"Ate tulala ka na naman." napalingon ako sa likod ko at nakita kong kunot ang noo ni Nichola. Umupo ito sa tabi ko at isinandal ang ulo niya sa balikat ko.
"May problema po ba?" umiling naman ako sa kanya at binigyan siya ng isang ngiti.
"Wala naman. Gabi na ha, bakit gising ka pa?"
"Nagsisinungaling na naman si Ate. Sabi naman namin sa iyo pwede mo naman kaming sabihan ng mga problema mo dahil pamilya tayo. Iniiba mo pa ang usapan." ngumuso pa ito kaya kinurot ko siya sa ilong.
"Nag-iisip lang naman ako tungkol sa trabaho na in-applyan namin kanina kaya huwag ka na mag-isip pa diyan ng kung ano. Pumasok ka na doon sa loob at baka mahamugan ka pa dito." wika ko sa kanya pero umiling lang siya.
"Eh bakit ikaw ate nandito ka pa? Aysus talaga oh."
"Ang kulit mo talaga. Oh siya halika na at pumasok na tayong dalawa para makapagpahinga. Di ka papatalo eh." tumawa naman ito kaya napangiti na din ako.
KINABUKASAN ay agad akong nagtungo sa canteen na pinagtatrabahuhan ko habang hindi pa ako nagkakaroon ng kasiguraduhan sa kompanyang iyon.
Hindi ko nga din alam kung gugustuhin ko pa ba doon magtrabaho kung nandoon ang lalaking hindi ko na gusto pa atang makita kahit kailan.
"Aba naman, Eos! Puro ka ata pasarap sa buhay! Hindi ka nga pumasok kahapon, late ka pa ngayon! Saan ba nanggagaling iyang kakapalan ng mukha mo ha?" pagbubunganga ni Aling Bebang.
"Pasensya na po, Aling Bebang. May inasikaso lang po ako kahapon na importante. Sinabi ko naman po kay Lady kahapon na hindi ako makakapasok." paumanhin ko dito habang nakayuko.
Bigla namang sumulpot ang anak ni Aling Bebang na si Lady na ngumunguya bubble gum at nakataas ang kilay na tinignan ako.
"Sinungaling talaga ang babaeng ito, Ma. Wala naman akong narereceive na text galing sa kanya." malditang wika nito at pinaikot-ikot ang ilang hibla ng buhok sa daliri niya.
Hinatak ni Aling Bebang ang buhok ko kaya hindi ko maiwasang mapa-aray rito.
"H-hindi naman po ako nag-text sa anak niyo eh, pumunta po ako dito noong linggo pa---" ipagtatanggol ko pa sana ang sarili ko pero pinigilan agad ako nito.
"Aba't! Sumasagot ka pa talaga! Akala mo kung sino ka para makapag-sinungaling wala kang utang na loob!"
"Ma tama na yan!" napatigil sa paghatak ng buhok ko si Aling Bebang at pare-pareho kaming napaharap sa pinaggalingan ng boses na iyon.
"Huwag kang makielam dito, Gary! Kaya lumalala ang ugali ng isang to dahil lagi mong ipinagtatanggol!" angil nito sa anak kaya napayuko na lang ako.
"Ma! Si Lady ang nagsisinungaling diyan. Nanggaling naman talaga si Eos dito noong linggo para magpaalam na hindi siya makakapasok kahapon. Ako pa nga ang pumayag dahil alam ko naman na importante talaga iyong aasikasuhin niya." paliwanag ni Gary.
Tinignan ako ni Lady ng masama at nagdadabog na umalis sa harapan naming lahat.
"Peste! Sige na at magsimula ka na sa pagtatrabaho! Umagang-umaga binubuysit niyo akong lahat! Mga perwisyo!" sabi nito at pumasok na sa loob ng canteen na pagmamay-ari nila.
"Salamat, Gary. Pasensya na sa nangyari." wika ko rito at napayakap sa sarili ko.
"Ano ka ba, Eos para namang hindi tayo magkaibigan. Ako nga ang dapat humingi sayo ng tawad dahil lagi ka na lang pinag-iinitan ng nanay at kapatid ko." napahawak pa ito sa batok niya.
Nginitian ko na lang siya at sinabing mag-uumpisa na ako sa pagta-trabaho.
Buong mag-hapon ay wala akong ibang ginawa kundi ang mag-linis ng mga table at mag-hugas ng mga pinagkainan ng customer. Wala na kasi iyong isa kong kasamahan dahil hindi na matiis ang ugali ni Aling Bebang.
"Nilalandi mo ba ang kapatid ko?" napatingin ako sa may pinto at nakita doon si Lady na mataray na nakatingin sa akin.
"Anong pinagsasasabi mo?" pinagpatuloy ko na lang ang paghuhugas dahil ayokong patulan pa ang mga sinasabi ni Lady.
"Huwag ka na mag-maangmaangan pa, Eos. Kahit kailan talaga eh nasa loob ang kalandian mo. Pati kapatid ko pa hindi mo palalagpasin. Ang pathetic mo." sabi nito kaya napabuntong hininga na lang ako.
Ayoko siyang patulan pa dahil wala namang patutunguhan kung magagalit o aangal ako sa mga pinagsasasabi niya.
Napaigik ako nang hablutin niya ang braso ko at ramdam ko ang pagbaon ng mahahaba niyang kuko rito.
"Kapag kinakausap kita, matuto kang sumagot. Huwag kang nagmamaganda." nagtiim pa ang bagang nito kaya napabuntong hininga na lang ako.
"Ano ba ang kailangan mo sa akin Lady? Kailangan ko ng matapos ito dahil magagalit si Aling Bebang kapag wala siyang makitang plato na magagamit."
"Kailangan ko sayo? Huh. Nagpapatawa ka ba? Wala ka namang pag-aari o kung ano man. Ang gusto ko lang eh mawala ka na sa landas ko dahil isa kang malaking peste." sabi nito at pabalang na binitiwan ako atsaka umalis sa harapan ko.
Mabuti na lamang ako hindi dumulas ang plato sa kamay ko kung hindi ay malalagot ako kay Aling Bebang kapag nagkataon.
Napapangiwi na lang ako tuwing iaangat ko ang braso ko dahil mayroong naiwan na bakas ng kamay roon ni Lady.
Nakita ko pa na may namumuong dugo doon at pangingitim ng paligid non kaya napailing na lang ako. Bakit ba ang daming kontrabida sa buhay ko na para bang nasa loob ako ng isang pelikula o libro?
Pagkauwi ko sa bahay ay sumalubong sa akin ang mga kapatid ko na malungkot na nakaupo sa sala. Agad naman akong tumabi sa mga ito at napuno ng pag-aalala ang puso ko.
"A-anong problema?"
"Ate..." yumakap sa akin si Nichola at narinig kong humikbi ito. Hinaplos ko ang buhok niya at pilit na pinatatahan siya.
"D-dumating po kasi kanina rito iyong mga tauhan ni Gregorio. Sinisingil na po tayo sa pagkakautang natin dahil hindi pa daw tayo naghuhulog sa kanila." malungkot na sagot sa akin ni Jaxon.
Napalunok naman ako ng ilang beses at pinipigilan ang sarili kong maiyak sa harap ng mga kapatid ko.
"H-huwag kayong mag-alala at hahanap ako ng paraan para makapag-bayad tayo kahit papaano. Sige na at magpahinga na kayo. Nichola, huwag ka ng umiyak at ako na ang bahala." pinunasan ko ang luha sa pisngi nito at nginitian siya.
Hinawakan ni Jaxon ang kamay ko at ipinatong doon ang hawak niyang pera. Napatingin ako doon at nakitang nasa pitong daan iyon.
Nangilid ang mga luha ko kaya agad akong napatingala at napakagat sa ibabang labi ko. Bakit ba kailangan pa nilang maranasan to?
"Ate, huwag po kayong mag-alala. Makakaahon din tayo." kiming nginitian ako ni Jaxon at napatango na lang ako.
Nag-ring ang cellphone ko kaya agad ko itong kinuha sa bag ko. Unregistered number iyon ngunit sinagot ko pa din ito.
"Hello?"
"Is this Ms. Eos Carisa Amaro?"
"Opo, sino po sila?"
"This is from Lambourne Hotels. I just want to inform you that you've passed the interview and you can start your work by next Monday."
Hindi ko na napigilan pa at tumulo na ng tuluyan ang mga luha ko dahil sa tuwa.
BINABASA MO ANG
Lascivious Series #4: Fumble and Twist (COMPLETED)
RomanceEos Carisa Amaro and Zechariah Lambourne's Story "Do you really want me that much?" tanong nito habang naglalandas ang kanyang mga kamay pababa sa hita ko. Dapat ay pinipigilan ko siya sa ginagawa niya sa akin dahil labas na ito sa trabaho ko ngunit...