1. Describe yourself.
Sabi nila, pag gumagawa ka ng children's fiction, isip bata ka na. Yung iba kasi, dahil "matanda" na daw, di na bagay sa kanila ang gumawa ng kwentong pambata. Minsan, sinasabi pang corny ang mga ito dahil nabudburan ito ng mga pantasya sa mga kaharian, maginoong prinsipe, lumilipad na kabayo, malaking kastilyo, mga magic sa loob ng isang kahon, imbisibol na dwende -- na malayong-malayo sa realidad ng buhay. Mali. Ang totoo, panitikang pambata ay pagsariwa sa iyong nakaraan na nais mong ipahayag sa iba. Samakatuwid, pag nagsususlat ako, hindi ako iyong nakatingala sa kalawakan at naghihintay na lumitaw si Tinker bell sa bintana. Ang iniisip ko, kung papaano lilitaw ang inosenteng ngiti ng mambabasa ko pag nabasa nila ang gawa ko. At pag nagjudge ako, gusto ko iyong mapapangiti din ako gaya ng gusto kong pagngiti ng mga taong babasa ng gawa ko.
Sabi nila, pag gumagawa ka ng kwentong pambata, iniwasan mo ang paggamit ng di maarok na salita mula sa pinakamalalim na balon sa sibilisasyong Mesopotamia. Mali. Mas madugo ang pagsulat ng kwentong pambata dahil ikaw ay mamimili, magsasala at magpipiga ng mga salitang tama na naayon sa kapasidad ng mga bata para maintindihan nila ang gusto mong sabihin. At sa pamimili mo ng mga tamang salitang iyon, agad nilang maiintindihan ang mas malalim na kahulugan ng bagay na gusto mong ipahiwatig. Samakatuwid, ako iyong taong namimili ng mga salitang sasabihin, hindi dahil nagpapakaplastik ako, kundi dahil mas pinipili kong tulungan ang isang tao na siya mismo ang lulutas at titingin sa sarili niyang pagkakamali. At pag nagjudge ako, hindi ako yung maghahanap ng butas at mang-ookray. Pero wag kang pakakasigurong dahil "mukhang" good points na ang binigay ko sa iyo, magaling ka na. I like people to self-realize their faults.
Sabi nila, ang pagsulat ng kwentong pambata ay kailangan may happy ending, kaya kailangan isa kang happy person para makapagsulat. Mali. Sa buhay ng isang bata, hindi maiiwasang madapa sila, umiyak, maagawan ng laruan o mapahiya dahil umihi sila sa shorts nila. Kailangang maramdaman nila iyon. Ganun din naman ako. Hindi perpekto ang buhay ko at hindi ako nabuhay na parang prinsesa. Minsan na rin akong nakaihi sa shorts ko at tinukso dahil sa pagiging payatot ko. Pero kahit may weaknesses ako, kaya kong tabunan lahat iyon ng mga strengths ko. At kapag nagjujudge ako, hindi ako yung nakatingin lang sa end ng story para masabi kong maganda ito. Mahalaga kasi yung mga series of development na nangyayari sa character. Malay mo, baka maging inspirasyon iyan sa iba pag nabasa nila iyan.
2. What do you expect from our remaining contestants?
Gusto ko silang maging dandelions. You know what they are. Maraming POTENTIAL ang isang dandelion, aesthetically and medically. Originally, ang akala noon ng mga tao isa lang itong ligaw na damo na tumutubo kung saan-saan. Pero nang bumukadkad ang mga ubod nito, may angking halina pala ang halamang ito, gaano man ito kaliit at di napapansin. Ang damo, hindi napapansin. Pero kahit mo ito tapakan, tumatayo pa rin. At kapag panahon at oras na niya ng pagyabong, maliliit man ang mga bulaklak nito, napapansin din. At ang maganda pa dito, kahit ilang beses mong bunutin, tumutubo pa rin. Sana may matutuhan at makuha sila sa buhay ng isang dandelion. Kahit inokray mo na ang gawa nila, hindi sila masasaktan. Kahit sabihin mong wala na silang pag-asa, maniniwala sila sa kakayahan nila at maghihintay ng panahon para sa kanilang pagyabong.Kahit sabihin mong tumigil na sila sa pagsusulat, hindi sila titigil dahil parte na ng buhay nila ang pagsusulat.
3. Message to the contestants.
Pag sinabi kasing "contestant", kayo yung mga taong may goal. At para makuha ninyo yung goal na yun, dapat may lakas ng loob at confidence kayo sa sarili niyo na kaya niyp ang bagay na pinasukan niyo. Pero sana it's not about the prize and fame. Oo, let's not be hypocrite, isa yung mga yun sa nagpapamotivate sa atin sa mga contests. Pero kung nandoon talaga yung "push", right attitude, at skills, walang-wala yung fame at prize sa self-fulfillent na naranasan niyo. Anyway, manalo man o matalo, the experience is the prize. Kaya sana huwag kayong mapanghinaan ng loob.Courage in joining this contest is the first step of winning. Kaya simula pa lang nung napagdesisyunan ninyong sumali, you're already a winner. Good luck. Always find a room for improvement, or better, build a castle for self-development.