Chapter Nineteen

4.3K 111 4
                                    

CHAPTER NINETEEN

“TJ, MAY gusto sana akong sabihin,” sabi niya nang nagsisimula na silang kumain ng lunch.

Matapos ng ilang araw ng pag-iisip ng dapat niyang gawin ay nakapagpasya na siya.

“Tungkol saan?”

“K-kwan, um, g-gusto ko sanang..." Mariin siyang napapikit upang kumuha ng bwelo. “Gusto ko sanang humingi ng leave kung okay lang?”

“Leave?” ulit nitong salubong na salubong ang kilay. “Para saan at gaano katagal?”

“Six months--”

“Six months!”

Napapisik siya nang magtaas ito ng boses.

“Babalik din naman ako, eh. Hindi ko nakakalimutan ang usapan natin. Kailangan ko lang...kailangan ko lang ayusin ang mga bagay- bagay.”

“Gaya ng ano, Sherin?” matalim ang tingin na tanong sa kanya nito.

“Masyadong personal para sabihin ko sa'yo. Pero nangangako ako na babalik ako at tutuparin ko ang napagkasunduan natin. Kailangan na kailangan ko lang talaga ng anim na buwan para ayusin ang sarili ko. Kailangan mo 'kong payagan, TJ. Nakikiusap ako sa'yo.”

Hindi niya alam kung paano niya nasabi iyon nang hindi kumakawala ang kanyang emosyon dahil sa totoo lang ay para na naman niyang gustong maiyak.

Namayani sa kanila ang katahimikan at hindi siya komportable doon.

“TJ?”

“Kailan mo balak umalis?”

Ibig bang sabihin niyon ay pinapayagan na siya nito?

“Sa isang araw na sana. Magpapaalam din akong a-absent bukas para maayos ko 'yong mga gamit ko.”

“Makakabuti ba sa'yo ang pag-alis nang pansamantala?”

“O-oo, TJ.”

Hindi lang sa akin kung hindi pati na rin sa baby natin.

“Babalik ka naman sabi mo, 'di ba?” tanong ni TJ pero hindi ito nakatingin sa kanya.

“O-oo naman. May aayusin lang ako. Pagkatapos nun, pwedeng- pwede na uli akong magtrabaho para sa'yo. Anim na buwan lang, TJ. Sinisigurado ko sa'yo.”

“Ubusin mo na ang pagkain mo.”

“Maraming- maraming salamat, TJ,” sabi naman niya sa garalgal na boses.

HABANG ipinapasok niya ang mga gamit sa maleta ay walang patid ang pag- agos ng mga luha niya.

Nang kausapin niya si Tonette ay hindi naman nagdalawang-isip ang kaibigan niya na bigyan siya ng tulong lalo na sa kondisyon niya. Kung matatapos niya ang pag-i-empake ngayong araw ay makakaalis na siya nang madaling araw. Nangako itong susunduin siya sa terminal. Kahit kailan talaga ay hindi pa siya binibigo ng kaibigan.

“Nakakalungkot naman at kailangan mo pang umalis, Sheng. Hindi ka na ba talaga mapipigilan?” madramang sabi ni Cyrah nang puntahan siya nito sa bahay niya kasama si Aling Fina.

Sa sala silang tatlo nag-usap.

“Bakit? Babalik pa naman ako, ah? Kailangan ko lang gawin kung ano ang makakabuti para sa amin ng baby ko. Ikaw naman masyado kang nagpapadala sa mga pinapanood mo,” biro niya para itago ang lungkot na nararamdaman niya.

“Ano bang malay ko at pagbalik mo may bago nang nakatira dito?”

“Okay lang naman 'yon, eh. Maliban na lang kung pati ikaw aalis dito.”

Sherin's Own Fairytale(Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon