xxi.

23 2 0
                                    


Pinuno ng mura ni Jensen ang ere.

"Lumilipad ako!" sigaw nito.

"'Wag kang malikot!" reklamo ni Carlos.

Malalim pa rin ang paghinga ni Yang. Nababahala si Carlos dito. Gaano katagal ba siyang walang malay? Baka matagal na nilang nilalabanan ang nilalang na nagtatago sa dilim.

Nang makababa sila, biglang kumapal ang hamog sa paligid, na nakapagtataka dahil sa palagay niya'y alas-otso pa lang ng gabi. Magkahawak pa rin ang tatlo nang mahigpit. Umaasa lang ang dalawa kay Carlos para sa suporta.

Nang muling tumalon si Carlos, nawala ang kanilang direksyon. Mistulang sumama ang mga ilaw ng mga bahay sa sangay ng mga puno sa paligid. Hindi niya makita ang bayan kung saan sila bumaba. Pagkababa ay makapal pa rin ang hamog.

"Hindi tayo makalabas!" reklamo ni Carlos.

"Akala ko ba may dugo ka ng diyos? Kasama ba do'n ang pagiging tanga?" singhal ni Yang.

"Shh! 'Wag kayong mag-away, mga bata!" suway ni Jensen.

Tumahimik ang dalawa. Nang mawala ang ingay, ang tanging pumalibot sa kagubatan ay ang mahinang agos ng tubig mula sa talon, pati ang pagkaluskos ng mga sanga ng puno, at ang mabibigat na hakbang ng nilalang.

"Carlos, talon!" utos ni Yang.

"Saan?"

"Kahit saan basta 'wag dito!"

Kumapit ang dalawa sa balikat ni Carlos at muling siyang lumundag. Pagkababa nila, muli silang naroon sa una nilang binabaan.

Bumulong si Yang, at mula sa hangin ay lumitaw ang dalawa niyang kutsilyo. Hinanda ni Jensen ang baril nito. Hinawakan naman ni Carlos ng dalawang kamay ang bolo.

"Balita ko, hinahanap niyo raw ako," bulong ng isang boses sa kagubatan. Tumindig ang balahibo ni Carlos.

"S-Sino ka?" matapang na tanong ni Carlos, kahit pa nanginginig ang buong katawan niya sa lamig at kaba.

Biglang nahati ang daan sa apat na direksyon. Lumitaw ang isang maliit na apoy sa hilaga, at biglang may isang usok na sumunod na daan.

"Mamili ka, anak ng Kaluwalhatian. Hindi lahat ng gusto mo ay masusunod."

Malalim ang boses nito na nakakagimbal sa sinumang nakikinig. Gusto na lang ni Carlos na magtago sa likod ng isang bato at magdasal ng magandang kapalaran. Ngunit, hinigpitan niya ang hawak sa bolo.

"Magpakita ka!"

"Sinabi na sa 'kin ng Panginoon kung anong kinakaharap mo."

"Kausap mo si Lord?" tanong ni Jensen. "Close kayo?"

Nanlisik ang mga mata ni Carlos at Yang. "Shh!"

"Mamili ka sa mga daan sa paligid mo. Una, ang ialay mo ang dugo mo sa Kampon at magigising ang pinakamakapangyarihan sa lahat. Wala nang masasaktan na malapit sa 'yo. Titigil na ang paghahabol sa 'yo. Ito ang pinakamaganda."

Sa hamog, nakita niya ang sarili na nakaluhod sa gitna ng kadiliman na binalot ng mga pulang matang nakatingin sa kaniya. Duguan ang buong katawan niya habang nakatingin sa itaas at nagmamakaawa.

Umiling si Carlos. Sumunod na sumiklab ang nasa kanluran.

"Ang susunod ay pipiliin mo ang bayan bago ang sarili. Maliligtas mo ang lahat ng tao maliban sa isa--ang iyong lola."

Sunod nilang nakita ang matagumpay na si Carlos habang nakatayo sa isang gusali, hawak ang isang patay na katawan sa kanang kamay habang nakatanday sa balikat ang kaniyang lola. Hiniga niya si Manang, at niyakap niya ito nang mahigpit habang umaagos ang kaniyang luha sa matamlay na katawan ng kaniyang pinakamamahal na lola.

Mathilda BruhildaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon