Entry for Scrittore Publishing's Spoken Word Poetry sa WLRIVII sa temang REALIDAD (06-26-17)
#WLRIVolII
Title: Hindi Ako Para Dito
Author: Maria Danna E. Sedantes
Noong ako'y nasa murang edad, gusgusin, halos wala pang muwang,
Nakahiligan ko na ang magbasa. Masaya. Nakatutuwa.
Marahil dahil na rin sa parehong guro ang aking mga magulang,
Mabilis akong natuto. Naisip ko balang araw gusto ko rin ang magturo.
Noong mga panahong iyon sa musmos kong isip ay tila alam ko na, sigurado ako. Para ako dito.
Habang ako'y lumalaki, nakikita ko ang aking ama't ina.
Sa eskwelaha'y subsob sa trabaho, maging sa bahay hindi maawat.
Kung sa paaralan, buong araw silang nagtuturo, dito sila nama'y nagsusulat.
Nagtataka ako, ang walong oras na trabaho ay hindi pa ba sapat?
Hindi pa ba sapat na buong araw ay naging magulang sila ng ibang mga bata?
At naalala ko ang aking pangarap. Ito ba ang gusto ko? Para ba ako dito?
Sa aking pagtatapos, bitbit ko ang aking diploma.
Alay ko sa aking ama't ina ang medalya, tanda ng aking pagsisikap.
Apat na taon. Apat na taon kong binuno at hawak ko na ang bunga.
Sa pagbaba ko ng entablado ay bigla kong naalala ang aking pangarap.
Dating pangarap lang pala sapagka't hindi ko tinuloy ang pagiging guro.
Muli't muli'y sinuway ko ang aking sarili, hindi ka para dito, hindi ka para sa pagtuturo.
Araw lang ang lumipas, agad akong nagkatrabaho.
Heto na talaga. Ito naman talaga ang pangarap ko.
May sarili akong opisina, computer, air-conditioned station, maayos na sweldo.
Masaya ako, pero bakit ganun? Bakit parang hindi ako kuntento?
Ito ba talaga ang gusto ko? Bumubulong ang isip ko ng Oo pero iba ang sigaw ng aking puso.
Napatingin ako sa apat na sulok ng opisina. Nalungkot at nanlumo.
Naaalala ko pa rin ang pangarap ko noong bata pa ako. Marahil masyado nang huli para maisip kong hindi talaga ako para dito.
BINABASA MO ANG
Wander-ful Thoughts
AcakThis is a compilation of my write-ups over the years.. This may include poems, declamation pieces, and short stories, etc., etc. (English, Filipino, and Hiligaynon)
