BETTY and the PRINCE
written by: Lorna Tulisana
"Walang dudang isa nga siyang espiya!".
Hindi na muling itinuloy ang kasiyahan matapos ang naganap na gulo sa pagdating at pagtakas ng hinihinala nilang espiya.
Nasa isang malawak na silid ang mga maharlika.
"Ngunit,saang Kaharian kaya siya nagmula dahil masyadong banyaga ang kanyang kasuotan at maging ang pananalita?",wika ng isang reyna na hindi alintana ang sabog-sabog na buhok na napapatungan ng tabingi na rin nitong korona.
"Idagdag pa ang mga dala niyang sandata!",wika naman ng isang hari habang pinupunasan ng puting tela ang suot nitong kapa na natapunan ng kung anong likido.
"Ano ang masasabi mo,Reyna Berna?",tanong ng isa sa mga naroon.
Bumalik mula sa malalim na pag-iisip ang reyna ng palasyo, " Nang nabubuhay pa si Haring Marakat,naging kasa-kasama niya ako sa kaniyang paglalakbay,at masasabi kong halos napuntahan na namin ang lahat ng Kaharian,malayo man o malapit. Kaya nasisiguro ko na hindi ko pa naririnig ang lengguwahe ng espiya,o hindi ko pa nikikita ang uri ng kanyang pananamit maging ang sandata na hindi ko man nakita ng malapitan ay nasisiguro ko na wala pa nito sa mga lupaing aming napuntahan!".
Walang nakakibo sa mga maharlika. Lahat ay tila nag-iisip. Naguguluhan.
"Reyna Berna,hindi kaya isa siyang Ramaka?".
Napatingin lahat sa matabang hari na sa kabila ng malaking problemang kinakaharap ay hindi nawala ang gana nito sa pagkain kasalo ang reyna at anak na hindi man lang matinag sa harap ng halos nangangalahati ng mga pagkain sa mesa.
"Isang rebelde?".
Maging ang magkatabing prinsesa at prinsepe ay tila nagising sa malalim na pag-iisip.
"Mapanganib na rebelde!",dagdag pa ng matabang hari.
"Ngunit ang mga Ramaka ay nasa Timog,napakalayo nila dito sa Kanluran?".
"Paano ka naman nakakasiguro,Prinsesa Lirika, na hanggang ngayon ay nasa Timog pa rin sila? Hindi ba't ang huling Kahariang pinabagsak nila ay nasa Silangan?".
Hindi nakaimik ang prinsesa.
"Tama. Ang huling lupain nga ng mahal kong kaibigan na si Haring Abnerto,ang huli nilang sinakop. At hanggang ngayon ay bihag pa rin nila ito!",binalot ng lungkot ang mukha ng isa sa mga maharlika.
"At sa pagdating ng espiya,isa lang ang ibig ipahiwatig nito! Isa sa mga lupain dito sa Kanluran ang sunod nilang sasalakayin. At hindi malayong ito ay ang iyong Kaharian,Reyna Berna,Prinsepe Yulo!".
Nagkatinginan lang ang mag-ina.
"Kailangang mahanap ang espiya sa lalong madaling panahon at kunin dito ang mga mapanganib na sandata. Maaari nating 'yong magamit laban sa mga Ramaka!".
"Ngunit,hindi n'yo ba narinig ang banta ng espiya?".
Muling napatingin lahat sa prinsesa.
"Manganganib ang buong Bernalia!".
Walang nakaimik.
"Ano ang masasabi mo sa usaping ito,Prinsepe Yulo?",tanong ni Reyna Berna sa anak.
Napako lahat ng tingin sa prinsepe na kanina pa walang imik na tila napakalayo ng isip.
Tumayo ito,yumukod, " Ipagpaumanhin n'yo,ngunit,kailangan ko nang magpahinga! Salamat sa pakikibahagi ninyo sa pagdiriwang ng aking kaarawan! Maiwan ko na kayo!".
BINABASA MO ANG
BETTY and the PRINCE: book 1
FantasyPaano kung ang pag-ibig na matagal mo nang pinapangarap at hinihintay ay matagpuan mo sa tamang pagkakataon,ngunit sa maling panahon? Mas pipiliin mo bang makulong na lamang dito kasama siya o bumalik sa sariling mundo at muling mag-isa? Isang aksid...