ba talaga ako sa kanya?
Inilapat ko ang aking pagod na katawan sa kanyang higaan. Kahit naiilang ako ay lumapat na rin ang aking ulo sa kanyang malambot na unan. Hanggang sa naigupo na ako ng antok. Hindi ko na namalayan na nakatulog ako.
Pero naramdaman ko pa ng umuga ang kama at ay may mag-ayos ng kumot ko.
...
NANG masikatan ng araw ang aking mga mata ay napabangon agad ako. Namulatan ko si Klay na nakaupo pa rin sa upuan na malapit sa akin. Para hindi nagbago ang kanyang pwesto.
Nakatingin lang siya sa akin.
Agad kong kinapa ang pisngi ko, may panis na laway. Shit!
Pasimple kong pinunasan iyon gamit ang kumot.
Dama ko na nakatingin pa rin sa akin si Klay.
Nangapal ang pisngi ko nang lingunin ko siya. "H-hindi ka natulog?"
Tumango siya.
"So pinagmasdan mo lang ako buong magdamag?" Napalabi ako.
Anak ng tinamaan ng magaling! Nakakahiya!
Paano ba ako matulog? Nakabukaka tapos madalas pa naman akong magkamot ng singit at kili-kili. Shit talaga!
"E anong nakita mo habang tulog ako?" nahihiyang tanong ko sa kanya.
Hindi siya kumibo. Tumanaw lang siya sa kawalan.
Okay kung ayaw sumagot e di fine.
Teka baka hanapin ako ni Lola Soler!
Tumayo ako at nagmamadaling lumabas ng pinto. Ano na lang ang sasabihin ni Lola Soler kapag nadatnan niya ako sa kwarto ni Klay?
Bago ako tuluyang lumabas ng pinto ay nilingon ko pa siya. "S-salamat nga pala..."
Hindi niya ako pinakaabalahang lingunin.
"Basta salamat... kundi dahil sa'yo, hindi ko alam kung ano ng nangyari sa akin." Taos sa puso ang pasasalamat ko.
Lumabas na ako at isinara ang pinto. Naglakad ako nang mabilis papunta sa aking kwarto. Nadatnan ko si Lola Soler doon na inaayos ang aking pinto. Okay na okay na iyon. Nakakabit na ulit. Katatapos niya lang din ayusin ang lock ng pinto.
"G-good morning po. N-nasira po yan kagabi dahil–"
"Pakainin mo na ang asawa ko."
"Po?"
Humarap siya sa akin. "Ayos na ang lock ng pintong ito. Bumaba ka na doon at pakainin mo na ang asawa ko."
"S-sino po yung–"
"Ayoko sa lahat ay iyong nagtatanong. Di ba sinabi ko na sa iyo yan?!" Nagtaas siya ng boses. "Bakit ba ang kulit-kulit mo, Ember?!"
"Pero–"
"Pakainin mo na ang asawa ko!"
Napaatras ako. Lalo na nang pandilatan niya ako. Nangingitim kasi ang ilalim ng kanyang mga mata. Salubong din ang makakapal niyang mga kilay.
"Pakainin mo na ang asawa ko." Gagad niya, hindi na pasigaw pero mas nakakatakot ang timbre ng boses.
Hindi na ako kumibo matapos ko siyang talikuran. Bumaba na ako ng hagdan.
Anong nangyayari? Parang lalong dumarami iyong mga tanong ko sa isip. Lalo akong naguguluhan dahil sa nangyari kagabi.
Pumunta ako sa kusina at naghanda ng tinapay na pinalaman ng ham. Naghanda din ako ng sausage. Nagtimpla ako ng gatas pagkatapos.
Para na lang akong robot. Hindi ko alam saan ako kumukuha ng lakas para kumilos pa sa bahay na ito.
Bitbit ang tray ay pinuntahan ko na si Lolo Saul sa kanyang kwarto. Bahagyang nakabukas ang pinto kaya hindi na ako kumatok.
Saka ko lang naibagsak ang hawak kong tray nang mapatingala ako. Bumungad kasi sa harapan ko ang nakalutang niyang ugating mga paa. Umuuga ito kasabay ng paglangitngit ng kisame.
Nabuwal ako at natumba. Ang aking mga luha ay nangilid. Si Lolo Saul kasi...
Si Lolo Saul...
Si Lolo Saul—
–nakabigti!
JAMILLEFUMAH
jfstories
BINABASA MO ANG
Casa Inferno (The heart's home)
Paranormal"...and the devil fell in love with you, the way he loves hell." This novel is inspired by real events. Highest rank in horror: Top 1 Highest rank in Paranormal: Top 1