Chapter Sixteen
NANG makaalis ang landlady ay agad na napawi ang ngiti niya at bumalik siya sa realidad.
Kahit kailan ay hindi na magiging kasing tamis ng mga ngiti ni Aling Fina ang magiging ngiti niya kapag dadating ang mga susunod pang Pasko at Bagong Taon. Wala na siyang rason para magsaya at mag-look forward pa dahil alam niyang magpapalungkot lang iyon sa kanya.
Kinuha niya ang kape at naupo sa mesa. Sinawsaw niya doon ang toasted bread na hindi niya naubos kaninang almusal. Iyon na lang ang panghapunan niya tutal naman ay tinatamad siyang magluto ng kahit ano.
Umaabot pa sa pandinig niya ang mga boses ng mga kapit-bahay niyang excited na raw sa pagpatak ng alas dose upang kumain ng masasarap na handa at magbukas ng mga regalo.
Malungkot siyang napabuntong- hininga.
"Isipin mo na lang ordinaryong araw lang 'to, Sherin..."
"Sa may bahay ang aming bati, Merry Christmas na maluwalhati..."
Napatingin siya sa labas ng bahay dahil sa mga batang nagka-caroling.
"Ang pag-ibig pag siyang naghari...araw-araw ay magiging Pasko lagi..."
May isang grupo pala ng mga bata na kumakanta sa harap mismo ng bahay niya.
"Ang sanhi po ng pagparito--"
Napahinto sa pagkanta ang mga bata nang itaas niya ang kamay niya upang patigilin ang mga ito. Ayaw niyang nakakarinig ng Christmas song sa totoo lang.
"Ang gaganda naman ng boses niyo, mga bata," nakangiti niyang sabi sabay dukot ng limampong piso sa bulsa ng shorts niya at iniabot sa batang babaeng pinakamalaki sa mga ito. "Pagpasensiyahan niyo na at 'yan lang ang kaya ni Ate, ha?"
"Thank you po, Ate! Merry Christmas po!" tuwang-tuwang sabi naman ng mga ito at nagsialisan na.
Isinara naman niya ang pintuan at binalikan ang kape niya.
Mukhang matutulog na lang siguro siya nang maaga mamaya.
ALAS DOSE NG hating-gabi, araw ng Pasko, dinig na dinig ni Sherin ang naghalong mga Christmas songs na pinapatugtog at mga boses ng mga kapitbahay niyang nagsasaya habang naroon naman siya sa paanan ng kama niya, nakasalampak sa sahig habang nakatiklop ang mga tuhod at hawak-hawak ang kanilang family picture.
"Mommy ko..." paulit-ulit niyang sabi habang walang patid sa pag-agos ang kanyang mga luha.
Parang binawasan ng dalawang dekada ang edad niya sa inaasta niya nang mga sandaling iyon. Hindi naman siya ganoon noong mga huling labing anim na Pasko sa buhay niya. Ewan ba niya at ngayon pa siya nagkaganoon.
Hindi niya alam kung gaano katagal na siya sa ganoong posisyon. Hanggang ngayon ay naririnig pa rin niya ang katuwaan ng mga kapitbahay niya.
Nahiling niya na sana ay matapos na agad ang kasiyahan ng mga kapitbahay niya.
Napapisik siya nang biglang bumukas ang pinto ng silid niya at basta na lang pumasok si TJ. Sa kabila ng pagkagulat ay nakuha pa niyang pahirin ng kamay ang mga luha.
"TJ? B-bakit ka nandito?"
"Bakit ka umiiyak?" sa halip ay tanong nito at umuklo sa harap niya.
"Bakit ka nga nandito?"
"Bakit ka nga umiiyak?"
"Lagi naman akong umiiyak, eh," sagot niyang kaagad na nagbaba ng tingin.
"Hindi mo ba alam na kanina pa kita tinatawagan?"
Umiling-iling siya. Hindi talaga niya alam dahil nakapatay ang cellphone niya tutal naman ay walang mag-aabalang umalala sa kanya sa araw na iyon.
BINABASA MO ANG
Sherin's Own Fairytale(Completed)
Romance(This is in Third Person's POV.) Sherin fell in love with TJ at the wrong time. Nang mga panahong halos mawalan na siya ng pag-asa ay saka niya ito nakilala at binigyan siya ng kakaibang sayang hindi pa niya nararanasan kahit kailan. But since she l...