I.
"Ngayong gabi, ramdam ko ang higpit ng yakap mo,
Ang tamis na dulot ng pagdampi ng iyong labi sa aking noo.
Buong magdamag ay hawak mo ang kamay ko,
Ramdam ang bawat pagtibok ng iyong puso.
Pumikit ka na, mahal ko at wag kang mag-alala.
Dahil kahit sa panaginip lamang tayo magkikita,
Tandaan mong bukas at sa dulo ng lahat ng bukas ay mahal pa rin kita." (5-25-16)
II.
"Sa pagsikat ng araw, dala ang hindi maubos na pag-asa
Na sa aking pagmulat, masisilayan ko ang natutulog mong mukha.
Pakikinggan ko ang musikang gawa ng ritmo ng iyong paghinga.
Aabangan ang muling pagdilat ng iyong mga mata.
At sa iyong paggising, mahal ko kasabay ang pagbati ng magandang umaga,
Ay muli't muli kong sa 'yo ay ipapaalala
Na ngayon, at bukas, hanggang sa dulo ng lahat ng bukas ay mahal pa rin kita." (5-06-17)
III.
"Muling lulubog ang araw, unti-unting pipikit ang langit.
Ang ihip ng hangi'y magiging mas malamig.
Ang masilayan ka'y muli sa akin ipinagkait,
Ngunit ang himig mo'y walang humpay na inaawit.
At kasabay ng pagdungaw ng buwan at pagkislap ng maririkit na mga tala,
Ang puso ko'y muling sumusumpa
Na ngayon, bukas, hanggang sa dulo ng lahat ng bukas ay mahal pa rin kita." (5-24-18)
IV.
"Malamig pa ang umaga, at madilim pa ang langit.
Ramdam ko ang init ng yakap mong mahigpit.
Ang mga mata mo sa aki'y nakangiting nakatitig.
Wari'y nangungusap, binabasa ang nasa aking isip.
At sa wakas ay nagdampi ang ating mga labi, nagkasabay ang paghinga.
Mga puso nati'y nagsusumamo, sumusumpa
Na ngayon, at bukas, hanggang sa dulo ng lahat ng bukas ay magmamahalan tayong dalawa." (5-04-19)
V.
"Ang kahapon ay tila isa lamang panaginip
Sapagkat ngayo'y hindi na uli kita kapiling.
Nayakap man kita at nahagkan saglit,
Lumisan kang muli, malayo sa akin.
Ngunit sa iyong pag-alis ay panghahawakan ko ang iniwan mong pangako
Na sa muli nating pagkikita'y di na tayo muli pang magkakalayo
At ngayon, bukas, hanggang sa dulo ng lahat ng bukas ay magmamahalan pa rin tayo." (5-15-2020)
***Tala ng May-Akda:
Taun-taon ay nagdadagdag ako ng dalawang saknong sa akdang ito bilang pagpapahayag ng damdamin sa aking kasintahan. Bilang kami ay malayo sa isa't isa noong umpisa, ito rin ay ang aking pagsasalaysay sa lumipas ng mga taon.***
BINABASA MO ANG
Wander-ful Thoughts
RandomThis is a compilation of my write-ups over the years.. This may include poems, declamation pieces, and short stories, etc., etc. (English, Filipino, and Hiligaynon)
