Filipino declamation piece performed last September 2013
Amelyn: Oops! Kiri whoops, kiri whoops everytime I see you.
Oops! Kiri whoops, kiri whoops I want to love you.
Oops! Kiri whoops, kiri whoops do you feel the same too?
Oh I go oops! Kiri kiri kiri whoops, I think I love you.
Joaquin: Lindol! Lumilindol!
Amelyn: Nananadya ka ba, Joaquin?
Joaquin: Aba, tumigil din. Hindi mo ba naramdaman ate? Yumanig ang sahig!
Amelyn: Batukan kaya kita diyan?
Mama: Ano na naman yan, Amelyn?
Amelyn: Wala po, Ma.
Hay naku! Kung hindi lang sana ako pagagalitan ni Mama, titirisin ko na talaga ‘yang kapatid ko eh. Sa bahay na nga lang ako nakakasayaw ng ganito, tutuksuhin pa ‘ko. Palibhasa kasi siya payat, mukhang malamya kaya alagang-alaga. Oo, tama. My brother is not a pig. Pero ba’t ako pig? Kailan pa naging kasalanan ang pagiging mataba?
Oo, masama naman talaga si Janet Lim-Napoles kasi mahilig siya sa Pork Barrel. Pero masama rin ba kung paborito ko rin ang pork? As in pork adobo, pork steak, lechon, liyempo, hanggang young pork tocino. Hindi ako masamang tao, pero bakit kung maka-tingin kayo sa ‘kin parang binababoy niyo ‘ko? Magaling naman ako ah. Sabi pa nga ng teacher ko,
Guro: Matalino ka naman Amelyn. Matataas nga ang mga kuha mo sa mga pagsusulit. Subukan mo kasing sumali sa mga talakayan natin sa klase.
Gusto kong sabihin kay ma’am, “Eh kasi po nahihiya ako. Baka mali ang sagot ko, pagtawanan lang nila ako.” Pero hindi na ‘ko sumagot, nakakahiya. Hindi ko nga alam pero pag nasa harap ako ng maraming tao, nanginginig ang mga tuhod ko, nauutal pati pagsasalita ko, pinagpapawisan ako, namumutla, nahihiya talaga ako sa sarili ko.
Isang hapon, pag-uwi ko ng bahay ay naroon ang aking Lola Chichay para magbakasyon.
Lola: Aba’y sumeksi yata ang apo ko?
Amelyn: Lola naman eh. Hindi na ‘ko bata kaya ‘wag niyo na kong utuin.
Lola: Eh ikaw kasi. Hindi ka man lang nag-iiskype. Message ako ng message sa FB, ang tagal mong makasagot. Kahit mag-WeChat na lang tayo o kaya KakaoTalk para libre, ikaw naman itong hindi makausap.
Amelyn: Busy lang po, La. Nagsesend naman ako ng life sa Candy Crush Saga niyo ah?
Lola: Ay, oo nga! Level 121 na ‘ko. (Tatawa) Teka lang, baka makalimutan ko, may pasalubong ako sa ‘yo dun sa kwarto.
Sumunod ako kay lola. At doon sa kwarto, mula sa napakalaki niyang maleta ay may kinuha siyang napakaliit na supot. Iyon ang iniabot niya sa ‘kin. Pagkabukas ko sa napakaliit na supot, nagulat ako sa napakaraming.. kendi?!
Amelyn: Lola, sabi ko namang hindi na ‘ko bata eh.
Lola: Hindi yan ordinaryong kendi lang apo.
Amelyn: Eh ano to – special candy sa Candy Crush Saga? Lola naman, ang adik niyo.
Lola: Yan ang kending pampalakas ng loob!
Amelyn: Po?
Lola: Kapag kinakabahan ka, kainin mo ang isa. Mawawala ang takot mo, lalakas ang loob mo. Binili ko pa ‘yan sa isang sikat na salamangkero. Subukan mo apo. You got to believe in magic!
Magic daw? Si lola talaga, puro kalokohan. Pero wala naman sigurong masama kung susubukan. Kinaumagahan, bago nagsimula ang klase ay lumunok ako ng isa.
Guro: Ngayon, sino ang makakasagot ngequation sa pisara?
Walang anu-ano’y nagtaas ako ng kamay. Awtomatikong sinagot ko ang equation. Nasagot ko nga! At nasagot ko ng tama. Napahanga ang aking guro sampu ng aking mga kaklase. Epektibo nga ang kending bigay ni lola! Simula noon ay nawala na ang lahat ng takot at kaba ko. Sumasali na ‘ko sa mga talakayan sa klase.
Kaya naman napasali ako sa Math Quiz Bee sa Unibersidad namin. Naroon sina Mama, si Joaquin, at ang aking Lola Chichay. Ang lahat ng mga kaklase ko ay naghihiyawan. Sinisigaw nila ang pangalan ko. Ang sarap sa pakiramdam. Eto, etong kending ito ang magpapapanalo sa ‘kin!
Quiz Master: Unang tanong..
Lumunok ako ng kendi bago sumagot – at tama! Tama ang sagot ko. Sa tuwing hindi ako sigurado at kinakabahan ako sa sagot ko, lumulunok ako ng isa. Hanggang sa – hanggang sa dalawa na lang kami ang natira.
Isang tanong pa. Isang tanong na lang at mananalo na ‘ko.
Joaquin: Go, ate taba!
Mama: Kaya mo ‘yan anak!
Lola: Dito lang kami apo!
Quiz Master: Ngayon, ang huling tanong – sagutin sa loob ng sampung segundo..
Pagkatapos ng tanong ay agad akon sumagot – pero sobrang hirap. Hindi ako sigurado. Isang kendi pa. Kinuha ko ulit ang supot. Laking panlulumo ko nang makita kong wala nang laman! Isa pa, please. Isa pa..
Four!.. Halos umiyak na ‘ko.. Three!.. Tagaktak ang pawis ko.. Two!.. Wala na talaga.. One!.. Tumunog ang bell. Itinaas na ang aming mga sagot. Para na ‘kong malulusaw. Sobrang nakaka-panghinayang.
Quiz Master: At ang ating Math Quiz Bee Champion sa taong ito, ang tanging nakasagot ng tama sa huling tanong, walang iba kundi si – Amelyn Caligayan!
Ako? Ako yun! Panalo ako! Biglang naghiyawan ang mga tao. Halos mabingi ako sa sigawan ng pangalan ko. Tuwang-tuwang napatakbo ako patungo kina Lola.
Lola: Congrats apo! Manang-mana ka talaga sa lola mo.
Amelyn: Salamat po sa inyo, Lola. Kung hindi po dahil sa mahiwagang kendi –
Lola: (Tumawa) Talagang naniwala ka na may magic ang kendi?
Amelyn: Ano po ang ibig niyong sabihin?
Lola: Ang magic ay wala sa kendi, apo. Ordinaryong kendi lang iyon, nilagay ko sa supot. Ang tunay na magic ay nariyan sa puso mo.
Akalain niyo, niloko lang pala ako ng lola ko? Dahil lang pala sa tiwala ko, nawala ang takot at kaba ko. Kaya kayo diyang nagtatago-tago lang, lagi niyong tandaan na payat man o mataba, maitim man o maputi, matangkad man o pandak, lahat tayo ay may kanya-kanyang kakayahan. Magtiwala lang sa sarili, at sa Taas. Sa lahat ng pagdududa ko sa sarili ko.. Lord, Patawad!
By: Maria Danna Sedantes :)
![](https://img.wattpad.com/cover/21246501-288-k357544.jpg)
BINABASA MO ANG
Wander-ful Thoughts
AcakThis is a compilation of my write-ups over the years.. This may include poems, declamation pieces, and short stories, etc., etc. (English, Filipino, and Hiligaynon)