v.

56 5 0
                                    


PAKIRAMDAM NI CARLOS, wala siyang kwenta.

Nakatitig lang siya kay Yang habang naglalakad ito paikot sa silid, minsanang sumisigaw dahil sa pagkairita at madalas na tumitingin sa kaniya na parang gusto nitong pumatay. Nakahawak lang siya sa bolo ni Manang upang ihanda ang sarili, pero mukhang hindi rin naman siya makakagalaw nang maayos dahil sa mga baling buto.

Tumigil si Yang sa paglalakad na mukhang nakapagdesisyon na sa gagawin. "Ugh, bakit kailangan ko pang bumalik do'n?" naiirita niyang reklamo. Sinuot nito ang bag sa likuran.

Tumungo ito sa kaniyang kama. "Oy, kano. Tumayo ka na d'yan."

"'Wag mo 'kong tawaging kano," pagtatama niya.

"Blah, blah, blah. Tumayo ka na d'yan o ano?" muling pagbabanta nito.

Sakto namang dumating si Alfred na basang-basa sa pawis. Hinihingal ito na pumasok sa silid na may dalang wheelchair. "Binibini, ayos na ang lahat."

"Good," sabi ni Yang. "Pagkatapos mong isakay si Carlos—" tumitig ito sa kaniya nang matalim "—dumiretso ka na sa kotse. Ako na ang mag-aasikaso ng mga papeles niya."

Tumango si Alfred at tumakbo paalis si Yang.

"Pagpasensyahan mo na ang Binibini," depensa ni Alfred nang sinara nito ang pintuan. "Malaking responsibilidad ang nakapatong sa balikat niya."

"Nako, hindi po," nahihiyang sagot ni Carlos. Napakamot siya ng ulo.

Bumuntong-hininga si Alfred. "Kailangan mong malaman 'to bago pumunta sa Mansyon, Carlos," pabulong nitong sinabi. "Kung anuman ang malaman mo sa Mansyon ay mananatili lang sa 'yo. 'Wag na 'wag mong babangitin ang nakita mo sa binibini. Maliwanag ba?"

"Bakit?" usisa niya. Pero mukhang mali siya ng tanong. Napailing lang si Alfred.

"Maraming sikreto ang binibini," pagtatapat nito. "Mas mabuti na kakaunti lang ang alam mo."

Hindi sumagot si Carlos, pero nagsimulang maglaro ang mga katanungan sa kaniyang isipan.



NAKAHINGA NANG MALUWAG si Carlos nang bumaba ang araw at walang ni isang aswang na lumapit sa kanila habang binabaybay ang kalsada sa pagitan ng GMA at Dasmariñas.

Mabuti at hindi gaanong trapik sa daan. Sakay ng itim na Montero Sport, hindi gaanong makita ni Carlos ang labas dahil sa bilis ng takbo nila. Nakalinya sa gilid ang iba't ibang mga bahay, tindahan, restawrant, at vulcanizing shop. Mayroong malilit at malalaking subdibisyon.

Tahimik lang sa loob ng kotse, maliban sa pagtapik ng paa ni Yang at ang mahinang pagsipol ni Manong. Nakaupo siya sa likod at nakadantay ang braso sa bintana. Tuwing tumititig siya sa rearview mirror, nagtatama ang mga mata nila ni Yang. Hindi pa rin ito natutuwa sa kaniya.

Kahit na hindi matanggal ang kaba sa kaniyang puso at anumang oras ay maari silang atakihin, nanaig ang pagod sa katawan ni Carlos. Napapikit ang isa niyang mata.

Napatalon ang kotse nang may kumalabog sa tuktok ng kotse.

Agad na napahawak si Carlos sa katabing bolo. Hindi naman tumigil sa pagmamaneho si Alfred, pero naging matalim ang tingin nito sa kalsada. Nakahawak si Yang sa kutsilyo nito.

Isang kamay ang bumaon sa bintana sa tabi. Binabad sa dugo ang balat nito at kasinghaba ng daliri nito ang mga kuko. Nagsimulang kumatok nang marahas ang kamay, hanggang sa magkaroon ng maliit na basag.

Biglang umikot ang kotse nang may isang katawang kumalabog sa harap ng sasakyan.

Napasigaw ang lahat nang malakas. Bumagsak sa sahig si Carlos habang mahigpit na nakahawak si Yang sa upuan nito. Muntik nang bumangga ang kotse sa isang tindahan, ngunit agad na ihinawi ni Alfred ang kotse sa kaliwa at iniwasan ang paparating na tricycle.

Mathilda BruhildaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon