MTJAB-Season 2: Chapter 30

403K 5.6K 1.2K
                                    

MTJAB-Season 2: Chapter 30

"Sigurado ka na ba sa desisyon mo, Ate?" Untag sa akin ng kapatid ko habang inaayos ko ang mga bagong biling gamit ni Tatay. Hindi ko siya sinagot. Pinagpatuloy ko lang ang paglalagay ng mga gamit nila sa maleta. Mamayang gabi na ang alis nila Nanay papuntang America para doon maipagamot ang tatay namin.

"Hindi mo naman kailangan gawin 'to, Ate. Kung mabubuhay ang Tatay, mabubuhay siya!" Sigaw ng kapatid ko na mas nagpalakas sa paghikbi ni Angelo. Marahas kong naihilamos ang palad ko sa mukha ko at hinarap ko si Eris.

"Eris, utang na loob. Sundin mo na lang yung desisyon ko. Aalis kayo nila Nanay para gumaling ang Tatay at doon muna kayo pansamantalang mag-aaral ni Angelo." Pakiusap ko sa kanya. Ang bigat na ng mata ko dahil sa hindi pagtulog ng halos tatlong araw kasabay pa no'n ang walang hintong pagtulo ng luha ko sa tuwing mapagmamasdan ko ang mga magulang ko.

"Paano ka? Ikaw lang mag-isa rito." Bulong ni Eris. Ramdam ko sa boses niya ang pag-aalala.

"H'wag mo akong intindihin, kaya ko ang sarili ko. Ikaw na lang muna ang bahala kay Tatay pati na rin kila Nanay at Angelo. Alagaan mo sila Eris, mag-aral kang mabuti roon." Bilin ko sa kanya. Mariin akong tinitigan ng kapatid ko na parang hanggang ngayon, hindi pa rin siya makapaniwala sa desisyong pinasok ko.

Pumirma na ako ng kontrata kay Ms. Mae. Kapalit no'n ang pagpapagamot nila sa Tatay ko at ang pagpapaaral sa dalawa kong kapatid. Maging ang ibang gastusin para sa pamilya ko, sinagot na nila. Mabilis din nabawi ni Ms. Mae ang lupa ng mga magulang ko. Hindi ko alam kung paano pero nasisigurado kong maraming kakilala si Ms. Mae para magawa ang lahat ng 'yon sa loob lang ng dalawang araw.

Nakaayos na ang lahat. Maging ang sasakyan na gagamitin ni Tatay papunta sa airport ay nakaayos na lahat. Wala namang naging problema sa mga papel nila. Gaya ng sabi ni Kevin, marami siyang kakilala na gagamot sa Tatay ko. Hindi ko rin akalain na marami rin siyang kakilala para mas mapadali ang pag-alis nila Tatay.

"Nay..." Tawag ko kay Nanay ngayong kaming dalawa na lang ang naiwan dito sa kubo. Nanatiling nakatalikod ang Nanay ko at inaayos ang mga naiwan nilang gamit. Humakbang ako palapit sa kanya at niyakap ko siya mula sa likod niya.

"I'm sorry, Nay..." Bulong ko at mas hinigpitan ko ang yakap ko sa kanya. Mas lalong nag-unahang tumulo ang luha ko nang maramdaman ko ang haplos ng palad ni Nanay sa braso ko.

"Hindi, anak... Patawarin mo ako kung napagbuhatan kita ng kamay. Hindi ko ginustong gawin 'yon, anak, pero hindi ko kakayanin kapag nawala ang Tatay mo." Bulong niya at marahang pinisil ni Nanay ang braso ko. Na-miss kong ganito ako kalapit sa Nanay ko. Yung pakiramdam na wala akong takot na nararamdaman sa kanya.

Naiintindihan ko kung bakit gano'n ang Nanay sa akin. Kung bakit galit na galit siya sa akin. Walang katumbas ang pagmamahal sa kanya ni Tatay at hindi ako makapapayag na mawawala na lang 'yon nang gano'ng kadali dahil sa katangahan ko. Humarap si Nanay sa akin at isang mahigpit na yakap ang ibinigay niya sa akin na kinasabikan ko. Lahat yata ng sakit na nararamdaman ko ngayon ay ibinuhos ko na sa yakap ni Nanay.

"Sorry, Nay, kung hindi ako nakinig sa inyo ni Tatay... T-tama kayo eh. D-dapat hindi ko binibigay lahat dahil alam kong sa huli, ako rin ang masasaktan." Humihikbing pagsusumbong ko. Mas hinigpitan ni Nanay ang yakap sa akin.

"Iniwan ka ba niya?" Bulong ni Nanay pero hindi ko alam kung anong isasagot ko. Isang mahigpit na yakap lang ang ibinigay ko kay Nanay.

"Lagi mong tatandaan na kahit anong mangyari, hinding hindi kita iiwanan, anak. Maaaring sumama ang loob ko sa'yo pero hinding hindi kita matitiis. Anak kita, eh. Hindi ko kayang magalit sa'yo nang sobrang tagal dahil mahal na mahal ko kayong magkakapatid." Bulong ni Nanay sa tainga ko. Totoo nga ang kasabihan na iiwanan ka ng lahat ng tao pero hinding hindi ka iiwanan ng magulang mo kahit pa ikaw ang nagkamali.

More Than Just A Bet [Published under Pop Fiction/Summit Media]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon