xiii.

32 4 0
                                    


MUNTIK NANG MASUKA si Carlos habang nasa hangin.

Inilapag si Carlos at Jensen sa damuhan sa Freedom Park, tapat ng Fertility Tree. Mabuti at walang mga taong nakahiga malapit sa malaking puno at nakita ang biglaang pagbagsak nila, dahil magtataka sila kung bakit bigla silang lumitaw mula sa kawalan.

Umaray ang dalawang lalaki nang sinubukang tumayo. Hindi malambot ang lupang binagsakan nila.

"Pucha, hindi ko akalaing magagawa ko 'yun sa buong buhay ko," saad ni Jensen, hawak ang likod nito gamit ang dalawang kamay.

Nilibot ni Carlos ang mata sa paligid. Tanging mga streetlight na kulay kahel ang liwanag ang ilaw sa kalsada. Sa kaniyang kanan ay ang Ginhawa Art Café—isang kapehang bilugan ang bubungan na may mga istatwang gawa sa kahoy sa paligid. Sa kaliwa naman nila ay ang CEC—kung ano ang ibig sabihin nito ay walang ideya si Carlos. Nasa likuran nila ang Carillon Tower—may mga spotlight ito sa apat na sulok.

May mga taong nagjo-jogging palibot ng Freedom Park, at nagsisimulang tumambay ang mga magkasintahan habang naglalakad sila papunta sa mga batong upuan ng parke.

"So, anong gagawin natin?" panimula ni Carlos.

Walang kadala-dala si Carlos maliban sa bolo. Mabuti at nakasuot siya ng jacket dahil sa malamig na hangin. Hawak naman ni Jensen ang bigay ng diwata—isang baril na gawa sa kahoy ngunit kumikinang na tila tanso.

"Aba, 'di ko alam. Ikaw ang nagpresinta nito a."

Huminga nang malalim si Carlos. "Wala ka talagang idea man lang kung saan magsisimula? Natatandaan mo man lang kung anong gagawin natin?"

"Oo. Maghahanap ng aswang, papatayin sila, nge, nge, nge."

Napalakas nang kaunti ang boses ni Jensen kaya't napatingin ang dumadaang magkasintahan sa harapan nila. Kung makatingin ang dalawa, tila nawiwirduhan sila sa lalaki.

"Ikaw ang anak ng diyos kuno rito. Dapat may alam ka!" pabulong na dagdag ni Jensen.

"Ugh. Tigilan niyo na nga 'yan. Normal lang din ako, okay? Magnet lang ako ng mga aswang, wala nang iba."

Tumayo na lang ang dalawa at nagsimulang magtanong sa mga magkasintahan na nakapaligid kung nasaan ang Barangay Tuntungin-Putho. Naasiwa man si Carlos, tuwang-tuwa naman si Jensen. Nakakaistorbo raw sila sa "labing-labing" ng mga ito.

May babaeng sumagot nang matino. "Doon pa 'yun, lagpas ng Dtri. Tanong kayo sa mga nagpe-pedicab do'n—" tinuro nito ang isang puno katabi ng malaking arko ng Animal Science "—kung gusto niyo pumunta do'n."

Bago sila umalis, ginatungan ni Jensen ang magsyota. "Salamat, pero walang poreber!"

Tumawa lang si Carlos.

Nang pumunta sa puno kung saan dapat nakaparada ang mga drayber ng pedicab, nagtaka sila kung bakit wala silang nakita ni isa. Hindi nagkakamali si Carlos, dahil noong pumunta sila ni Manang dito upang tingnan ang dormitoryo niya, sumakay sila rito. Masyadong malayo ang titirhan niya dahil pataas pa ito, pero sulit naman sa bayad.

Lingid sa kaalaman niya na may barangay pala malapit sa campus.

Naghintay ng ilang minuto ang dalawang lalaki nang dumating ang isang nagpapadyak.

May katandaan ang lalaki. Hindi bisikleta ang gamit nito kundi isang e-bike. May malaking payong na nakabukas. Kung hindi nito mapapansin ang dalawa, hindi ito titigil.

"Mga totoy, sasakay ba kayo?" tanong ng matanda. "Singkwenta lang."

"Manong, ang mahal naman ho," apela ni Carlos. "Di ho ba tig-sampu lang ang bayad?"

Mathilda BruhildaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon