iv.

56 5 0
                                    


HALO-HALO ANG NARARAMDAMAN ni Carlos—di niya sigurado kung magagalit ba siya dahil may isang di kilalang babae ang humahawak sa bibig niya, o kung matatakot dahil nasa tabi niya ang babaeng sumusunod sa kaniya.

"Ugh. Kadiri," reklamo nito nang tinanggal ang kamay sa bibig niya.

Maraming tanong ang pumasok sa isipan niya, kaya hindi siya makapagsalita nang maayos. Nang tinitigan niya ang babae habang tumungo ito sa upuan upang kuhain ang bag nito, nasiyasat na niya nang maayos ang itsura nito—hindi gaanong katangkaran pero hindi rin ganoong kaliit, diretso ang tindig, at may magandang pigura sa beywang. Tinaas nito ang manggas at mayroong mga bracelet sa magkabilang pulsuhan nito.

Ginala niya ang mata sa silid. Para sa isang silid ng ospital, sobrang laki nito na parang isang kwarto sa hotel. Nasa kaliwa niya ang pintuan na katabi ng mga halamanan. May sarili itong sofa sa kaniyang kanan, LCD TV sa kaniyang harapan, at malaking banyo malapit sa pintuan. Alas-dos ng hapon siya nagising. Maaliwalas sa mata ang peach na pintura ng dingding at ang velvet na carpet sa sahig.

Nang manumbalik ang kaniyang boses, agad niyang tinanong nang mahinahon, "Sino ka ba? At nasa'n ako? Si Manang?"

Kakaunti lang ang naalala niya noong nakaraang gabi. Mga pahapyaw. Hindi niya mabuo ang pangyayari sa utak niya, pero sigurado siya sa isang bagay—naroon ang babae sa kagubatan noong umatake ang mga kubot.

"'Yung matandang kasama mo? Wala na siya. Deds na," sagot ng babae, ngunit umarte ito na parang walang pakialam. "Nasa ospital ka, duh. Pero aalis na tayo kapag dumating si Alfred."

"A-Anong wala na si Manang? Pero..."

Naalala niya si Manang at ang kakaibang panaginip. Kung tama ang kaniyang napaginipan, hawak ang kaniyang lola ng isang nilalang na nakatira sa isang malaking puno. Sa kabutihang palad, buhay pa ito, kahit na sobrang dami nang sugat ang natamo.

Pero maaring gawa lang ito ng imahinasyon niya.

Ginalaw niya ang katawan, ngunit nabigla siya sa sobrang sakit ng kaniyang tiyan. Hindi niya magalaw nang maayos ang katawan—pakiramdam niya isang malaking hollow block ang nakapatong.

"Sino ka ba talaga?" tanong niya.

Padabog nitong binaba ang bag at agad na sinugod si Carlos, dinakma ang kwelyo ng damit niya. Nakatutok ang isang patalim sa kanang pisngi niya. "Ikaw ang tinatanong ko dapat n'yan. Sino ka ba talaga? Sinong diyos o diyosa ang magulang mo?"

Tumulo ang pawis niya sa noo kahit na dalawang aircon ang mayroon sa silid. "A-Ano? Anong diyos o diyosa? Iisa lang ang Diyos," nauutal niyang sinabi.

"Please lang. 'Wag mo na 'kong lokohin pa sa mga pinaggagawa mo. Sagutin mo na lang ang tanong ko."

"Di ko nga alam! Wala akong alam, promise!"

"Tsk." Mas matalim pa sa hawak nitong kutsilyo ang titig nito kay Carlos. "Pero, mukhang nagsasabi ka ng totoo, kahit na hindi ko magawang pagkatiwalaan ang mga tulad mo."

"Anong ibig mong sabihin?" Tinaas ni Carlos ang kaniyang kilay. "Ano bang problema mo sa 'kin at galit na galit ka? At saka, kahapon mo pa 'ko sinusundan."

"Kahapon?" Humalakhak ito. "Limang araw ka nang knockout, kano. Limang araw ka na ring pinaghahanap ng mga pulis at mga aswang. Kung hindi dahil sa 'kin, patay ka na siguro ngayon. So, thank you."

Sarkastikong ngumiti ang babae. Nanlaki ang mata ni Carlos.

Binato nito ang dyaryo sa kaniyang mukha. Umangal naman siya; binelatan lang siya nito. Binuklat niya ang dyaryo at tiningnan kung anong petsa na: July 28. Eksaktong limang araw noong linggo.

Mathilda BruhildaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon