xiv.

44 4 2
                                    


SI JENSEN ANG dapat tumahimik.

"Isang aswang ang tatay mo?" tanong nito. Nakaamba lang ang dalawang baril nito, handa kung sakaling biglang gumalaw ang nilalang.

Hinarangan ni Carlos ang dalawang babae nang tinangka nilang lumapit.

"Ano ba?" singhal ng anak na babae. "Tatay ko 'yung nasa kisame. Bakit niyo siya binaril? At ano 'yang mga dala niyo?"

"Miss, hindi mo ba nakikita?" Pinigilan ni Carlos na pagtaasan ng boses ang babae. "Sinubukang kainin ng tatay mo ang nanay mo!"

"P're, iba na ata 'yang sinasabi mo," singit ni Jensen.

"Teka nga!" sigaw ng tita. "Nasa pamamahay namin kayo, at gan'to ang ginagawa niyo? At ikaw, Tonyo, bumaba ka d'yan at tulungan mo ang asawa mo!"

Pero, iba ang nasa isip ng aswang.

Lumundag ito sa direksyon ng buntis, pero agad itong hinarangan ni Jensen. Tumalon din ang pulis at umikot sila sa sahig. Tumama ang likod ng aswang sa pader.

Nakatingin lang ang kumadrona sa kanilang dalawa, habang nakapikit ang buntis at nagsimulang sumigaw ulit.

"T-Tonyo—!" sigaw ng buntis.

"Konti na lang, Glenda. Nakikita ko na ang anak mo," kalmadong sinabi ng kumadrona.

Masusing nakatingin si Carlos sa kumadrona. Nakahawak ang kamay nito sa buntis, pero hindi nito ginagabayan ang lumalabas na anak? At, nagawa pa nitong haplusin ang mukha ng babae? Hindi niya makita nang maayos ang mga nangyayari dahil isang kumot ang nakatakip, pero sigurado siyang hindi ganoon magluwal ng bata.

Hinawakan niya ang balikat ng kumadrona, pero gumapang ang kuryente sa kaniyang balat. Agad siyang bumalikwas at nanlisik ang mata sa babae.

Natauhan siya nang tumilapon ang katawan ni Jensen sa kabilang dingding.

Mabuti at nakailag ang dalawang babae.

Suminghal ang aswang. Natakpan ang mukha nito ng abot balikat nitong buhaghag na buhok. Gulanit ang damit nito at pinakita ang magkahalong itim at kayumangging kulay ng balat. Basa ang buong katawan nito. Tumutulo sa matutulis na kuko nito ang tubig at dugo.

"Glenda..." pagtawag ng aswang. Nilapit nito ang kamay pero agad na hinarangan ni Carlos ito gamit ng bolo.

"'Wag mo siyang hawakan."

"Hindi ako interesado sa dugo mo, itinakda," angil nito. "Nandito ako para sa bata. Pagpipyestahan ko ang kanilang laman, na dati ko pa dapat ginawa noong nakaraang labing-tatlong taon!"

"Pa!" sigaw ng anak na babae. "A-Ano bang pinagsasabi mo? N-Nababaliw k-ka na ba?"

Napatili nang malakas ang buntis. Agad na lumapit ang dalawang babae sa tabi nito. Pumailalim ang kumadrona, at ilang saglit lang ay narinig sa buong silid ang mahinang iyak ng isang sanggol.

Nag-iba ang tindig ng aswang. Umayos ang kurba ng likod nito. Bumalik sa pagiging normal ang mga kamay nito. Isang maamong mukha ng lalaki ang nasa ilalim ng buhok.

"A-Anak ko..."

Tinangka nitong lumapit pero hindi umalis ang pagkakatutok ni Carlos ng bolo sa tao.

"'Di mo 'ko maloloko. Umalis ka sa pamilyang 'to," muling babala niya.

"ANO PANG HINIHINTAY MO?" bulyaw sa likod ni Jensen. Umangat ito mula sa pagkakabato ng aswang. Tinutok nito ang dalawang baril sa kaniyang direksyon. "PATAYIN MO NA SIYA!"

Nawala sa balanse si Jensen nang binato ng tita ang isang walang laman na planggana sa mukha nito.

"Mga baliw! Magsilabas kayo rito," sigaw ng nang binuksan nito ang pinto. "Pinagbibintangan niyong aswang ang tatay ng batang 'to? Do'n kayo sa mental, 'wag dito!"

Mathilda BruhildaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon