xv.

37 4 0
                                    


"DIYOSA?" GULAT NA sinabi ni Jensen. "Pero... hindi ka mukhang diyosa."

Tumango ang diyosa. Naglakad ito palabas at sinundan ito ng dalawang lalaki. Bumaba sila at umupo sa sopa sa sala. Sa isang kumpas ng kamay ng diyosa, lumiwanag ang silid sa tulong ng mga bulaklak na umiilaw.

Umupo sa lapag sina Carlos at Jensen.

"Anong ginagawa niyo rito?" usisa ni Carlos.

"Nandito ako para ssa dalawang bagay—ang ipanganak ang mga anak ni Glenda, at ang makita ka ng dalawa kong mata," sagot nito. Nagtama ang mga mata nila.

Muli nitong ikinumpas ang kamay at lumitaw ang isang basong gawa sa kawayan. Uminom ang diyosa.

"Magiging aswang din ba ang mga anak niya?" tanong ni Jensen.

"Hindi. Binasbasan ko ang mga sanggol. Maaring magkaroon sila ng hilig sa laman-loob ng mga hayop, at aayawan nila ang araw, pero hindi sila magiging aswang."

"Wooh. Buti na lang," sabi ni Jensen.

"Pero ngayon na nandito ka na, bakit hindi mo iligtas ang isang diyosa?" sunod namang tanong ni Carlos. Napataas ng kilay ang diyosa.

"Inuutusan mo ba 'ko?"

"Hindi po," mahina niyang sagot.

"Hindi ko maaaring tulungan si Mathilda," sagot ni Amor. "Ni hindi ko rin maaaring sabihin ang totoong pangalan niya. Maalerto si Ultimo Maximo. Nitong nakaraan, narinig niya na tinawag mo ang pangalan niya pati ang dalawa pang diyos."

Napakamot ng ulo si Carlos. Kasalanan niya ang nangyari sa kanila noon.

"Ano po bang meron kay Ultimo Maximo ngayon?" sabi ni Carlos.

Bumuntong-hininga si Amor.

"Alam niyo ba kung saan napunta ang mga diyos at diyosa na sinasamba ng mga sinaunang Pilipino noon?"

Umiling ang dalawa.

"Nang dumating ang mga Español, pinilit nilang ipasok ang kanilang paniniwala sa mga katutubo noon. Hindi ko itatago ang pagkadismaya sa mga Pilipino noon, dahil hinayaan nilang dungisan ng mga dayuhan ang ating lupa."

Nanlisik ang mga mata ni Amor kay Carlos.

"Maraming nagbago sa Pilipinas. Sinunog nila ang mga rebulto. Winakasan nila ang pag-samba sa 'min sa kahit anong paraan na maaari, kabilang ang mga anito at mga babaylan. At wala silang ginawa kundi tanggapin ito."

Humigop muna ito sa baso bago magpatuloy.

"Nagalit si Ultimo Maximo sa nangyari. Kaya, nagpasya siya na isarado ang Kaluwalhatian. Hindi na muling makikipag-usap ang mga diyos sa mga tao hangga't hindi nila nakikita ang kamalian sa kanilang ginawa."

"Pero, nandito ka," sabat ni Jensen. "At syempre, nilabag din ng tatay ni Carlos ang utos."

Napangiti si Amor.

"Ang iyong ama... isa siyang espesyal na kaso. Siya dapat ang magsabi sa 'yo ng tunay na pangyayari. Pero, ikaw ang dapat makaalam nito."

"Paano ko malalaman kung tama ba 'ko?"

"Isigaw mo ang tunay na pangalan niya. Kung mali ang sinabi mo, paniguradong mamatay ka kaagad. Pero kung tama, siya na ang manghuhusga kung ano ang gagawin sa 'yo."

Natahimik si Carlos. Maaari siyang hindi tanggapin ng sarili niyang ama. Wala naman siyang pakialam. Kung hindi ito nakapunta sa kaniyang buhay noong nakaraang labing-pitong taon, ano pa ang silbi nito?

Mathilda BruhildaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon