August 19, 2010.
Isang buwan na din pala ang nakakalipas simula nang mag-umpisa ako sa aking pagtatrabaho. Nasanay na akong sa umaga tulog. Sa gabi kasi ang aking trabaho, 8 ng gabi hanggang 5 ng umaga.
Nakakapanibago sa una, pero dahil sa sanay naman akong magpuyat, hindi ako masyadong nahirapan. Masusundo ako ni Jason sa uwian, hanggang 7am kami magkasama kasi may pasok pa siya ng 8am. Tapos, matutulog ako, at pagdating ng ala-una ng hapon, sabay kaming manananghalian sa bahay ko, hanggang 1pm lang kasi ang klase niya.
Simula nun, hindi na ko matutulog hanggang 7 ng gabi, tapos ihahatid na niya ko. Mahirap sa una, na halos limang oras lang lagi ang tulog ko. Pero nasanay na ko, dahil kung hindi ko gagawin yun, hindi na kami magkikita.
Madami na kong naging barkada. Pero hindi ko pa din tinanggal sa sistema ko si Jason. Ginagawan ko talaga ng paraan lahat lahat. Nasanay na din ako na kung hindi siya makakapunta ng tanghali sa bahay, sisiguraduhin niyang makakapunta siya ng alas-singko ng hapon para gisingin ako.
Isang araw, nag-alarm na ang cellphone ko, pagtingin ko, alas-sais na pala. Ugali ko pa din i-set ang alarm ko ng 6. Naisip ko agad si Jason. Bakit wala siya? Tinawagan ko agad siya.
Nag-ring ang cellphone niya, ilang beses, pero walang sumagot hanggang sa naputol na ito. Sinubukan ko ulit. Nag-ring, wala pa ding sumagot. Imposible to.. Napaisip ako at may halong kaba, sinubukan ko ulit.
“Hello??”, sabi ko ng may sumagot sa wakas pagkatapos ng ilang ring. Walang nagsasalita, pero maingay. “Hello?? Jason?? Nasan ka ba???”, walang nagsasalita. Puro ingay lang naririnig ko.
“Putang ina, pare! Bakit mo sinagot??”, iyon ang huling mga salitang narinig ko. Hanggang sa naputol.
Napakadami nang tumakbo sa isipan ko. Praning ako, oo. Pero unang beses lang na nangyari ‘to, hindi maaaring gawin sakin ‘to ni Jason. Nasaktan ako, pero mas nangibabaw ang galit. Hindi namin ugali ang magtago ng kahit anuman sa isa’t isa. Pero bakit ngayon? Nagawa niyang di sabihin kung saan siya pupunta. Hindi naman ako pala-bawal na girlfriend. Basta magsasabi lang ng totoo, ayos na iyon.
Sinet ko as silent ang phone ko. Ayokong malaman kung may nagtext o may tumatawag. Ayoko marinig ang kahit anong paliwanag. Nasasaktan ako na nagagalit. Naghanda ako para pumasok. Unang beses na nag-commute ako papasok simula nang nagtrabaho ako, dahil nasanay akong hatid-sundo ni Jason.
Kailangan ko na sigurong masanay mag-isa bumyahe. Nagiging dependent na ko.. Hindi ko malaman ang iisipin, ayokong isipin na may ginagawa siyang kalokohan sa kabila nang pagtatrabaho ko. Naalala ko ang aking cellphone, naka-silent pala ito.
10 missed calls.
8 messages received.
Ang lahat nang ito’y si Jason. Ayokong basahin ni isa man sa mga ito. Ayoko. Ayokong malaman ang pagsisinungaling niya. Ayokong malaman na kaya na niyang magsinungaling sakin. Habang nakatingin ako sa cellphone ko, tumatawag pa din siya, hanggang sa maisipan kong i-off na lamang ito. Ayoko siya makausap. Ayoko talaga.
Hindi mapinta ang mukha ko sa office. Hindi ako sanay. Bahala na. Hindi ako nagsasama sa mga barkada ko. Mag-isa akong nagyosi sa baba. Oo, natutunan ko ang bisyong ito dahil na din sa trabaho ko at pati na din sa mga barkada ko. Pampawala daw ng antok. Oo nga, parang ganon na nga ang naging silbi nito sakin. Plus ngayon, masakit ang puso ko, nakakawala siya ng stress. Stress reliever.
Tapos na ang shift ko, medyo okay na ko at mas nangingibabaw ang antok ko. Magtataxi na lang ako.. Sanay akong may sundo, kaya hindi na ko nasanay na bumyahe mag-isa. Magyoyosi na muna ako bago sumakay ng taxi..
“Gab.. Sorry.. Hindi ko sinasadyang hindi magpaalam sayo..”, mga salitang narinig ko mula likod, sabay isang mahigpit na yakap. Si Jason. Hindi ko ineexpect na naroon siya. Nagulat ako.
Hindi ako nakapagsalita. Humithit ako ng ilang magkakasunod. Hindi ako makahinga. Naiiyak ako na parang ewan.
“Sorry…”, sabi niya, sabay luhod sa harapan ko, at umiiyak. Ayoko sa lahat ang makita siyang umiiyak. Ayoko, hindi kaya ng sikmura ko.
“Tumayo ka na dyan.. San ka ba talaga galing kahapon?”, malumanay kong tanong sa kanya na parang ayoko na marinig pa ang dahilan niya.
“Kay DadiSam..gumawa kami ng project, ipapasa kasi ngayon..”, paliwanag niya. Si DadiSam ang isa sa mga barkada ni Jason sa eskwelahan, kaklase niya din yun.
Aawayin ko pa sana siya, kaso pagod na ko at ramdam ko na ang antok. Ayoko na makipagtalo, naniwala na lang ako sa mga sinabi niya. Hinatid niya ko sa amin, at umalis na din siya dahil may klase pa siya. Hindi na din ako nakipagtext sa kanya bago ako matulog. May inis pa din akong nararamdaman.
BINABASA MO ANG
Broken. Lost. Put it back.
RomanceIsang simpleng babae na may simpleng hangarin sa buhay. Umibig ng tapat. Nangarap nang lubusan, para sa kanyang iniibig. Bandang huli'y mababalewala lamang ang lahat. Masasaktan, at dahil sa sagad sa buto ang sakit, maglalaro. Mahanap niya pa kaya a...